Direk Joel Lamangan reacts to veteran actor Eddie Garcia's freak accident

by Jerry Olea
Jun 16, 2019
PHOTO/S: Jerry Olea

Ano ang reaksiyon ni Direk Joel Lamangan sa nangyari kay Eddie Garcia noong Hunyo 8, Sabado, sa taping ng Kapuso series na Rosang Agimat sa Tondo, Manila?

“Naloka ako, ‘ne!” sambit ng beteranong direktor, bakas ang panlulumo sa mukha at boses.

“Naloka ako. Sa akin, hindi ko patatakbuhin si Eddie.

"Hindi ko patatakbuhin na may hawak-hawak na baril sa gitna ng init ng araw.

“Nobenta anyos na, e! Hindi ko gagawin yun.

"Kasi, si Eddie... dyusko, 'day, matigas ang ulo niyan.

“Pag sinabi niyang, ‘Hindi! Kaya ko ‘yan!’ maski hindi naman niya masyadong kaya, ipapakita niyang kaya niya.

“Artista siya, siya ang gagawa...

"E, ako, ina-assert ko, ‘Hindi na, Tito Eddie! Huwag na! Huwag na. Iba na lang ang gagawa sa ‘yo. Maupo ka na lang diyan!’

“Pag ako, may ganun ako, e. Siguro, yung iba, hindi."

Continue reading below ↓

Sabi pa ni Direk Joel, “Saka ako, hindi ako puwede na nagkalat-kalat ang kable sa kalye! Sa harapan!

“Kasi yung matatanda, hindi na nila masyadong naaangat ang mga paa nila. Hindi nila naaangat nang mataas!

“Talagang paganyan na lang ang lakad nila, o!

“Saka hindi dapat nagkakalat-kalat ang kable.

“Ayaw na ayaw ko ‘yon. Hindi puwede sa akin na pakalat-kalat ang mga kable.

"Talagang number 1 sa akin... dahil natatakot ako, baka ako mapatid.

“Ako kasi, palakad-lakad ako! Lumalakad-lakad ako, e, hindi naman ako nagtatago sa shade.

“Pag ako nagdidirek, talagang nandoon ako, lumalakad ako... baka ako mapatid.”

HOW TO TREAT VETERAN STARS

Inalagaan at iningatan ni Direk Joel ang tatlong beteranong artista niya sa pelikulang Rainbow’s Sunset na sina Eddie, Gloria Romero, at Tony Mabesa.

“Aba! Diyos ko, maagang umuuwi sila dahil matatanda na!” maigting na bulalas ni Direk Joel sa Nominees’ Night ng 3rd Eddys (Entertainment Editors’ Choice) nitong Hunyo 15, Sabado sa Annabel’s, Morato Avenue, Quezon City.

Continue reading below ↓

“May konsiderasyon na sila dapat. At maririnig mo na... maliban kay Eddie... si Eddie, hindi, ha?!

“Pero si Gloria, maririnig mo, siyempre naka-lapel, naririnig ko, ‘My God! I’m tired!’

“Considerate naman ako pag narinig ko siyang nagsabi, ‘I’m tired na.’ Kakausapin ko, ‘Tita Glo, hindi natin natapos pero sa susunod, idadagdag natin.’

"‘Okay lang, okay lang,’ sabi naman niyang ganoon.

“Si Eddie, walang ganoon. Pero nararamdaman ko, si Eddie, after 10 P.M., nahihirapan na.

“Si Tony Mabesa rin, ganoon din. E, mga octogenarian na sila lahat. Iyong isa nga, 90 na.

“Kaya may consideration ako. Nakikita ko, mahina nang lumakad si Gloria. Mahinang lumakad si Eddie, saka si Tony.

“So, hindi ko pinapaakyat. Hindi ko pinapalakad nang malayo. Malapit na lang.

“Iyong mga konsiderasyon na dapat, titingnan mo sa mga may-edad na artista, na alam mo namang mahusay.

Continue reading below ↓

“Kasi, pag sinabi mo namang ACTION, wala ka nang masasabi! Mahuhusay talaga sila! Alam nila ang kanilang ginagawa.

“Merong mga pagkakataon, nakakalimutan na nila ang linya, iintindihin mo na lang sila.

“Si Eddie, kapag nakalimutan niya, hindi naman siya nagagalit sa iba. Nagagalit siya sa sarili niya!

“Sabi ko naman, ‘Ay! Tito Eddie, huwag! OK lang! We understand. We will wait for you.’

“Pag nakakalimutan niya, sa sarili niya siya nagagalit.”

