Noven Belleza admits wanting to quit showbiz at the height of rape issue

IMAGE Noel Orsal

Noven Belleza admits almost giving up his singing career at the height of the rape complaint against him: "Dahil sa page-encourage ng pamilya mo, ng mga fans mo... siyempre ng management, kasi sila ang nakakakilala sa iyo, nabuhayan ako ng loob. Habang maraming tao ang sumusuporta at naniniwala sa akin, aawit ako."


Aminado si Noven Belleza na dumating siya sa puntong pinag-isipan niyang mag-quit na sa showbiz.

Ito ay nung panahong sinampahan siya ng kasong rape at attempted rape ng isang babaeng naging contestant din pala nun sa Tawag ng Tanghalan (TNT) sa Cebu,

Read: Noven Belleza on sexual-assault case: "Iyon ay pagsubok lamang sa buhay."

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Noven sa album launch niya noong nakaraang Huwebes, sa 9501 restaurant sa ELJ building ng ABS-CBN, ibinahagi niyang muntik na siyang tuluyang mawala sa showbiz.

Ang suporta at tiwala na lamang ng mga naniniwala sa kanya ang naging rason kung bakit daw nagbago ang desisyon niyang talikuran na ang pag-awit.

Lahad niya, “Sabi ko sa sarili ko, 'Ano ba itong nangyayari sa akin? Kung kailan ka kayod nang kayod para guminhawa ang buhay mo, dun ka naman sinusubok.'

“Gusto ko ngang sumuko, sabi ko, 'Dati nagdidildil ako ng asin. Wala ito.'

“Sabi nila ganyan talaga ang buhay pag pumasok ka sa showbiz.

“Dahil sa page-encourage ng pamilya mo, ng mga fans mo... siyempre ng management, kasi sila ang nakakakilala sa iyo, nabuhayan ako ng loob.

“Habang maraming tao ang sumusuporta at naniniwala sa akin, aawit ako.”

Siniguro sa amin ni Noven na hindi siya nakipag-areglo sa nasabing babae o nagbayad dito para iurong nito ang isinampang mga kaso laban sa kanya.

Bagkus, lumaban siya para linsin ang kanyang pangalan.

Pagmamalaki niya, “Nilaban ko yung paratang niya sa akin.

“Dinismiss siya ng judge kasi wala silang interes na ilaban.

“Nagpapasalamat ako na natapos na.

“Kung ganun man ang ano nila, ayoko ng areglo.

“Walang nangyaring ganun. Nilaban ko siya sa korte.”

CUTTING TIES WITH THE GIRL. Sa tanong namin kung bukas pa ba siyang makipagkaibigan sa babaeng nagdemanda sa kanya kung sakaling kontakin siya nito para humingi ng tawad, matigas ang naging sagot ni Noven. 

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahayag niya, “Hindi na, di na kami nagkita.

“Friends? No, gusto ko nang kalimutan yun.

“Ayoko na, ang laki ng 'dinulot niya [na perwisyo] sa pamilya ko, di lang sa akin.”

“Nagustuhan ko siya?

“Hindi, magkaibigan lang talaga kami.”

REKINDLING HIS FAITH IN GOD. Isa palang miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang TNT Champion.

Naniniwala ang singer na nakalimot din siya sa Panginoon dahil sa naging abala siya sa kanyang pagkapanalo, at tingin niya ay nagsilbing wake-up call sa kanya ang nangyari.

Ito raw ang tamang panahon para buhayin niyang muli ang dati niyang pananalig sa Diyos.

“Kasi after ng pagkapanalo ko, nanlamig din ako, paminsan-minsan lang ako sumasamba, kaya siguro ako sinubok.

“Tingin ko ganun ang buhay, palaging may pagsubok. Wag ka dapat bibitaw,” saad niya.

MANAGEMENT SAFEGUARD. Sa kasagsagan ng isyu noon ay naging mailap si Noven sa media, kahit na ang intensyon ng mga reporters ay marinig lamang ang kanyang panig tungkol sa pangyayari.

Ayon kay Noven, ang management niya ang nagdesisyong umiwas muna siya pansamantala sa mga tao.

Paglilinaw niya, “Iniwas ako ng management sa tao dahil, siyempre, di natin hawak ang utak ng tao.

"Wala pa nga, hinuhusgahan ka na."

NOT AFFECTED BY BASHING. Naging biktima din si Noven ng bashing sa social media.

Pero sa kabila ng mga below-the-belt na mga komento ng maraming bashers ay hindi siya sumagot ni minsan sa mga masasakit na paratang.

Hindi rin niya naisip na mag-deactivate ng kanyang mga social media accounts.

Pagbabalik-tanaw niya, “Na-bash ako.

“Dati pa kasi nung lumalaban ako, marami na akong bashers kaya mahilig akong magbasa.

“Inisip ko na lang na mga pagsubok lang talaga.

“Kung malalagpasan ko ito, mas magiging matibay ako.

“Hindi ako pumapatol sa mga bashers.

“Naaapektuhan ako, siyempre tao ka lang. 'Bakit ako sinasabihan ng ganito, e di ko naman ginawa?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kinikimkim ko na lang, di naman puwedeng sumagot ka, e.

“Deactivate? Hindi ako nag-deactivate, kasi nandiyan naman ang mga tagasuporta ko na sumasagot sa kanila, nagpapaliwanag.”

LESSONS LEARNED. Ibinahagi din ni Noven ang mga aral na natutuhan niya sa nangyari.

“Ngayong kilala na ako ng tao, lubos kong naintindihan na hindi na pala ako yung dating Noven na puwedeng gumala, puwedeng mag-ano sa publiko.

“Piliin mo ang mga taong pagkakatiwalaan mo.

“Malling? Pwede pa rin naman, pero kailangan ng paalam sa management.”

Sa mabigat na pinagdaanan niya, siniguro sa amin ng singer na mas handa na siya ngayon sa mas mabibigat pang maaring pagdaanan niya.

“Ready na, pinasok ko ito kaya kailangang kayanin,” diin niya.

FOCUS ON SINGING. Sa kabila ng pagkapanalo bilang Tawag ng Tanghalan grand champion ay marami pa rin ang nagsasabi na mataas lang ang boses niya pero marami raw ang mas deserving na manalo.

Ipinagkibit-balikat na lamang ito ni Noven.

Aniya, “Ako, ini-encourage ko ang sarili ko na mas galingan pa.

“Kung ano ang di nila nakikita at napupuna sa akin, ina-accept ko yun para maging mas magaling akong mang-aawit.”

Sa ngayon nga ay isang album ang handog ni Noven para sa kanyang mga tagahanga.

Kuwento niya, “Isang buwan kong pinagpuyatan ito sa recording.

“Nawawalan ako ng boses, inaabot kami ng madaling araw kaka-record.

“Para ito sa masang Pilipino, sana suportahan ninyo ang 'Ako’y Sa'Yo,' ito ang title ng album.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN