Walang kamalay-malay ang garbage collector na si “Chris”—hindi niya tunay na pangalan—na makakapulot siya ng vintage watch sa basura.
Marami siyang napulot na mga relo. Ang isa pala rito ay isang international brand ng watch at ang halaga ay daan-daang libong piso.
Read also:
- Pinay dumpster diver sa U.S., PHP75K a month ang tipid sa pagkain mula basurahan
- "Pinay" takes pride in being a dumpster diver in Finland even if "nakakahiya daw po kami"
Ang nakamamanghang kuwento ni Chris ay itinampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA News and Public Affairs nitong March 19, 2023, Linggo.
Bilang garbage collector sa Japan, si Chris ay naghahakot ng mga basura sa mga bahay na wala nang nakatira para linisin.
Sabi ni Chris sa KMJS, “Siguro may titira roon kaya kailangang i-empty yung bahay.
“Nagulat ako doon kasi lahat doon pag di ginagamit, natatapon lahat.
“Sabi sa amin, ‘Puwede niyong iuwi iyan o kaya ibenta niyo.’ Malaking halaga daw iyon.”
Maraming mapakikinabangang gamit na nakukuha si Chris—may gadgets, kitchen wares, at iba pa.
Umabot na sa dosena ang mga napulot niyang relo sa pagtatanggal ng kumpol-kumpol na basura sa mga nililinis na bahay sa Japan.

(Ang ilan sa mga napulot na relo ni Chris sa paglilinis ng mga basura.)
Ang tumatakbo lang sa isip ni Chris ay papalitan ang mga ito ng bagong baterya para gumana.
Ipino-post niya sa social media ang mga napupulot na relo, na pumupukaw sa pansin ng netizens na nag-aalok bilhin sa kanya.
“May gustong bumili po ng PHP150,000. May nagsabi kasi na umaabot ng PHP300,000. Vintage na nga raw.
Totoo ba ang komento ng netizens? Ito ang nag-udyok kay Chris na alamin ang katotohanan.
EXPENSIVE WATCHES
Nang umuwi sa Pilipinas si Chris noong 2022, dinala niya ang mga natagpuang relo.
Ang kalahati rito ay ibinigay niyang pasalubong para sa pamilya.
Ang kalahati naman na hinihinala niyang mataas ang value.
Kabilang na rito ang relong may silver and gold strap at may simbolo ng korona— katangian ng Rolex watch.
Hindi tiyak ni Chris kung genuine ito dahil mukhang luma na.
Minsan, tinamaan ng sikat ng araw ang relo at kumikislap ang gilid nito.
“Parang ginto yung gilid niya,” paglalarawan ni Chris.
Nabuhayan siya ng loob dahil sa positibong komento ng netizens matapos niyang i-post ito.
“Hindi ko ine-expect na may pera din pala sa basura,” sabi ni Chris.
Ang ibang brands ng relo na napulot niya—Citizen Homer, Wired Chronograph, Alba Chronograph, Cenit, Rossi Valentino.
Base sa comments, ang kabuuan dawn na halaga ng mga ito ay abot sa daan-daang libo at highly collectible dahil vintage watches.
FINDING THE TRUTH
Ipinasuri ni Chris ang mga relo sa isang watch expert sa tulong ng KMJS.
Gumawa rin siya ng sarili niyang research kung paano malalaman kung genuine ang vintage watch.
Kabilang sa mga sinuri niya ay ang serial number at reference number.
Dito natuklasan ni Chris na ang pinakatago-tago niyang Rolex watch ay may serial number na 1601, isang model ng nasabing brand na Two Tone 1968 at sinuot noon ng American civil rights leader na si Martin Luther King.
Dumulog si Chris kay Andy Arnesto, na apat na dekada nang watch expert.
Ani Andy, ilan sa mga naging kliyente niya ay mga pulitiko, mayayamang tao, at maging mga artista.
Sa KMJS interview, kinumpirma ni Andy na mas mataas ang value ng relong mas rare o mas luma.
Umaakyat daw ang presyo nito kung hindi na available sa market.
Binuksan ni Andy ang relo at nakita niya ang reference number na 1601.

Kinumpirma iyang orihinal ito at DateJust model nga ito.
Aniya, gold ang gilid ng relo at maaaring tumagal ng 100 years.
Magkano naman ang presyo ng relo?
Ani Andy, maaaring simulan ni Chris ang pagbenta nito sa halagang PHP300,000.
Halatang nagulat si Chris.
“Para na rin akong tumama sa lotto,” anito.
