Four years old lang ang pinakabatang tourism ambassador ng Pilipinas—si Scarlet Snow Belo.
Kinumpirma kahapon, September 17, ang pagtatalaga sa isa sa pinakabatang internet celebrity sa bansa bilang bagong tourism advocate.
Sa post sa Instagram account ni Scarlet kahapon, makikitang nagpunta siya sa tanggapan ng Department of Tourism (DOT) sa Makati City.
Ipinost ni Scarlet ang kanyang litrato kasama si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat at ang iba pang opisyal ng DOT.
Caption ni Scarlet: “Ok Tita Berna, let’s get to work and invite ALL the peoples of the world to our Philippines (but only as visitors, ok!).”
Kalakip din sa nasabing post ni Scarlet ang video niya, kasama si Secretary Puyat, habang sabay nilang sinasabi ang DOT slogan na, “It’s more fun in the Philippines!”
Ipinost din ng kalihim kahapon sa kanyang Instagram account ang nasabing video nila ni Scarlet.
Pagpapakilala ni Secretary Puyat sa bagong DOT ambassador: “@scarletsnowbelo , our youngest and cutest advocate of Philippine tourism, is now part of the fun!”
Si Scarlet ay anak ng celebrity doctors na sina Vicki Belo at Hayden Kho Jr.
Ang mag-asawa ang nagma-manage sa Instagram account ni Scarlet, na may 3.4 million followers.
OTHER CELEBRITY TOURISM ADVOCATES
Si Scarlet ang pinakabagong celebrity ambassador ng DOT.
Nitong September 3 lang ay ipinakilala ang YouTube content creator na si Mikey Bustos bilang bahagi ng “Eats. More Fun in the Philippines” tourism video ng kagawaran.
August naman nang kilalanin ng Tourism Board Promotions (TBP) ng DOT ang Canadian vlogger na si Kyle “Kulas” Jennermann bilang tourism ambassador ng bansa. Ang dayuhan ang nasa likod ng Becoming Filipino channel sa YouTube.
July ngayong taon naman nang maging volunteer advocate ng DOT ang aktres na si Dimples Romana.
Ito ay makaraang mag-viral ang #OhDani meme ng karakter niyang si Daniela Mondragon sa ABS-CBN teleseryeng Kadenang Ginto.
Matatandaang ginawang meme ang nasabing karakter ng Kapamilya actress nang i-Photoshop siya—habang nakasuot ng red dress at may hilang pulang maleta—sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, kasama na ang ilang tourist destinations.
Layunin ng tourism ambassadors na tumulong sa paghikayat sa mas maraming tourist arrivals sa bansa, at mapasigla maging ang local tourism.
Ayon sa DOT, pumalo sa 4,852,107 ang international tourist arrivals sa Pilipinas simula January hanggang July ngayong taon, mas mataas ng 12.36% kumpara sa parehong panahon noong 2018.
