#KrisAquinoVsNickoFalcis
Nagpalit ng abugado si Kris Aquino para sa lahat ng kasong isinampa niya laban kay Nicko Falcis.
Ang Fortun Narvasa & Salazar Law Offices, kung saan kasama si Atty. Sigfrid Fortun, ang unang humawak ng mga kasong qualified theft na isinampa ng kliyente nilang si Kris laban kay Nicko.
Ngunit pinalitan na sila ngayon ng DivinaLaw.
Base sa mga dokumentong nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Miyerkules, July 10, naghain ang Fortun Narvasa & Salazar ng “Withdrawal of Appearance” noong May 23, 2019.
Si Nicko—dating endorsement closer, talent agent, at managing director ng pag-aaring digital company ni Kris na Kris Cojuangco Aquino Productions (KCAP)—ay inakusahan ni Kris ng qualified theft sa pitong lungsod sa Metro Manila—Taguig, Pasig, Makati, San Juan, Quezon City, Mandaluyong, at Maynila.
Isa-isang na-dismiss ang mga reklamo ni Kris laban kay Nicko sa apat na siyudad: Pasig, Makati, Taguig, at Maynila.
February 15, 2019, ibinasura ng Pasig Prosecutor's Office ang qualified theft complaint laban kay Nicko dahil sa "insufficiency of evidence."
February 18, 2019, ibinasura ng Makati Prosecutor's Office ang parehong reklamo dahil sa "lack of probable cause."
March 13, 2019, ibinasura ng Taguig Prosecutor's Office ang qualified theft complaint ni Kris.
April 10, 2019, ibinasura ng Manila Prosecutor’s Office ang reklamo ni Kris dahil sa kakulangan ng probable cause.
Samantala, winidraw na ni Kris ang mga reklamo niya kay Nicko sa dalawang siyudad: Mandaluyong at San Juan.
March 25, 2019, iniurong ni Kris ang reklamong qualified theft sa Mandaluyong Prosecutor's Office.
April 25, 2019, iniurong din ni Kris ang isinampa niyang kahalintulad na reklamo sa San Juan Prosecutor's Office.
Sa pagsusuma, si Kris ay may tatlo pang live complaints—dalawang criminal, isang civil—laban kay Nicko, sa dalawang siyudad: Taguig at Quezon City.
Bagama't ibinasura ng Taguig Prosecutor’s Office ang qualified theft complaint ni Kris, kusang iminungkahi naman nito ang pagsampa ng kasong estafa at credit-card fraud laban kay Nicko.
Sa kasalukuyan, sa Taguig ay nakahain laban kay Nicko ang criminal case na estafa.
Hanggang ngayon, wala pang desisyon ang Quezon City Prosecutor’s Office hinggil sa civil case for damages na inihain doon ni Kris laban kay Nicko.
Naroon din sa Quezon City ang isa pang complaint ni Kris laban kay Nicko, ang "other deceits," na isang criminal offense.
Kasunod ng pag-withdraw ng Fortun Narvasa & Salazar, nagsumite naman ang DivinaLaw ng “Entry of Appearance” sa korte noong June 10, 2019.
Hindi bahagi ang DivinaLaw sa qualified-theft cases na hawak noon ng Fortun Narvasa & Salazar.
Ngunit hawak ng DivinaLaw ang cyberlibel case na isinampa ni Kris sa Department of Justice laban kay Atty. Jesus Falcis, nakababatang kapatid ni Nicko.
Ongoing ang pagdinig ng kasong ito.
PEP ASKS STATEMENTS FROM LAW FIRMS
Ngayong umaga, July 10, humingi ang PEP.ph ng pahayag sa tatlong law firms na may kinalaman sa sanga-sangang legal battles nina Kris at Nicko.
Kasama rito ang mga abugado ni Kris na sina Atty. Sigfrid Fortun ng Fortun Narvasa & Salazar Law Offices at Atty. Enrique dela Cruz Jr. ng DivinaLaw; at ang abugado ni Nicko na si Atty. Regidor Ponferrada ng Ponferrada Ty Law Office.
“No comment” ang sagot ni Atty. Ricky dela Cruz sa PEP.ph.
Ayaw ring magkomento ni Atty. Regi Ponferrada dahil ongoing pa raw ang negotiations nila.
Wala pang tugon si Atty. Fortun sa aming mensahe.