Binisitang muli ng content creator at street photographer na si Mark Kelvin, a.k.a. Kelvin Markulit, ang trending na pusang si Tisoy.
Si Ate Jena, isang street vendor, ang nag-aalaga at nagmamay-ari kay Tisoy na kung ituring ay parang anak.
Sa gilid ng kalsada sa may bandang Intramuros, Maynila, sila nakapuwesto.
Read: Stray cat sa Mandaluyong noon, security cat na sa isang building ngayon
FIRST ENCOUNTER WITH TISOY
Noong unang napadaan si Markulit sa puwesto ni Ate Jena, nagkataong natutulog ang pusang si Tisoy.
Sa kabila ng ingay ng mga sasakyan at ng mga taong dumadaan, mahimbing itong natutulog at gumigising lang bago magtanghaling tapat.
Tanong ng photographer kay Ate Jena, “Graveyard shift po ba si Mingming?”
Sagot ng amo, “Matutulog iyan 7:00 am tapos pag-alas-onse, gising na. Di na siya natutulog magdamag.”
Habang nakikipagkuwentuhan at inuusisa ni Kelvin si Ate Jena tungkol sa alagang pusa, unti-unti namang nagigising na si Tisoy.
Habang minamasahe siya at kinakausap ni Kelvin, kalmado lang ang pusa at pumipikit-pikit pa.

Matapos i-groom ang sarili, pumuwesto ang pusa sa kariton na mistulang assistant ito ng tindahan.
Mga kendi. biskwit, chichirya, at palamig ang paninda si Ate Jena.
Bukod sa paninda, si Tisoy ang main attraction sa puwesto at talaga namang pinupuntahan ng mamimili.
Customer-friendly si Tisoy. Sociable ito at halatang sanay sa tao base sa video.
TISOY, THE CHARMING CAT VENDOR
Habang pinapanood namin ang post ni Kelvin Markulit, napansin namin kung paano natsa-charm ni Tisoy ang mga taong dumadaan.
Tinanong ni Kelvin si Ate, “Ilang taon na po si Mingming?”
“15 months na po” sagot ng may-ari ni Tisoy. Aba, malaki siya para sa 1 year and 3 months old na pusa, ha?
Ayon kay Ate Jena, may lahing Persian Cat si Tisoy.
Na-amaze naman si Kelvin sa laki ng katawan ni Tisoy.
Sinabi ni Ate Jena na binigay lang si Tisoy sa kanya at kahit bilhin pa ito nang mahal, hindi niya ibebenta ang alaga.
“Binibili nga ito sa akin dati ng otso mil [PHP 8,000], sabi ko hindi ko bini-benta ito.”
MGA PASALUBONG PARA KAY TISOY
As of this writing, nasa 278,000 likes na ang video post ni Tisoy sa Tiktok.
Nasa 259, 000 naman sa Facebook at meron itong nasa humigit-kumulang na 10, 000 comments, patunay lamang na kinagigiliwan at pinag-uusapan siya.
Sa ikalawang pagbisita ni Kelvin, gising at bagong ligo si Tisoy at abala rin sa pagtitinda kasama ni Ate Jena.
Merong mga dalang pasalubong ang bagong kaibigan ni Tisoy.
Mga regalong damit ng pusa, cat food, at cat harness “para hindi siya sa leeg nakatali at mas maganda kung sa katawan,” sabi ni Markulit.
But wait, there’s more…
Hindi lang kay Tisoy may regalo ang kilalang street photographer, siyempre meron din para kay Ate Jena.
Dalawang kahong naglalaman ng mga paninda!
Sari-saring mga biskwit, kape, kendi at pati cat food.
Pati mga juice at palamig.
Meron din siyempre pa-damit para kay Ate Jena na tuwang-tuwa sa mga regalong natanggap nila ng alaga.
Niregaluhan din si Tisoy ng bagong damit with matching shades!

Aba, lalong lumutang ang ka-uwapuhan ng pusa. Nagkaroon ulit si Tisoy ng pictorial gamit ang kanyang bagong costume.
Tuwang-tuwa naman sa kanya ang mga kaibigang bata ni Tisoy sa lugar, at pati na ang mga dumadaan sa paligid.
BLESSINGS UNFOLD TO THOSE WHO ARE KIND
Hindi kailangang mayaman o may pera ka para ipakita ang malasakit sa hayop.
Isang halimbawa si Ate Jena, na sa kanyang pagtitinda ay sinisikap niyang maitaguyod ang buhay nila kasama si Tisoy.
At dahil din sa kanyang ipinapakitang malasakit sa alagang pusa, may mga hindi inaasahang biyaya siyang natanggap.