Muling masisilayan ng mga fans ni Deanna Wong ang pagbabalik niya sa volleyball court sa pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa July 9, 2022.
Unang makakaharap ng team ni Deanna na Choco Mucho Flying Titans ang Chery Tiggo. Gaganapin ang laro sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Pero ayon sa kanyang coach na si Oliver Almadro, ang sikat at mahusay na setter ay hindi pa ito fully recovered sa kanyang injury.
"She'll be playing, but right now, hindi pa siya 100 percent. She's still recovering, doing therapy para maging game-ready siya this season," pahayag ni Almadro sa ginanap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Century Park Hotel noong June 28.
Nagkaroon si Deanna ng shin injury noong playoffs ng PVL Open Conference ngayong taon.
Dahil sa injury, hindi siya nakasama sa volleyball national team na sumabak sa 31st Southeast Asian Games.
Ayon pa kay Almadro, pabalik-balik ang injury ng dalaga, na nakuha nito noong varsity player siya sa Ateneo Blue Eagles.
"Right after college, yun na yung iniinda niya, and siyempre yun, tuloy-tuloy ang therapy. And alam niyo naman, sa atin sa Pilipinas, kailangan yung alaga sa katawan, strengthening, kailangan continuous yan," ani Almadro.

Nang mabakante sa paglalaro ay mas naging visible naman sa social media si Deanna. Madalas siyang maimbita sa iba’t ibang events.
Naging guest din siya sa YouTube channels nina Karen Davila at Boy Abunda.