Nora Aunor on being replaced in Oro: "Walang kapatawaran ang ginawa nila sa akin."

IMAGE Noel Orsal

Nagsalita na ang Superstar na si Nora Aunor kaugnay ng pagpalit sa kanya bilang bida sa MMFF 2016 entry na Oro. Sabi niya, "Aalisin ka, hindi ka ba naman magagalit?"


Nagsalita na ang Superstar na si Nora Aunor tungkol sa pagpalit sa kanya bilang lead star sa pelikulang Oro.

Ang Oro ay isa sa walong official entries sa 2016 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Si Nora ay pinalitan ng premyado ring aktres na si Irma Adlawan.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa producer at direktor ng Oro na sina Shandii Bacolod at Alvin Yapan, ipinaliwanag ng mga ito na ang pagkakaiba sa bisyon ang dahilan kung bakit nila pinalitan si Nora sa pelikula.

Pinabulaanan naman nina Shandii at Alvin na dahil diumano sa hindi makabisado ng Superstar ang kanyang mga linya kaya ito pinalitan.

Itinanggi rin ni Shandii na magsasampa siya ng reklamo laban kay Nora dahil hindi nito isinauli ang natanggap na talent fee para sa pelikula.

Sa panayam ng PEP kay Nora sa MMFF 2016 Christmas Grand Presscon Cocktail Party, na ginanap sa Quezon Circle Experiential Museum, nitong Huwebes, December 15, ay kinuha namin ang kanyang panig sa isyung ito.

“Aalisin ka, hindi ka ba naman magagalit?” simula ng award-winning actress.

Pero dagdag niya, “Naitanong mo na rin naman, maraming-maraming salamat. Pero hindi na ako sasagot.”

Ngunit nilinaw rin niya ang ilang mga bagay na lumabas sa balita.

Lahad ni Nora, “Nag-shooting kami sa Caramoan ng tatlong araw.

“Isang araw lang ang nag-shooting kami, pagkatapos pinauwi kami.

“Noong umuwi kami, wala na akong narinig.

“Yun pala, pinalitan na pala ko.”

"WALANG KAPATAWARAN." Bagamat pinalitan siya sa Oro, mayroon pa ring entry si Nora sa MMFF ngayong taon. Ito ay ang socio-political drama na Kabisera.

Sa event na naganap kahapon ay dumalo rin ang mga representative ng Oro, kaya narinig ng mga ito ang pahayag ng Superstar.

May sama ba ng loob si Nora sa mga taga-Oro?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tugon niya, “A, wala po, wala, hindi ako galit. Wala.

“Hindi ako galit, wala akong sama ng loob.

“Kinaklaro lang, kasi nga, may lumabas na hindi maganda. Kaya nagpapasalamat ako na naitanong niyo po sa akin.

“At saka, Bagong Taon na naman. Tapos na.”

Bago siya umalis sa venue, nakausap ulit ng ilang saglit ng PEP si Nora.

Muli naming nilinaw sa kanya kung okey sila ng direktor ng Oro na si Alvin Yapan.

“Yung director. Ako hindi!” natawang sagot niya.

Patuloy niya, “Hangga’t hindi siya humihingi ng paumanhin o lumapit sa akin, dahil sa totoo lang, walang kapatawaran ang ginawa nila sa akin.”

Wala naman daw problema si Nora sa pumalit sa kanyang si Irma Adlawan.

Inusisa rin ng PEP kay Nora ang isyung tumanggap daw siya ng kabuuang bayad para sa pelikula, na nagkakahalaga ng P3.5 million. Pero hindi na raw niya ito isinauli kahit hindi siya natuloy.

Ngunit pag-iwas ng Superstar, “Huwag na nating pag-usapan yun.”

Umiwas din si Nora nang tanungin kung papayag siyang makatrabaho muli ang mga taga-Oro kung sakaling may offer sa kanya.

“Huwag na nating pag-usapan. Kung loloobin ng Diyos,” sambit niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN