Balik-Pilipinas at trabaho ang actress-singer na si Roxanne Barcelo ilang araw pagkatapos pumanaw ng kanyang ama na si Antonio Barcelo sa San Francisco, California.
Ngunit ang urn kung saan nakalagak ang mga abo ng kanyang yumaong ama ay baka bukas pa, July 18 (U.S. time), dumating dito sa bansa.
Ang ina at nakababatang kapatid ni Roxanne ang magdadala nito pabalik sa Pilipinas.
Saad ni Roxanne, “Hindi pala siya madali. Trinay ni Nanay at Tatay na ayusin ang lahat, yung mga plans, pero ang hirap pa rin, e.
“Siyempre ako, inaayos ko lahat ngayon, yung wake, alam mo yun, yung mga bagay na ayaw mong ayusin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Roxanne sa story conference ng pelikulang Love Is Love sa Outback Restaurant, Eastwood, Quezon City, Martes ng gabi, July 16.
Dito ay ibinahagi ni Roxanne ang malungkot na pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya.
Lahad niya, “May bakasyon talaga sina Nanay at Tatay para bisitahin si Timmy sa San Francisco. Noong June 11 ang lipad nila.
“Noong June 13, si Tatay, nasa banyo. Nadulas, nabagok ang ulo niya.
"Na-stroke siya. Na-paralyze ang left side niya.
“Sila Timmy, nagtataka sila bakit ang tagal ni Tatay sa banyo.
“Pagbukas nila, bigla na lang duguan yung sahig.
“Wala ako noon, nasa Philippines pa ako. Pero, supposedly, sasama ako sa trip nila.
“E, hindi ko alam na uuwi na si Timmy ng Pilipinas for good. So, hindi na ako bumili ng ticket.”
Si Timmy o Tim ang nakababatang kapatid na lalaki ni Roxanne.
Pero nang malaman ni Roxanne ang nangyari sa tatay niya, mismong araw na yun ay nag-book siya ng ticket at lumipad papuntang San Francisco.
THEIR FAMILY’S ORDEAL
Ibinahagi rin ni Roxanne na kung hindi binawian ng buhay ang kanyang ama ay ipapasok nila ito sa isang nursing home para roon maalagaan.
Kabilang din sa plano ng kanilang pamilya ang pagtira ng actress-singer sa Amerika for good upang masamahan ang ama.
“Sabi rin ni Nanay, ‘Ayusin mo na lang ang mga dapat mong ayusin.’
“Like, ako, kailangan kong kuhanin ang transcript of record ko sa school.
“Talagang wala nang isip-isip, layas na talaga at dun na ako titira.
“Nandoon na ako sa point na yun, kasi naiisip ko, 'Sino mag-aalaga sa tatay ko?'
“Although, nanay ko, aalagaan niya, but I don’t want them to be alone.
“Kaso pag-uwi ko, wala pang two days, tumawag si Timmy.
“Sabi niya, ‘Ate, kailangan kang bumalik dito. Kailangang operahan ulit si Tatay sa brain.’
“Sabi ko, ‘Sige...’ E, kailangan din daw siyang butasan kasi paralyzed na siya neck down.
“Iyak ako nang iyak...”
Kinausap daw ni Roxanne ang ama na nakikita niya sa ganung sitwasyon.
“Sabi ko, ‘Tatay, gusto mo ba yung ganung buhay? Ako, ayokong mamili para sa ‘yo.’
“Ang dami ko rin nakausap noong time na yun, parang sabi nila, ‘Parang you choose na lang what’s best for your dad.’
“Ako, ‘Huwag mo akong papiliin. Kaya mo na ‘yan.’ Ayokong ma-guilty.
“May nagsasabi na, ‘Ibigay mo na lang kung ano ang magaan sa kanya.’
“Kung magaan sa kanya, mabigat sa amin. Kung mabigat sa kanya, magaan sa amin.
“Sabi ko, ‘Ayokong mag-choose. Ikaw na ang mag-choose. Lord, ikaw na lang.’
“At ang daming nagdarasal kay Tatay.
“At pagdating ko dun, sabi, kailangang operahan na naman. Sabi ko, ‘Again?’
“Three times siyang inoperahan sa brain. Nagka-hydrocephalus na siya, pneumonia, kasi yung mga tubo.
“Sabi ko, ‘Tay, ayoko talagang mag-decide.’
“Yung third operation, sinabi sa amin, ‘You have no choice.’”
HER FATHER’S “DECISION.”
Pero hindi raw sila umabot sa puntong sila ang nagdesisyon para sa ama
“Si Tatay na rin ang nag-decide,” sambit ni Roxanne.
“Parang tinanggal nung doctor kasi, 'The more we operate on him, we’re causing damage. We cannot prolong his life anymore.'
"Hindi na raw option yun... akala namin option yun, e.
“Natural na nangyari... the third operation was very bad, parang tumodo na ang hydrocephalus niya.”
Kuwento pa ni Roxanne, “Ang pinasasalamatan ko kay Tatay, ginising niya ako before that.
"8:15 ng umaga, may humawak sa akin, malamig.
“Ako lang ang nasa room kasi nag-breakfast si Madir. Si bagets [Timmy], nag-borlog sa balur. Yung mga nurse, nasa labas.
“Biglaang gising ako, lapit ako sa kanya, sabi ko, ‘I love you, Tay...’ parang huminga siya.
“‘Tapos 8:53, paghawak ko ng pulse niya, pakonti-konti, 8:55, wala na.”
