Na-hack ang Facebook account ni Camille Prats.
Ito ang bumungad nitong Biyernes ng umaga, January 31, sa mga Instagram followers ni Camille na nakakita sa kanyang post at Stories tungkol sa hacking.
May mahigit 3.2 million followers ang official Facebook page ng 34-anyos na actress-TV host.
Sa naturang account ipinu-post ni Camille ang mga karaniwang aktibidad nila ng kanyang pamilya, gayundin ang kanyang mga endorsements.
Pero nang silipin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Sabado, February 1, ang page ni Camille, iba’t ibang videos na hindi kuha sa Pilipinas ang naka-upload doon.
Base sa mga petsa ng posts, sunud-sunod na in-upload ang mga naturang videos simula nitong nakaraang Huwebes, January 30.
Sa Instagram, humingi ng tulong ni Camille kung paano niya maire-report sa Facebook ang pagkaka-hack sa kanyang page.
Nanawagan din sa publiko ang Kapuso artist na i-unlike at i-block ang kanyang Facebook page.
Saad sa post ni Camille: “My Facebook page has been HACKED.
“If you know anyone from Facebook who can help me report this or a tech guy who can help me recover it that would be awesome.
“For the meantime please unlike the page and block it.”
May parehong apela rin si Camille sa kanyang Instagram Stories nitong Huwebes.


Sa panibagong post sa kanyang Stories kahapon ng umaga, muling nanawagan ng tulong si Camille dahil hindi pa rin niya nababawi ang kanyang Facebook page.

Umapela rin siya sa kanyang 1.9 million Instagram followers na ituluy-tuloy lang ang pagre-report sa Facebook tungkol sa na-hack niyang page.

Hanggang ngayong Sabado, February 1, nagbibigay ng suggestions ang mga netizens kung paano mababawi ng actress-TV host ang kanyang Facebook account.






May mga direkta ring nag-aalok ng serbisyo para matulungan ang aktres.
Ang isa naman, pinayuhan si Camille na humingi ng tulong sa kanyang home network, ang GMA-7.

OTHER CELEBRITIES WHO WERE VICTIMS OF HACKERS
Ang Kapuso network ang tumulong kina Kris Bernal at Kylie Padilla nang ma-hack din ang social media accounts ng dalawang aktres.
November 30, 2019 nang mapasok ng hackers ang Twitter account ni Kylie.
Instagram at Twitter accounts at ang personal email naman ni Kris ang na-hack noong September 22, 2019.
Samantala, ang TV host-vlogger na si Alex Gonzaga ay maagap na napigilan ang tangkang pakikialam ng hackers sa kanyang Instagram at YouTube accounts noong October 2019.
