Legendary actor Eddie Garcia dies at 90

by Erwin Santiago
Jun 20, 2019
Legendary actor Eddie Garcia passed away Thursday afternoon, June 20. He was 90.
PHOTO/S: Cyrus Panganiban / YES!

Pumanaw na ang legendary actor na si Eddie Garcia.

Binawian ng buhay ang veteran actor ngayong June 20, Huwebes, 4:55 P.M.

Si Eddie ay sumakabilang buhay sa edad na 90.

Sa pamamagitan ng isang medical bulletin, kinumprima ng division head ng Makati Medical Center na si Dr. Artemio Cabrera Salvador ang malungkot ng balita.

Nakasaad dito: "Mr. Eduardo 'Eddie' Garcia passed away today, June 20, at 4: 55 p.m.

"We join the entire Filipino community in praying for the soul of Mr. Garcia and his dearly beloved family and friends. We extend our deepest condolences to the Garcia family."

Noong Sabado, June 8, ay nasangkot si Eddie sa isang aksidente sa taping ng upcoming GMA-7 primetime series na Rosang Agimat.

Bagamat hindi pa malinaw kung ano talaga ang nangyari sa taping, mapapanood sa kumalat na video na biglang natumba ang beteranong aktor habang papasok sa isang eksena kung saan nagkakagulo ang marami.

Base sa pahayag ng pamilya ni Eddie, sa pamamagitan ng kanyang longtime partner na si Lilibeth, napatid ang beteranong aktor sa kable ng produksiyon na dahilan ng kanyang pagkabagsak sa semento.

Continue reading below ↓

Nang bumagsak daw si Eddie ay unang tumama ang mukha nito.

Dahil sa aksidente, nagtamo ng fracture sa leeg ang beteranong aktor.

Pagkatapos ng insidente ay isinugod si Eddie sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Manila, ang pinakamalapit na ospital kung saan nagti-taping noon ang Rosang Agimat.

Ngunit nagdesisyon si Lilibeth na ilipat sa Makati Medical Center ang beteranong aktor dahil mas kumpleto ang mga pasilidad dito at mas masusubaybayan ng personal doctors ni Eddie.

Mula nang isugod siya sa ospital ay naging comatose na ang beteranong aktor.

Nagdesisyon din ang pamilya ni Eddie na ilagay sa “Do Not Resuscitate” (DNR) status ang beteranong aktor.

Hanggang nitong Huwebes, June 20, ay tuluyan na siyang bawian ng buhay.

SEVEN DECADES OF FILM AND TV CAREER

Si Eddie ay ipinanganak noong May 2, 1929 sa Sorsogon, Sorsogon.

Nagsimula ang kanyang acting career noong 1949 sa pamamagitan ng pelikulang Siete Infantes de Lara.

Sa loob ng pitong dekada ay nakagawa ng mahigit 300 pelikula at mahigit sa 30 teleserye si Eddie.

Continue reading below ↓

Noong kabataan ni Eddie ay kontrabida ang madalas niyang gampanan sa pelikula, ngunit nang nagkaedad siya ay mas nakilala siya sa comedy at action films.

Kabilang sa mga di niya malilimutang pelikula ay ang mga sumusunod: Dalagang Ilocana (1954), Dear Heart (1981), Nagalit Ang Buwan Sa Haba Ng Gabi (1983), May Lamok Sa Loob ng Kulambo (1984), Kung Mahawi Man ang Ulap (1984), Kapag Puno Na Ang Salop (1987), Ang Supremo (1988), Ako Ang Batas (1988), Ako Ang Huhusga: Kapag Puno Na Ang Salop Part II (1988), at Hindi Ka Na Sisikatan Ng Araw: Kapag Puno Na Ang Salop Part III (1990).

Noong dekada ’90 ay sunud-sunod ang action films na pinagbidahan ni Eddie.

Kabilang dito ang mga sumusunod: Hukom. 45 (1990), Mayor Latigo (1991), Magdaleno Orbos: Sa Kuko Ng Mga Lawin (1991), Andres Manambit: Angkan ng Matatapang (1992), Maestro Toribio (1993), Padre Amante Guerrero (1993), Ultimatum (1994), Marami Ka Pang Kakaining Bigas (1994), Mayor Cesar Climaco (1994), Melencio Magat: Dugo Laban sa Dugo (1995), Melencio Magat: Dugo Laban sa Dugo (1995), Emong Salvacion: Oras Ka Nang Magtago Sa Pinanggalingan mo! (1996), Papunta Ka Pa Lang, Pabalik Na Ako (1997), at Padre Kalibre (1997).

Continue reading below ↓

Kabilang naman sa critically-acclaimed films niya ang mga sumusunod: Tubog Sa Ginto (1971), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974), Ganito Kami Noon… Paano Kayo Ngayon? (1976), Gumapang Ka Sa Lusak (1990), Deathrow (2000), Mano Po (2002), Blue Moon (2006), Bwakaw (2012), at Rainbow’s Sunset (2018).

Bukod sa pagiging artista sa pelikula at telebisyon, isa ring direktor si Eddie.

Ilan sa mga pelikulang idinirek niya ay ang Karugtong ng Kahapon (1961), Pinagbuklod ng Langit (1969), Atsay (1978), P.S. I Love You (1981), Sinasamba Kita (1982), Forgive and Forget (1982), Friends in Love (1982), Palimos ng Pag-ibig (1986), Magdusa Ka (1986), Saan Nagtatago ang Pag-ibig? (1987), Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin (1987), Imortal (1989), at Abakada Ina (2001).

Noong 2018 ay nagmarka ang pagganap ni Eddie sa tatlong pelikula: ML, Hintayan ng Langit, at Rainbow's Sunset.

Tumanggap si Eddie ng halos 40 awards bilang aktor at direktor.

Ang pinakahuli ay nito lamang Martes, June 18, nang itanghal siyang Best Actor sa Urian Awards para sa pagganap niya sa ML.

Karamihan ng mga ginawa niyang teleserye ay sa bakuran ng GMA-7, gaya ng Kung Mawawala Ka, Darna (2005), Majika, Asian Treasures, Joaquin Bordado, Totoy Bato, Darna (2009), at Legacy.

Continue reading below ↓

Noong 2013 ay lumipat siya sa ABS-CBN at ginawa ang mga sumusunod na teleserye: Juan dela Cruz, Little Champ, Honesto, Sana Bukas Pa Ang Kahapon, at Nathaniel.

Naging bahagi rin siya ng long-running primetime series ni Coco Martin, ang FPJ’s Ang Probinsyano.

Nito lamang Mayo ay inanunsiyo ang pagbabalik niya sa bakuran ng Kapuso network sa pamamagitan ng Rosang Agimat.

Sa taping ng nasabing teleserye ay naganap ang di inaasahang pangyayari.

Sa loob ng mahabang panahon ng pagiging bahagi niya ng industriya ng pelikula at telebisyon ay pinatunayan ni Eddie ang pagiging propesyunal.

At hanggang sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay, pinili niyang ibahagi ang kanyang talento sa larangan ng pag-arte.

Read Next
Recommended Videos
Trending on PEP.ph
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Legendary actor Eddie Garcia passed away Thursday afternoon, June 20. He was 90.
PHOTO/S: Cyrus Panganiban / YES!
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results