EDDIE GARCIA'S PROFESSIONALISM

Maraming beses nakatrabaho ni Direk Joel si Eddie sa TV at pelikula. Ano ang hindi niya malilimot dito?

“Napaka-professional niya,” mabilis na tugon ng premyadong direktor.

“Pag ang call niya, e, ala-una ng hapon... alas-onse, nandoon na siya! Nauuna pa sa akin!

“Pag siya talaga, maaga ako talaga. Ayokong nauuna siya sa akin, oo. Professional na professional siya.

“Alam niya ang mga isusuot niya. Nagtatanong, ‘Paano ba ako dito? Ano ba ang gagawin natin dito? Ano ba ako?’

Continue reading below ↓

“Ganoon-ganoon tungkol sa kanyang karakter. Bago mag-umpisa, tatanungin ka na niya tungkol diyan.

“Dapat makakasagot ka. Kung hindi ka makakasagot, mukha kang tanga. Ha! Ha! Ha! Ha! Kawawa ka!

“At pag nag-CUT ka, dapat alam mo. Halimbawa, umiinom siya ng gatas. Nag-cut ka, dapat alam mo kung gaano kadami ang gatas na ininom niya noong nag-cut ka.

“Gaano kalaki sa baso. Alam niya yun. ‘Ay, hindi! Hindi! Mali ‘to! Hindi ganito kadami!’ sasabihin niya.

“Alam niya lahat ang continuity. Damit, alam niya. Lalo ang military uniform. Naku, 'day! Memorized niya!

“Paano ang hitsura ng military uniform, depende sa ranggo.

"Napakahusay! Napakasarap na kasama!

“Nakakainis nga, kung sino pa ang pinaka-professional, siya pa ang nagkaganoon. Nadapa.”

May nakita ba siyang ibang local actor na kasim-professional ni Eddie Garcia?

“Wala. Wala pa. Wala akong nakikita na ganyan ka-professional,” pagbuntong-hininga ni Direk Joel.

Continue reading below ↓

“Na dadating one hour before call time? Wala akong nakikitang ganyan.”

WAKE-UP CALL

Maraming nakita at natalakan si Direk Joel na mga artistang late dumating sa set.

“Day! Napakadami, ‘neng!” tili ni Direk Joel.

“Diyos ko, marami ngang nagagalit sa akin dahil doon.

“Pero sa akin, aba! Leksyon sa inyo ‘yan!

"Kasi, hindi ninyo alam, kapag kayo, nali-late, matagal kayo, minumura kayo ng mga tao sa set. ‘Tang ‘nang ‘yan, late nang late na naman.

“Hindi ninyo alam, siyempre nagagalit sa inyo.

"At pag kayo ay umuwi nang umaga na, dahil na-late kayo, nagagalit sa inyo lahat ng tao. Inuumaga dahil sa inyo.

“O, di ba?”

Naranasan ba niya kay Eddie Garcia na ma-late ito minsan?

“Ay, hindi, day! Kay Eddie, on time. On time si Eddie.

"Siya ang pinaka-on time... hindi lang on time, before the time, andoon siya!

Continue reading below ↓

“At si Eddie, mahal niya ang fans. Mahal niya. Ayaw niya yung may lalapit sa kanya, 'tapos paaalisin mo?

“Ayaw niya yun. ‘Hindi! Hindi! Hayaan mo siya!’ Maano siya sa fans. Accommodating.

“Kasi alam niya, iyong fans ang nag-aano sa kanya. Kaya siya nandiyan, dahil sa fans. Mahal niya.

“Mapagmahal siya sa crew. Friend siya ng lahat. Friend siya ng mga artista, friend siya ng crew.

"Hindi siya supladong tao. Hindi.

“At babati pa ‘yan sa ‘yo pag siya ang unang dumating. Mahusay. Mahusay!

“Ikinalulungkot ko talaga, kung sino pa ang pinaka-professional... Diyos ko, ‘day! Naaksidente pa nang paganoon?!

“Napakataas ng respeto ko sa kanya. 'Tapos, maaano siya dahil lang sumabit siya sa kable? Nakakaloka!”

Parang leksyon o wake-up call ang nangyari kay Eddie Garcia.

Wala pang ganitong kaso sa isang senior star ng local entertainment industry.

Continue reading below ↓

“Wala,” pakli ni Direk Joel. “Wala. Wala...”

Kung kailan pa naman ipagdiriwang ang centennial ng pelikulang Pilipino.

“Sa ika-100 taon natin, merong icon na naging ganyan dahil nasabit sa kable? Di ba, hindi maganda?” mapait na pahayag ni Direk Joel.

“Nakakawindang talaga.”

Read Next
Recommended Videos
Trending on PEP.ph
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results