Nakahanap ng kakampi si Alex Gonzaga, 31, sa kapatid niyang si Toni Gonzaga, 35, sa gitna ng pagkakaipit ng TV host-vlogger sa diumano’y snubbing issue na kinasasangkutan din ng Kapuso stars na sina Ken Chan at Rita Daniela.
Nitong Martes, September 24, ni-repost ni Alex ang Instagram Story ng kanyang ate na naglalaman ng words of encouragement kaugnay ng matinding batikos na natatanggap niya mula sa netizens.
Post ni Toni: “PEOPLE WHO KNOW YOU THE LEAST WILL ALWAYS HAVE THE MOST TO SAY ABOUT YOU. REMEMBER THAT.”
Mensahe pa ni Toni sa kapatid: “Good morning @cathygonzaga! Hayaan mo na. You know the truth. Love you!”

ALEX, KEN, RITA SPEAK UP ABOUT THE ISSUE
Una nang itinanggi ni Alex ang akusasyon laban sa kanya nang ipinost ito sa Instagram account ng batikang columnist at talent manager na si Lolit Solis noong September 23, Lunes.
Inilahad ni Lolit na nagkasabay umano sa airport ang Kapuso at Kapamilya stars, kabilang na roon sina Alex, Ken, at Rita.
Lumapit daw sina Ken at Rita kay Alex upang sabihing fans sila ng Kapamilya star sa pagiging vlogger nito.
Pero malamig daw ang pakikitungo ni Alex sa dalawang Kapuso stars.
Sa comments section ay sumagot si Alex at itinanggi ang paratang.
Sa kanyang bersiyon, sinabi ni Alex na nakipagkamay at bumati siya kina Ken at Rita, gayundin sa iba pang Kapuso stars.
Kinabukasan, September 24, Martes, na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sina Ken at Rita sa premiere night ng pelikulang Kiko En Lala.
Dito ay tinanong ang dalawang GMA-7 stars kung totoo ang isyung inisnab daw sila ni Alex.
Sa pahayag ni Ken, hindi niya itinanggi o kinumpirma ang isyu, pero malaman ang kanyang sagot.
Bahagi ng sagot ng aktor, “Hindi, sa totoo lang kasi, alam niyo naman kasi, may mga times talaga na... kahit hindi naman artista, may mga times talaga tayo na minsan, down tayo or pagod, wala sa mood.”
Kinumpirma rin ng dalawa na nilapitan nila si Alex at nakipagkamay naman ito sa kanila.
Dagdag pa ni Ken sa isyung pang-iisnab umano sa kanila ni Alex, “Hindi, yun nga, sabi ko nga kanina, siguro nung time na yun siguro, na pagod siya, dahil baka galing siya sa show or kaya may iniisip siya that time, hindi natin alam.”
Naging matipid si Rita sa kanyang sagot, pero sinabing nakipag-ugnayan sa kanya si Alex noong umagang iyon.
Tumanggi rin si Rita na idetalye kung ano ang pinag-usapan nila.
Sinegundahan din ni Rita ang sinabi ni Ken tungkol sa naging reaksiyon ni Alex sa airport.
“Iyon nga, kasi totoo talaga yun, hind mo maiiwasan na baka po siguro pagod po siya nung gabi na yun.
“Pero sana po, huwag na po nating gawin pang isyu o palakihin pa kasi hindi naman po dapat," ani Rita.
LOLIT SOLIS CONTINUES TO POST ABOUT THE ISSUE
Pinaninindigan naman ni Lolit ang kanyang naunang post tungkol kay Alex.
Pahayag niya sa kanyang Instagram post nitong September 25, Miyerkules, “In regard po sa pangyayari kay Alex Gonzaga, Rita Daniela at Ken Chan, sumusumpa po ang source ko na tutoo daw nangyari ang bagay na iyon.”
Nagpaliwanag din si Lolit kung bakit tila mas apektado siya sa isyu.
Aniya, “of course, dahil hindi ba para kayong neighbors na dapat mabait sa isa't isa.
"Na dapat pag magkakasabay kayo sa isang lugar pare-pareho kayong representative ng showbiz, walang mataas o mababa, walang mas sikat o baguhan?”
Ibinigay pa niyang halimbawa ang Kapamilya superstar na si Coco Martin na bumabati raw kahit kaninong artista.
“Si Coco Martin kahit saan makakita ng taga-showbiz, kahit hindi niya kilala, binabati niya, pakita sa mga tao na iisang mundo silang lahat na artista, walang ABS o GMA.”
Sa sumunod niyang post ngayong September 26, Biyernes, binanggit ni Lolit ang tungkol sa matinding pambabatikos na natamo niya mula sa fans ni Alex.
Bahagi ng post ng talent manager-entertainment columnist, “Ok sige, kasi nga kasalanan ni Rita at Ken na lumapit sila, nagpakilala at sinabing fan sila ni Alex Gonzaga.
“Let your anger out, sabihin n’yo na at isigaw na tama si Alex, na ok ang ginawa niya.
“Actually kaya nagiging monster ang isang celebrity dahil na rin sa bulag na fans niya.
“Ewan ko kung bakit one track mind na para bang kung ano sabihin nila matutuwa iyon idol nila.
“Kung si Alex natutuwa na ganun ang line of thinking ng kanyang fans, OK lang, bagay nga sila magsama-sama.
“It will not affect me, naku, nakita ko na lahat ng sumikat at nalaos, wala nang makakagulat pa sa akin.”
