Pinaghahandaan ngayon ni Paolo Valenciano ang pagdaraos sa huling major concert ng amang si Gary Valenciano.
Ito ay kahit na hindi sinasang-ayunan ni Angeli Pangilinan ang desisyon ng asawang si Gary, 55 anyos.
December 13 nang i-post ni Paolo sa Instagram ang announcement sa tinawag niyang “his last major concert.”
Tinukoy ni Paolo ang amang si Gary sa kanyang post, na may hashtags na #Araneta, #April, at #2020.
Sa post ng 35-anyos na singer-musical director, ibinahagi niya ang isang emosyonal na litrato niya habang yakap ng inang si Angeli.
Caption ni Paolo: “This is what happens when you plan his last major concert. #Araneta #April #2020”
View this post on InstagramThis is what happens when you plan his last major concert. #Araneta #April #2020
Kasabay nito, may Instagram Stories si Paolo na tumukoy sa mga petsang April 18 at 19 para sa pinaplanong major concert ng tinaguriang Mr. Pure Energy sa Araneta Coliseum.
SHOCKING SURPRISE
Daan-daan ang nagkomento sa post ni Paolo, karamihan sa kanila ay nagulat sa naging announcement ng panganay nina Gary at Angeli.
Walong loudly crying face emojis ang reaksiyon ng kapatid ni Paolo na si Gab Valenciano, habang simpleng “Love you dad!!!!” ang komento ng bunsong si Kiana.


Pagkagulat ang naging reaksiyon ng mga kapwa celebrities ni Gary, tulad nina Moira dela Torre, Iza Calzado, at Jed Madela.


Hindi naman makapaniwala sina Candy Pangilinan at Edward Barber sa naging announcement ni Paolo.


Nagpahayag din ng kalungkutan sina Denise Laurel, Sam Concepcion, Andi Manzano, at Darren Espanto.



WIFE ANGELI DISAGREES
Gayunman, kapansin-pansin ang naging komento ng misis ni Gary na si Angeli, na sinita si Paolo dahil sa “preempting.”
Ito ay dahil binigyang-diin ni Angeli—na manager din ni Gary—sa kanyang komento na “I don’t agree with Papa though !!!!”

Sinagot din ni Angeli ang isang netizen na overseas Filipino na nalungkot dahil “last” concert na raw pala ni Gary ang idaraos sa April 2020.
Reply ni Angeli (published as is): “his last major one he said (two hearts, broken heart emojis) i havent accepted it yet”

Sa ikatlo niyang komento, muling nagpaliwanag si Angeli tungkol sa pagreretiro ni Gary sa malakihang concert production—at inulit ng talent manager na hindi siya pabor sa desisyon ng asawa.
May netizen na nagtanong kung magsasagawa ng “missionary duties” si Gary ngayong pinaplano na nito ang huling major concert.
Paglilinaw ni Angeli: “he will tour abroad and do smaller venues, casinos maybe, hotels and back to backs in Araneta or MOA maybe … but solo major he wants to retire from that. I still don’t agree (three face with tears of joy emojis)”

PAOLO CLARIFIES DAD'S “LAST MAJOR CONCERT”
Sa huli, mismong si Paolo na ang nagbigay-linaw na hindi huling concert ni Gary ang idaraos sa Araneta sa April, kundi “last MAJOR solo production.”
Ayon kay Paolo, mayroon pang “dream collaborations” si Gary kay Sarah Geronimo o kay Regine Velasquez.
Gayunman, ayon kay Paolo, ang kalusugan ng kanilang ama ang prayoridad ng kanilang pamilya sa ngayon.

May 2018 nang sumailalim sa bypass surgery si Gary, na ilang dekada nang diabetic.
Nang sumunod na buwan, inoperahan naman ang singer-songwriter-dancer upang lunasan ang kanyang kidney cancer.
Sa ngayon, mahigit isang taon nang cancer-free si Gary, na may kabuuang 41 taon na sa showbiz industry.
