“No comment about it.”
Umiwas na si Ion Perez nang matanong tungkol sa pagyayakapan at pagho-holding hands nila ni Vice Ganda sa ABS-CBN All-Star Games 2019 na ginanap noong August 25, 2019.
Kung dati ay vocal si Ion sa pagpapahayag niya ng damdamin kay Vice, tila natuto na siyang manahimik sa tuwing napag-uusapan ang napababalitang relasyon nila.
Ito ay dahil nadadamay na pati ang mga mahal niya sa buhay.
Sina Vice at Ion ay magkasama sa ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.
Nito lamang August, sinabi ni Ion sa isang interview na sobrang malapit lang talaga ni Vice sa isa’t isa pero hindi raw sila magkarelasyon.
Sabi ni Ion noon: “Ano lang kami, sobrang malapit lang kami sa isa't isa, kaya siguro yung mga tao sobrang nag-iisip sila... ganoon yung naging reaksiyon nila.
“Sobrang malapit lang kami sa isa't isa.
“Sobrang close kami... close na close kami ni Vice, parang hindi na rin siya naiiba sa akin.”
ION PEREZ HAS A MESSAGE TO HIS BASHERS
Dahil sa kanyang naging pahayag, nakatanggap ng matinding pambabatikos si Ion sa social media.
Aniya, maging ang mga mahal niya sa buhay ay nadadamay.
“Hindi ko naman totally binabasa lahat. Minsan may mga maiiksi na masakit,” pag-amin ng tinaguriang Kuya Escort, sa interview sa kanya ng bloggers sa set visit ng Mang Kepweng nitong September 8, Linggo.
Ano ang pinakamasakit na pamba-bash?
“Tungkol sa nanay ko…” sagot niya.
“Kasi kung sa akin, okay lang naman, e. Kaya kong tanggapin, e.
“Pero yung sa nanay ko, hindi na puwede yun, kaya nga nag-aano na ako...”
Nagkuwento pa si Ion kung gaano siya kalapit sa nanay niya.
“Nung nalaman niyang nai-stress ako, parang, ‘’Nak, okay ka lang?’
"Sabi ko, ‘Okay lang, ‘Nay, isang hug mo lang…’ sabi kong ganoon. Pinuntahan ko siya, nag-usap kami.”
Inusisa rin si Ion kung ano ang mensahe niya sa kanyang bashers.
“Siguro ano… magtrabaho sila para naman may maitulong sila sa pamilya nila, huwag yung mga ibang tao ang binibigyan ng pansin.
“Bigyan niyo ng pansin ang mga sarili ninyo para makatulong kayo.”
ION PEREZ UNSURE ABOUT ABS-CBN BALL
Kinumpirma rin ni Ion na mayroon siyang imbitasyon sa ABS-CBN Ball na gaganapin ngayon weekend.
Pero nagdadalawang-isip daw siya kung pupunta siya.
“Pinag-iisipan ko pa po.
“Naiisip ko, parang yung sarili ko, medyo [nahihiya ako] humarap sa malalaking tao.
“Nandun pa rin po kasi yung ugaling pagka-probinsiyano,” paliwanag ni Ion.
