May nagaganap na war of the rosés sa pagitan ng dating Hollywood power couple na sina Brad Pitt at Angelina Jolie.
Idinemanda ni Brad si Angelina dahil ibinenta ng aktres ang share nito sa pag-aari nilang winery nang walang pahintulot ng aktor.
Ang Chateau Miraval vineyard, na matatagpuan sa Correns, Southern France, ay nabili nila ng "25 million euros," ayon sa wire report ng ABS-CBN News Online.
Ang ibinayad ni Brad ay 60 percent, habang si Angelina ay may ambag na 40 percent nang bilhin nila ang winery noong 2008.
Ayon sa civil case na inihain ni Brad sa Los Angeles noong Huwebes, February 17, 2022 (U.S. time), sinabi ng aktor na siya ang nagpakahirap i-develop ang winery na "small" at "unprofitable" noon.
Pero mula sa dating kinikita ng winery na "$3M," napalago raw iyon ni Brad nang husto sa tulong ng kilalang French winemaker na si Marc Perrin.
Noong 2021, kumita ang rosé business nina Brad at Jolie ng halagang "$50M."
Ang ikinagalit pa lalo ni Brad, wala na nga raw ambag si Jolie sa pagpapalago ng negosyo mula noong 2008, ay nakuha pa raw nitong ibenta ang 40 percent share nito nang di pinapaapruba sa aktor.
Inalmahan ito ni Brad dahil noong September 2021, nilinaw raw niya kay Jolie na hindi niya ito pinahihintulutang ibenta ang bahay o ang winery nila sa Southern France. O kung ipagbebenta man daw ni Jolie, kailangang aprubahan muna niya ito.
Pero lumabag si Jolie sa usapan, ani Brad.
Sa ngayon, sinasabing nahihirapan si Brad sa pagpapatakbo ng winery dahil hindi umano sila magkasundo sa strategy ng pinagbentahan ni Jolie na si Shefler.
Kakatwang pinag-aawayan ng couple ang French estate kung saan nagsumpaan silang magmamahalan habambuhay. Doon ginanap ang kanilang dreamy wedding noong 2014.
Read: A LOOK BACK: Brad Pitt and Angelina Jolie's wedding
Taong 2016 nang mag-file ng divorce si Angelina, at inaprubahan ito ng korte noong 2019.
Pero hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang masalimuot nilang court battle sa kanilang anim na anak.
