Opisyal nang inanunsiyo ng Coldplay frontman na si Chris Martin ang nakatakdang pagreretiro ng British rock band sa oras na mai-release nila ang kanilang 12th studio album.
Ang pag-anunsiyo ni Chris ay nangyari nang makapanayam siya ng New Zealand radio DJ na si Zane Lowe ng Apple Music 1 noong Martes, October 1, 2024, para sa pagpu-promote ng kanilang upcoming 10th album na Moon Music, na nakatakdang ilabas sa Biyernes, October 4.
Pahyag ni Chris, "We are only going to do 12 proper albums and that’s real, I promise.
"Because less is more and, for some of our critics, even less would be even more! It’s really important that we have that limit."

Ayon kay Chris, pinag-isipan nilang mabuti kung bakit kailangang limitahan ng dose (12) ang ilalabas nilang album, bukod pa rito ang iba't ibang dahilan na kanilang kinunsidera.
Kabilang na raw rito ang inspirasyong nakuha nila sa mga musician at personalidad na iniidolo ng Coldplay, maging ang kagustuhan ni Chris na bigyan ng oras ang kanyang mga kabanda na unahin ang kanilang mga sarili at nais gawin sa labas ng kanilang grupo.
Saad ni Chris: "There’s only seven Harry Potter [books]. There’s only 12-and-a-half Beatles albums, there’s about the same for Bob Marley, so all our heroes.
"Also, having that limit means the quality control is so high right now, and for a song to make it, it’s almost impossible, which is great. And so where we could be coasting, we’re trying to improve."
Dagdag pa niya, "To make an album great as a band, it’s such a lot of wrangling of people, and I want to give the others some of their life for themselves."
CHRIS OPEN TO COLLABORATE WITH OTHER COLDPLAY MEMBERS
Bagamat napipinto na ang kanilang pagreretiro bilang grupo, nilinaw ni Chris na hindi ibig sabihin nito ay hihinto na rin siya sa paggawa ng mga kanta at maging sa pakikipag-collaborate sa ibang artists.
Mananatili rin daw siyang bukas na muling makasama at makatrabaho ang kanyang mga kabanda — na binubuo nina Jonny Buckland (guitarist), Guy Berryman (bass), at Will Champion (drums and percussion) — sa oras na maghiwa-hiwalay sila ng landas.
Sabi ni Chris, "If we do something together after that creatively beyond touring, then it’ll be something different, or it’ll be a side thing, or it’ll be a compilation of things we hadn’t finished."
Ang bandang Coldplay ay kilala sa mga awitin nilang "Yellow," "Fix You," "Viva La Vida," "The Scientist," at "A Sky Full of Stars."
COLDPLAY'S Upcoming Concerts in 2025
Bukod sa upcoming 10th studio album, nakatakda ring mag perform ang Coldplay sa sa Mumbai, India, sa January 18-21, 2025.
Ito ang pangalawang beses na pagbabalik nila sa India matapos ang walong taon makaraan ang una nilang pagbisita rito noong 2016 para sa Global Citizen Festival.
Sa taong 2025 din nakatakda ang pagpapatuloy ng Music Of The Spheres World Tour ng Coldplay na magsisimula sa January hanggang November 2025.
Ilan pa sa mga bansang dadayuhin nila ay ang Melbourne at Sydney, Australia; Abu Dhabi, United Arab Emirates; London; Seoul, South Korea; at Hong Kong.
Samantala, noong January 19 at 20, 2024, huling bumisita ang Coldplay sa Pilipinas para sa kanilang Music Of The Spheres World Tour na dinaluhan ng libu-libo nilang tagahanga.
Read: President Marcos Jr., Maine-Arjo, Heaven-Marco among attendees at Coldplay Manila concert
