Katatawanan ang hatid ng inspiring graduation story ni Jaecee Yong ng Bulakan, Bulacan.
Agaw-eksena kasi ang tarpaulin na inilatag ng kanyang mga kamag-anak sa kotseng sinakyan nila patungong graduation ni Jaecee.
Nagtapos si Jaecee bilang magna cum laude sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa Bulacan State University nito lamang Hunyo 19, 2023.
Kuwento ni Jaecee sa Pilipino Star Ngayon, hindi niya inaasahan ang pagdating ng sasakyan na may tarpaulin ng pagbati sa kanyang pagtatapos.
Nakapukaw ito ng atensiyon dahil isinabit sa mismong hood ng kotse, na nagmistulang may ihahatid sa huling hantungan.
Read: Board passer, inutusan ng nanay na gawin ang sariling tarpaulin; netizens naka-relate
Ideya umano ito ng kanyang mga tiyuhin, na pinag-trip-an daw siya.
Bagamat natawa sa biro ng mga kamag-anak, nag-post si Jaecee ng isang paglilinaw sa kanyang Facebook page.
Aniya: “Hindi pa ako patay, ga-graduate pa lang.’
Paglilinaw pa niya sa isang interview: “Pinagtitinginan po kasi ng mga taga sa amin, akala siguro patay na ako kahit nung nasa biyahe. Kaya po pinost ko baka mamaya isipin nga ng mga tao patay na ako, e, hindi pa naman ako palalabas ng bahay.”
NETIZENS FOUND IT FUNNY
Umani ng maraming comments at nai-share nang maraming beses ang post ni Jaecee.
Bukod sa walang humpay na pagbati ng “Congratulations” ay may mga nakatutuwang comments din ang ilang netizens.
Read: Tarpaulin ng mga kandidato, ginagawang school bags ng NGO sa Mandaue
Narito ang pahayag ng mga netizens na halatang natawa sa post ni Jaecee (published as is):
“Grabe dami ko tawa…”
“hahaha dami ko tawa habang nagkkape ako nabuga ko tuloy kape na nasa bibig ko pagkakita ko sa post na ito..hahahha!!!”
“masaya lang talaga tito mo sis hahaha”
“Congratulation naman ang naka sulat kaya buhay talaga ha ha ha kawawa naman napag tripan ka”
“Condolence po este grats pala. Hahahaha.”
“Nauso pa kasi ung tarp.”
“Ganun ka-proud hahahahaha”
“Nakita namin ng nanay ko to kanina. Hahahahha congrats po!”
“buti na lang di pa nilagiyan ng bouquet sa carrier!????”
Ang iba naman ay nakakuha ng idea at nagsabing gagawin din nila ito sa kaanak, habang ang iba ay nagbigay ng suhestiyon tulad ng:
“Dapat yung di naka-toga para mas maangas. Dapat naka barong”



PRODUKTO NG PAGPUPUNYAGI ANG SUCCESS NI JAECEE
May dahilan para maging proud ang mga kamag-anak ni Jaecee sa kanyang achievement.
Bukod sa pagiging degree holder in Psychology at karangalang magna cum laude, maraming pinagdaanan ang binata na talaga namang nagpakita ng kanyang galing, talino, talento, at pagsisikap.
Sa isang mahabang Facebook post ay naikuwento niya ang lahat ng pinagdaanan mula nang magsimula siyang pumasok sa eskuwela hanggang sa makatuntong sa college.
Grade 11 pa lamang daw si Jaecee ay natutuhan na niyang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral.
Nanilbihan siya bilang member ng service crew sa McDonald’s, at unti-unting tumaas ang kanyang posisyon mula sa pagiging crew trainor hanggang naging crew chief.
Nang dumating ang pandemic ay nasabak sa panibagong hamon si Jaecee, dahil sa karagdagang gastos na kinakailangan para makasabay sa online class.
Nagkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng work-from-home job bilang market researcher ng isang Business Process Outsourcing (BPO) company.
Kasabay nito ang pagiging kinatawan ng ilang mahahalagang tungkulin sa paaralan, partikular na ang pagkahalal bilang governor ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) Local Student Council simula 2020 hanggang 2023.
Ang next goal ni Jaecee ay makapasa sa licensure exam at maging isang abogado.
Post niya, “For the next months, I'll be there, wearing a pin and suffixing my name with the title of being a Registered Psychometrician.
“For the next years, I'll be there, earning my juris doctor degree and affixing my name with the title of being an Attorney.”