Isang emosyunal na tribute ang ibinahagi ni Kier Legaspi sa kanyang Instagram account para sa namayapang amang si Lito Legaspi nitong Martes, September 10.
Noong araw ring iyon sana ang ika-78 na kaarawan ng ama.
Pumanaw ang ama nina Brando, Zoren, Kier, at Jupiter Legaspi noong Linggo, September 8, sa Cardinal Santos Memorial Medical Center dahil sa cardiac arrest.
Siya ay 77 taong gulang.
Sa Instagram, nag-post si Kier ng lumang video kung saan nagbigay siya ng mensahe para sa amang si Lito.
Kuha ang nasabing video sa kasal ni Kier.
Mensahe ni Kier para sa ama: “Pa, thank you very much.
“Alam ko minsan or madalas, hindi tayo nagkakaintinidhan.
"Pero natutuwa ako dahil kahit hindi tayo nagkakaintindihan, merong Diyos na pumapagitna sa atin.
“Dahil kung kaunawaan mo Pa, kaunawan ko, pareho tayong tao, hindi tayo perfect.
“So, hindi tayo magkakaintindihan.
"Pero kung Diyos ang nasa gitna, mangyayari’t mangyayari pag ipinagkaloob Niya.
“I Love You, Papa.”
Kalakip nito ang caption ni Kier: “My dedication to my Papa. @jclfablife Salamat po sa lahat ng nakikiramay. It’s all appreciated."
Samantala, ang mga kapatid ni Kier na sina Zoren, Brando, at Jupiter ay wala pang post sa social media tungkol sa pagpanaw ng kanilang ama.
