Binigyang-linaw ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang pagkaka-link niya sa Kapuso actor na si Alden Richards at sa Kapamilya actor na si Sam Milby.
Sa kasalukuyan, iisa ang talent management company na kinabibilangan nina Catriona at Sam—ang Cornerstone Entertainment, Inc.
Pero noon pa mang January 2019 ay nagsimula nang ma-link ang dalawa nang kumalat ang video kung saan nakita silang magkasama sa isang private farm sa Tanay, Rizal.
Samantala, noong September 2019 ay nausisa naman si Alden kung interesado ba siya kay Catriona dahil pina-follow at nagla-like ang aktor sa Instagram posts ng beauty queen.
Nagbigay ng pahayag si Catriona tungkol sa pagkakaugnay niya kina Sam at Alden sa kanyang guest appearance sa ABS-CBN late-night talk show na Tonight With Boy Abunda nitong December 24, Martes.
Diretsang tinanong ng host na si Boy Abunda si Catriona tungkol kina Sam at Alden.
“I feel like the fans are really shipping, which I guess the fans do,” bungad ng former Miss Universe.
“I’ve never met Alden before. I’ve never met him.
“Then Sam naman, we go to the same church, we’re under the same management, so friend naman siya.”
Tinanong din ni Boy si Catriona kung nanliligaw ba si Sam sa kanya, pero tanging ngiti ang isinagot ng dalaga.
SAM REVEALS HE IS INTERESTED IN SOMEONE
Sa isang press conference noong September 2019 ay tinanong si Sam tungkol sa kanyang love life.
Pero hindi makasagot nang diretso ang ABS-CBN actor.
Paputol-putol na sabi niya, “I’m interested at somebody. Inspired and interested.
"It’s too early naman. Basta in the future…
“If it pushes through and something happens…
“It’s just interest.
“Basta, if something ever... I’m not going to give you any clues in any way.”
Patuloy ang pag-usisa ng reporters kay Sam kung si Catriona ba ang tinutukoy niyang babae, pero umiwas siyang kumpirmahin o itanggi ito.
Ang huling nakarelasyon ni Sam ay si Mari Jasmine, isang TV host/model/vlogger.
Kinumpirma ni Sam ang paghihiwalay nila ni Mari noong March 2018 pagkatapos ng dalawang taong relasyon.
ALDEN ADMIRES CATRIONA
Sa contract renewal niya sa GMA-7 noong September 2019, inusisa si Alden matapos mapansing nagla-like siya sa Instagram posts ni Catriona.
"Ang gandang Miss Universe natin naman," sagot ni Alden.
Inusisa rin siya kung tipo ba niyang babae si Catriona.
"What's not to like? And siyempre, Miss Universe yun," sagot ng aktor.
"And I've heard na she's a very good person. I'm looking forward to meet her."
Sinabi rin ni Alden na hindi pa sila nagkakakilala nang personal ni Catriona, pero magiging masaya siya kung sakaling mabigyan ng pagkakataong magkakilala sila.
Ang huling nakarelasyon ni Catriona ay ang Filipino-German model na si Clint Bondad.
Kinumpirma ni Catriona noong February 2019 na naghiwalay sila Clint pagkatapos ng anim na taon.
