Magkasunod na ibinasura ang mga kasong murder at parricide laban sa biyenan at asawa ni Ruby Rose Barrameda, na mga pangunahing suspek sa brutal na pagpatay sa kanya.
Dahil sa “dearth of prima facie evidence,” inabsuwelto ni Malabon Regional Trial Court Branch 170 Acting Presiding Judge Edwin Larida Jr. ang asawa ni Ruby Rose— si Manuel “Third” Jimenez III—sa kasong parricide nitong August 15, 2019.
Ito ay makaraang ibasura rin ng hukom noong July 10, 2019 ang murder case laban sa biyenan ni Ruby Rose na si Atty. Manuel Jimenez Jr., at sa dalawa pang akusadong sina Lennard Descalso at Norberto Ponce, dahil din sa kawalan ng probable cause.
Ang mag-amang Jimenez ang mga pangunahing akusado sa pagpatay kay Ruby Rose, kasama ang tiyuhin ni Third na si Lope Jimenez; sina Descalso at Ponce; at ang driver na si Eric Fernandez.
Mahigit sampung taon makaraang mangyari ang krimen, hindi pa rin naaaresto hanggang ngayon sina Lope at Fernandez.
Si Ruby Rose ay kapatid ng aktres at beauty queen na si Rochelle Barrameda.
RUBY ROSE MURDER CASE
March 14, 2007 nang maiulat na nawawala si Ruby Rose matapos niyang bisitahin ang mga anak sa bahay ng pamilya Jimenez.
Nang mga panahong iyon ay hiwalay na ang mag-asawang Ruby Rose at Third, at umuusad na ang custody case sa pagitan nila, dahil nais ni Ruby Rose na mapunta sa pangangalaga niya ang mga anak.
Gayunman, pagsapit pa ng June 10, 2009 nakumpirmang patay na si Ruby Rose makaraang lumantad ang unang suspek na si Manuel Montero, dating empleyado ng pamilya Jimenez.
Sa report ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong June 11, 2009, na ibinatay sa panayam ng GMA News kay Rochelle sa telepono, naniniwala ang aktres na may kinalaman ang krimen sa paghain ni Ruby Rose ng kaso kay Third.
Kinasuhan ni Ruby Rose ang asawa ng pananakit, at nag-file ito ng Temporary Protection Order (TPO) at habeas corpus para makita ang mga anak.
THE STATE WITNESS
Mula sa pagiging suspek, naging state witness si Montero nang ikuwento niya ang pagpatay kay Ruby Rose, at itinuro kung saan itinapon ang bangkay ng biktima.
Napatotohanan ang mga sinabi ni Montero.
Narekober sa malalim na bahagi ng dagat, malapit sa Navotas fish port, ang metal box kung saan nakasilid ang sinementong drum na kinalalagyan ng bangkay ni Ruby Rose.
Nakumpirmang kay Ruby Rose ang bangkay batay sa kanyang dental records.
Kasunod nito, itinuro ni Montero ang mag-amang Jimenez na siya raw gumawa ng krimen, ang tiyuhin ni Third na si Lope bilang mastermind, at sina Descalso at Ponce sa pagpatay kay Ruby Rose, katulong si Fernandez.
Batay sa paunang testimonya ni Montero, dinukot si Ruby Rose mula sa bahay ng mga Jimenez, pinatay sa sakal, isinilid sa drum at isinemento, at saka ipinasok sa isa pang steel casing na isinemento rin, bago itinapon sa dagat ng Navotas.
Dito na lang nabuo ng pamilya ni Ruby Rose ang sinapit nitong trahedya.
WITNESS RECANTS, DISAPPEARS
Gayunman, pagsapit ng February 2013, binawi ni Montero ang kanyang testimonya.
Nang sumunod na buwan, March 2013, hindi na matagpuan si Montero, na nasa kustodiya noon ng pulisya.
Dahil hindi nakumpleto ni Montero ang kanyang testimonya, nakapagpiyansa noong June 2015 sina Manuel Jr., Descalso, at Ponce, hanggang sa tuluyang naabsuwelto sa murder ang mga ito.
Nakasaad sa desisyon ng korte noong July 10, 2019 na ang pagkakadiskubre sa bangkay ni Ruby Rose “only proves that a crime has been committed but it does [not] include the identities of the persons who committed it or its actual commission by someone.”
NO EVIDENCE
Sa pagbasura ni Judge Larida ng parricide laban kay Third Jimenez, ikinatuwiran din ng hukom ang hindi pagkakatapos ni Montero ng kanyang testimonya.
Dahil nawawala na si Montero, tanging ang testimonya ng mga pulis na nag-ahon sa bangkay ni Ruby Rose mula sa dagat ang pinagbatayan ng korte, at “none of them has shown that he had directly or indirectly participated in the killing of his estranged wife.”
Iginiit din ni Judge Larida na walang naging bigat sa kaso ang magkahiwalay na testimonya ni Rochelle at ng inang si Asuncion Barrameda tungkol sa hindi maayos na pagsasama at paghihiwalay nina Ruby Rose at Third.
Nakasaad sa desisyon ng korte ng August 15, 2019 na kahit pa ang testimonya ng mag-inang Asuncion at Rochelle ay “woven together and taken in the light of the supporting documentary exhibits will point to nothing in order to establish to some extent the criminal liability of the accused.”
Binigyang-diin sa court decision: “It has not been shown that the love turned sour between the erring spouses has made accused Manuel Jimenez III sowed the seeds of violence by masterminding the reprehensible deed against his wife.”
BARRAMEDA FAMILY APPEALS
Ipinost ni Rochelle noong September 30, 2019 sa Facebook ang official statement ng kanyang pamilya, at kinumpirma nitong naghain ang mga Barrameda ng motion for reconsideration sa naging hatol ni Judge Larida.
Sa kanyang post, kinuwestiyon ni Rochelle kung paanong magkasunod na nagpalabas ng dismissal order si Judge Larida pabor sa mga Jimenez, gayong “months ago” pa lang itong naitatalaga bilang acting presiding judge ng Malabon RTC Branch 170.
Kasabay nito, hinihiling ng pamilya Barrameda na mag-inhibit si Judge Larida sa kaso ng pagpatay kay Ruby Rose.
Sa press conference kahapon ng pamilya Barrameda, nanawagan ang padre de pamilya, si Robert Barrameda, kay Montero na “manumbalik ang konsensiya” at lumantad muli “kung ikaw ay buhay pa,” iniulat ng ABS-CBN News.
Umapela naman ang ina ni Ruby Rose kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tulungan siyang makita ang mga anak ni Ruby Rose, na kasalukuyang nasa kustodiya ni Third Jimenez.