REMEMBERING HER DAD
Hindi na napigilan ni Roxanne ang maiyak nang tanungin kung ano ang hindi niya malilimutan at mami-miss sa ama.
“Ang bati niya kasi sa akin, walang hi and hello yun, ‘Anak, ang pretty-pretty mo!’
“Pero, ‘Tay, ang chaka ko! Pag kikitain ko, walang highlight, walang hilamos.
“Siya lang ang magsasabi sa akin nun.
“Magkasunod ‘yan, ‘tapos lilingon siya sa nanay ko, ‘Asawa ko, ang ganda-ganda!’
“Kaya siguro ako hirap na hirap ng magmamahal sa akin. Kasi, yung tatay ko, grabe.
“Siguro, okay na rin na wala akong asawa or else, baka hindi ko na-experience yung full length ng pagmamahal ng tatay ko.”
Sabi pa ni Roxanne, “Lahat gagawin ko para sa kanila.
“Parang hindi man kami mayaman na mayaman, pero yun talaga ang maipagmamalaki ko—yung pamilya ko.
“Ang tatay kasi, Change Management consultant. So, ang paniniwala niya, lahat ng tao, magbabago.
“Palagi niyang sinasabi sa akin, ‘Mauuso ka rin, go lang.’
“Tuwing maggi-give up na ako, may darating na magandang project. Sasabihin niya, 'Go lang, do your best.'
“At 70, nagtatrabaho pa ang tatay ko. Because he loves what he does.
“Sabi niya sa akin, ‘Find something that you love. Don’t give up.’
“Sabi niya, ‘It’s not about money or kasikatan or anything. Ang importante, ano ang kaya mo. Yung relationship mo sa tao, mauuso ka rin.’
“Yun ang palagi niyang statement.”
Sa ngayon, nag-aalala raw si Roxanne sa kanyang nanay dahil alam niya kung paano kamahal ng mga magulang ang isa’t isa.
“Ayaw kumain. Sabi ko, ‘Nanay, alagaan mo ang sarili mo.’
“Ilang beses na rin na-stroke si Nanay, e.
“Nagdasal ako, I realized, hindi ko siya puwedeng pagsabihan.
“Parang, kung ako ang nasa posisyon niya, asawa ko yun, love of her life… and I respect their love for each other, talagang everlasting.
“Sobra akong naging emotional.
“Hindi dahil sa hindi ko matanggap, natatanggap ko na unti-unti.
“Pero yung pagmamahal ni Nanay kay Tatay, wagas. Magpakailanman, Maalaala Mo Kaya.”
MESSAGE OF THANKS
Nagpasalamat naman si Roxanne sa mga nagbigay ng suporta sa kanila.
Isang kaibigan ng pamilya nila ang humingi ng tulong sa pamamagitan ng Go Fund Me.
Saad ni Roxanne, “Mahal talaga, mahal talaga, grabe talaga, unbelievable... sa States kasi nangyari.
“Pero ang masasabi ko lang, well, sa akin din kasi hindi nagsi-share ang nanay ko kung ano ang needs.
“Never kasi silang nanghingi, ako lang ang kusang nagbibigay sa kanila ever since.
“So ngayon, parang si Timmy, siya ang nandoon, nakuwento niya sa best friend niya, mga barkada niya sa Ateneo, gumawa sila ng Go Fund Me.
“Naloka ko kay Timmy... sabi ko, ‘Timmy, thank you naman.’
“Kasi, naaawa rin ako kay Nanay, ayokong isipin ang gastos or anything, pero grabe...”
Nagpasalamat din si Roxanne sa mga doctor at nurse ng Zuckerberg San Francisco General Hospital and Trauma Center.
“My god, sobra silang efficient, napakahusay nila. Mapi-feel mo yung pagmamahal nila.
“Sabi nga nila, ‘We prolonged the life of your father, 19 days. We cannot do anymore.’
“He was really taken care of.”
Ngayon ba ay okay na sila financially o mas higit nilang kailangan ng tulong at suporta?
Ani Roxanne, “Let’s just say that it’s so hard to prepare for these things.
“Parang feeling ko, okay na ako, medyo steady na. ‘Tapos, biglang mangyayari ‘to.
“I guess, it’s for character building.
“Pero dun ko na-realize na ang dami palang nagmamahal sa akin.
“Hindi ko ini-expect na tutulong sila, nahihiya ako... nahihiya ako sa kanya.
“I rarely ask for favors. Usually, ang mga barkada ko, gusto ko sa akin tumatakbo for favors.
“Ang tatay ko, palagi niyang itinuturo sa akin, generosity.
“Hindi mo titingnan ang wallet mo kung paano mo ise-save.
“Baligtad si Tatay. Ang titingnan mo, kung paano mo idi-distribute sa paligid.
“Gigising 'yan, three in the morning, bibigay niya ‘yan sa driver, sa guard.
“Talagang he’s the best example and he lives the good life.”
Humingi rin siya ng paumanhin dahil hindi niya nasasagot ang private messages sa kanya noong panahong nasa Intensive Care Unit ang ama hanggang sa pumanaw na ito.
Pagdating ng cremains ng ama sa Pilipinas ay magkakaroon ng wake sa Loyola Memorial Chapels sa Commonwealth, Quezon City, simula July 19 hanggang July 21.
Noong June 7, may ginawa raw si Roxanne na YouTube video na ang ama ang bida.
Hindi pa raw ito naia-upload kaya baka ipakita ito ni Roxanne sa lahat sa burol, para rin daw sa nanay niya na makita nito ang tatay niya.