Mariing itinanggi ni Vice Ganda na nagli-live in na sila ng rumored boyfriend na si Ion Perez.
Sa presscon para sa ika-sampung anibersaryo ng It’s Showtime kahapon, September 30, diretsong tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Unkabogable Star kung sa bahay na ba niya nakatira si Ion.
Sagot ni Vice, “Ay, hindi. Kanino galing 'yan?
“Sinong source mo? May source ka ba o sa 'yo lang nanggaling 'yan?”
Biro ng co-host niyang si Jhong Hilario, “Hindi siya nakatira, nagri-rent lang.”
Sabat ni Vice na humahalakhak, “Hindi, di ko siya pinagbabayad!
“Baka mamaya magbayad tuloy ma-offend ako.”
Inusisa rin ng iba pang media si Vice tungkol sa pag-iyak nilang dalawa ni Ion sa It's Showtime noong September 20.
Maiksing sabi niya, “Masaya ang puso ko araw-araw. Masayang-masaya.”
Nakatakda ba silang pormal na umamin ni Ion tungkol sa kanilang relasyon sa isa sa epsiodes ng 10th anniversary ng It’s Showtime?
Pagtanggi ni Vice, “Aamin? Definitely, walang mangyayaring ganyan."
VICE IS GRATEFUL TO MADLANG PIPOL
Hindi naman itinatago ni Vice ang kasiyahang nararamdaman lalo na't suportado ng netizens ang kanyang love life.
Sabi niya, “Actually, napa-flatter ako, nao-overwhelm ako actually na ang daming masaya na masaya ako.
“Yun lang po, dahil sa panahon ngayon, lalo na pag showbiz ka, mas mahalaga pag yung artista malungkot, mas mahalaga kapag ang artista may eskandalo, kasi mas gustong pinag-uusapan ng mga tao yun, di ba?
“Pag may nangyayaring masama doon sa mga artista, iyon yung headline na lahat interesado.
“Pero yung simpleng kasiyahan ko, na nararamdaman ko ang daming nagri-react, ang daming nag-aabang kung anong susunod na mangyayari.
"Nao-overwhelm ako at grateful ako sa inyong lahat, dahil masaya kayo sa kasiyahan ko, at hindi niyo yun gustong kontrolin.”
Dagdag pa ni Vice, “May mga gusto kayong malaman, pero hindi niyo pakikialaman. Yung ganun.
“Maraming salamat po sa inyong lahat sa pagbibigay respeto na lang din doon sa damdamin namin.
“Masaya po talaga ako na masaya kayo para sa akin.”
