Naaresto ng Vietnamese police si Miss Grand International 2021 Tien Thuc Thuy Nguyen noong Lunes, May 19, 2025.
Ito ay may kaugnayan sa diumano'y reklamong consumer fraud dahil sa Kera Supergreens Gummies, isang fiber supplement na pinu-promote ni Tien.
Ayon sa ulat ng VN Express Online, sinabi raw ng Ministry of Public Security ng Vietnam na under investigation ang 26-year-old beauty queen dahil sa paratang na panlilinlang sa consumers.
Napag-alaman daw ng awtoridad na may 30% share siya sa nasabing supplement business, na pag-aari ng iba pang investors.
Noong nakaraang December 2024, pinromote raw ni Tien, at influencers na sina Pham Quang Linh at Nguyen Thi Thai Hang, ang gummies.
Sa Facebook, pinagmamalaki raw ni Tien na ang ineeendorsong gummies ay masustansiyang snack para sa lahat ng edad, at ito ay "equivalent of one plate of vegetables per gummy."
Nagsimulang pumutok ang kontrobersiya nang isang customer ang nagbigay ng produkto para sa isang "independent testing at Quality Assurance and Testing Center 2."
Lumabas daw sa resulta na ang isang box ng gummy ay may lamang na 0.51 grams ng fiber, malayo sa ipinapalabas sa social media.
Nagkaroon ng backlash mula sa publiko kaya inalis ni Tien ang lahat ng promotional materials sa kanyang social media.
At makikita nga sa Instagram ng beauty queen na burado na ang lahat ng post niya ukol dito.

Read: Vietnam wins Miss Grand International 2021
Miss Grand International 2021 Tien Thuc Thuy Nguyen FINED FOR VND25 million
Dagdag pa sa ulat, humiling ng tulong ang Ministry of Health’s Food Safety Department sa Ho Chi Minh City Food Safety Management Authority kaya nagkaroon ng pormal na pagsisiyasat.
Ang sugar, protein, fat, at energy level ng produkto ay tumugma sa nakarehistrong deklarasyon para sa produkto, ayon sa imbestigasyon.
Pero nadiskubre raw ng awtoridad na ang fiber content ay nakaligtaang ilagay sa packaging ng produkto, gayong ito ay pinu-promote bilang fiber supplement.
Kaya naman dineklara ang produkto na "counterfeit."
Inihayag din ng mga imbestigador na ang vegetable powder ingredient ng bawat gummies ay dapat sana ay galing sa mga "VietGAP-certified farms."
Lumabas daw na ang production staff ay inutusang gumamit ng "substandard powder with fiber levels of only 0.61–0.75%, while falsely claiming it contained 28%."
Dahil sa lumabas na resulta ng imbestigasyon, ipinatawag sina Tien, Linh, at Hang para matanong tungkol sa isyu.
Inamin naman ng tatlo na gumawa sila umano ng "false or misleading statements."
Sina Linh at Hang ay pinagmulta ng VND140 million bawat isa para sa "deceptive advertising."
Ito ay katumbas sa P299,825.95.
Si Tien naman ay pinagmulta ng VND25 million o katumbas sa PHP53,535.88.
Si Tien ang nakalaban ng pambato ng Pilipinas sa Miss Grand International 2021 na si Samantha Panlilio.
Read: Samantha Panlilio, ligwak sa Miss Grand International 2021
