Bumuhos sa social media ang pakikiramay ng celebrities at iba pang personalidad kaugnay ng pagpanaw ni dating Environment Secretary Gina Lopez.
Pumanaw ngayong Lunes ng umaga, August 19, ang 65-anyos na founder ng ABS-CBN Foundation dahil sa brain cancer.
Sa Instagram, inalala ng dating CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio ang kanyang “dear friend” na laging passionate sa mga ginagawa nito.
“No wasted time... no wasted opportunities... for the love of the people, the country and the environment.”
Nag-post din sa Instagram si Arnold Clavio ng slide ng mga litrato nila ni Gina habang kumakanta.
Ayon sa GMA-7 broadcaster, “sad and shaken” siya sa pagkamatay ng dating kalihim.
“She fought for all rivers, mountains, illegal minings and nature with scientific and emotional involvement, till her last breath,” bahagi ng caption ni Arnold.
Litrato rin kasama si Gina ang ipinost ni Matteo Guidicelli, na kuha nang mag-guest siya sa environmental show ni Gina, ang G Diaries.
Inilarawan ni Matteo ang environmental activist at philanthropist na may “purest and most generous heart.”
Pasasalamat naman sa “pagpapahalaga sa kalikasan” ang mensahe ni Ogie Alcasid para kay Gina.
GINA’S LOVE FOR SINGING
Samantala, sa Instagram post ni Gretchen Ho, inalala niya kung paanong si Gina “would always sing at the end of a meeting, speech or presscon.”
Sa tweet nga ni Kim Atienza, ipinost niya ang link nang umawit si Gina ng paborito nitong kantang “I Believe I Can Fly” sa harap ng media matapos ibasura ang appointment nito as DENR chief noong May 3, 2017.

Kuwento naman ni Erwan Heussaff, apat na araw lang silang nagkasama ni Gina sa Tawi-Tawi, pero sa kanilang pag-uusap ay nalula siya sa “grand plans” nito para sa kalikasan.
Saad sa caption ni Erwan, “She woke up earlier than everyone else and met with community leaders, later than the rest of us.
“She taught us that it's all about moving forward, knowing that the race will never truly end, content with the impact we leave along the way,” ani Erwan.
May kani-kanyang post din sa Instagram sina Dyan Castillejo at Angel Locsin upang alalahanin ang dating environmental chief.
Sa kani-kanilang Instagram Stories, nagbigay-pugay rin kay Gina sina Gerald Anderson at Julia Barretto.


Samantala, sa Twitter nagpaabot ng kani-kanilang pagpupugay at pasasalamat ang iba pang personalidad at celebrities, tulad nina Ces Drilon, Bianca Gonzalez, at Senator Bong Revilla Jr.



“MOST PASSIONATE CABINET MEMBER”
Una nang nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya Lopez ang Malacañang.
Nakasaad sa official statement mula kay Presidential Spokesman Salvador Panelo:
“The Palace deeply grieves the demise of one of President Rodrigo Roa Duterte's most passionate Cabinet members whose environmental advocacy and legacy remains unparalleled to this day."
Binanggit din ni Panelo ang maikli ngunit kontrobersiyal na pamumuno ni Gina sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Hindi inabot ng isang taon sa puwesto si Gina matapos ibasura ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Duterte sa DENR noong 2017.
Ito ay kasunod ng kontrobersiyang nalikha ng pagkansela ni Gina sa kontrata ng 75 mining firms, dahil umano sa malawakang paglabag sa iba’t ibang environmental laws.
Saad pa sa pahayag ng Malacañang: “Secretary Lopez, the 1997 International Public Relations Awardee for Excellence for the Environment and the 2009 Outstanding Manilan Awardee for the Environment, took the bull by the horns when she fiercely fought powerful interests in the mining sector, as well as in industries having negative effect on our ecology.
“She would be greatly missed.
“As we pay tribute and give honor to this warrior and advocate, we fervently pray for the Almighty to grant her eternal repose.
“May the perpetual light shine upon her.”
DONATIONS FOR ABS-CBN FOUNDATION
Kaugnay nito, inihayag ng ABS-CBN Foundation na magkakaroon ng "memorial service for the public” para kay Gina.
Ito ay gagawin sa La Mesa Eco Park sa August 22-23, Huwebes at Biyernes, simula 9:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.
Umapela rin ang foundation na sa halip magbigay ng mga bulaklak at mass cards para kay Gina, hiling ng kanyang pamilya na mag-donate na lang sa ABS-CBN Foundation.
