Trigger Warning: Mention of suicide
Pumanaw na ang Hollywood actress na si Barbara Barrie, na nakilala sa kanyang Oscar-nominated performance sa 1979 coming-of-age film na Breaking Away.
Siya ay 95.
Namatay si Barbara noong Miyerkules, Oktubre 28, 2026, sa kanyang tahanan sa Manhattan, New York, sa pamamagitan ng medically assisted suicide o medical aid in dying, kasunod ng pagkaka-diagnose sa kanya ng terminal cancer.
Kinumpirma ng anak niyang si Jane Harnick ang pagpanaw ng aktres sa The New York Times.
Kinumpirma rin ng mga kinatawan ni Barbara na medically assisted ang kanyang pagkamatay, alinsunod sa Medical Aid in Dying Act ng New York.
Ayon kay Jane, tatlong linggo bago pumanaw ang kanyang ina ay nalaman nilang mayroon itong terminal cancer.
Matagal na umanong sinusuportahan ni Barbara ang karapatan ng isang tao na pumili ng medical aid in dying. Para sa aktres, isa itong karapatang pantao.
Ikinuwento rin ni Jane na ilang taon nang sinasabi ng kanyang ina na nais niyang magkaroon ng opsiyong uminom ng gamot at mapayapang makatulog kapag dumating na ang kanyang oras.
Nasa tabi ng aktres ang kanyang pamilya sa mga huling sandali nito.
Habang unti-unti siyang nakakatulog, sinabi sa kanya ng mga mahal sa buhay na mahal siya ng mga ito.
Sumagot daw si Barbara ng “I love you too,” na siyang iniulat na mga huling katagang binitiwan ng aktres.
BARBARA BARRIE'S ACTING CAREER
Ipinanganak si Barbara Ann Berman noong Mayo 23, 1931, sa Chicago, Illinois.
Mahigit anim na dekada niyang inilaan ang buhay sa pag-arte sa pelikula, telebisyon, at teatro.
Noong 1955, nag-debut siya sa Broadway sa dulang The Wooden Dish.
Sinundan ito ng iba pang mga produksyon sa teatro, kabilang ang musical na Company ni Stephen Sondheim, kung saan ginampanan niya ang orihinal na karakter na si Sarah.
Dahil sa kanyang pagganap sa 1970 Broadway production ng Company, nakatanggap siya ng nominasyon sa Tony Awards bilang Best Featured Actress in a Musical.
Mas nakilala rin si Barbara sa pelikulang One Potato, Two Potato noong 1964.
Ginampanan niya rito ang karakter na si Julie Cullen Richards, isang puting babae na nagpakasal sa isang Black man. Tinalakay ng pelikula ang interracial relationships at diskriminasyon sa lahi.
Dahil sa mahusay niyang pagganap, naiuwi ni Barbara ang Best Actress award sa 1964 Cannes Film Festival.

Isa pang malaking milestone sa kanyang karera ang pelikulang Breaking Away noong 1979, kung saan ginampanan niya si Evelyn Stohler, ang ina ng isang binatang nangangarap maging siklista.
Dahil sa naturang pelikula, nakatanggap siya ng nominasyon sa Academy Awards bilang Best Supporting Actress.

Muli niyang ginampanan ang parehong karakter sa television adaptation ng pelikula, na nagbigay rin sa kanya ng nominasyon sa Emmy Awards.

Kabilang pa sa mga pelikulang kanyang kinabilangan ang comedy na Private Benjamin noong 1980, na pinagbidahan ni Goldie Hawn, at ang Judy Berlin noong 1999, kung saan gumanap siyang ina ng karakter ni Edie Falco.
Nagbigay rin siya ng boses sa karakter ni Alcmene, ang ina ni Hercules, sa animated Disney film na Hercules noong 1997.
Read: French actor Arnaud Denis dies by euthanasia at 43
MEMORABLE TELEVISION ROLES
Hindi lamang sa pelikula at teatro nagpakitang-gilas si Barbara. Marami rin siyang naging papel sa mga palabas sa telebisyon sa loob ng kanyang mahabang karera.
Ginampanan niya ang karakter na si Elizabeth Miller, asawa ni Captain Barney Miller, sa sitcom na Barney Miller mula 1975 hanggang 1978.
Naging bahagi rin siya ng cast ng NBC sitcom na Suddenly Susan mula 1996 hanggang 2000, na pinagbidahan ni Brooke Shields.
Dito ay ginampanan niya ang karakter na si Helen Keane, ang lola ng pangunahing karakter.
Kabilang pa sa kanyang television credits ang mga palabas na The Twilight Zone, The Alfred Hitchcock Hour, Law & Order, at Law & Order: Special Victims Unit.
Tatlong beses ding nakatanggap ng nominasyon sa Emmy Awards si Barbara sa buong career niya, kabilang ang pagkilala sa kanyang trabaho sa television adaptation ng Breaking Away at sa kanyang guest appearances sa mga crime drama series.
Ang huli niyang screen credit ay iniulat na ang pelikulang Things Like This noong 2025.
CANCER ADVOCATE AND AUTHOR
Bukod sa pagiging aktres, naging manunulat at tagapagtaguyod din si Barbara ng kamalayan tungkol sa colorectal cancer.
Noong 1994, na-diagnose siyang may rectal cancer at sumailalim sa colostomy procedure.
Ginamit niya ang kanyang karanasan upang makatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa sakit at hikayatin ang iba na maging bukas sa pagtalakay sa cancer at sa buhay matapos ang gamutan.
Kabilang sa mga librong isinulat niya ang Second Act noong 1997, isang memoir tungkol sa kanyang buhay matapos ma-diagnose ng cancer; at ang Don't Die of Embarrassment: Life After Colostomy and Other Adventures noong 1999.
Sumulat din siya ng mga aklat para sa mga batang mambabasa, kabilang ang Adam Zigzag at Lone Star.
Noong 2014, ibinahagi ni Barbara na mayroon siyang idiopathic pulmonary fibrosis, isang progresibong sakit sa baga na nagdudulot ng pagkakapilat ng lung tissues at unti-unting nagpapahirap sa paghinga.
Sa kabila ng mga hamon sa kanyang kalusugan, nagpatuloy siya sa pagtatrabaho at pagiging aktibo sa kanyang personal na buhay.
PERSONAL LIFE
Ikinasal si Barbara noong 1964 sa aktor, direktor, at producer na si Jay Harnick.
Nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Jane at Aaron.
Pumanaw si Jay noong 2007.
Naulila ni Barbara ang kanyang dalawang anak at tatlong apo.
Ayon sa kanyang pamilya, matagal nang naninindigan ang aktres para sa karapatan ng isang taong pumili ng medical aid in dying.
Umaasa rin ang kanyang mga mahal sa buhay na ang naging desisyon ni Barbara ay magbubukas ng mas malawak at makabuluhang pag-uusap tungkol sa nasabing usapin.
