“Stop taping na kami muna,” ang umpisang mensahe ni Aiko Melendez.
Sinabi niya ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa aming ekslusibong panayam sa pamamagitan ng Facebook messaging kahapon, Biyernes, March 13.
Isa si Aiko sa cast members ng Prima Donnas na top-rating program ng GMA-7.
At dahil nga sa community quarantine sa buong Metro Manila—simula Linggo, March 15—bunga ng pag-iingat na ginagawa para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 ay ihihinto muna ang taping nina Aiko at malamang pati ang ibang serye ng GMA.
Nag-announce na rin ang ABS-CBN na tigil na ang produksyon ng kanilang mga teleserye at mga live shows.
Tanong namin kay Aiko, hanggang kailan sila hindi magte-taping?
“Until ma-lift yung community quarantine," sagot ng aktres.
WHERE THERE IS NO COVID-19
Nitong Miyerkules, March 11, sila huling nag-taping para sa Prima Donnas. Tinanong namin si Aiko kung ano ang precautions nila sa dineklara nang global pandemic na ito?
“Pinauwi kami ni VG sa Zambales, buong family ko.”
Si VG ay si Zambales Vice-Governor Jhay Khonghun na kasintahan ni Aiko.
Ang pamilya ni Aiko na nasa Zambales ngayon ay ang ina niyang si Mommy Elsie, kapatid niyang si Angelo, at mga anak niyang sina Andre at Marthena.
“And lahat ng bags namin may alcohol and masks kami. Nag-grocery na kami, yung mga kailangan talaga.
“Meron din kaming scanner for temperature in case any of us will have any symptoms.
“Kasi sa Zambales walang COVID-19.
“Dapat aalis sina Marthena and mom ko for the U.S. this March. Wala, hold ko muna. May tickets na nga sila, e," patuloy ni Aiko.
Huwebes pa ng umaga ay nasa Zambales na sina Aiko, ngunit baka madiskaril ang plano nilang manatili roon.
“Pero, uuwi na muna kami bukas [Sabado], kasi baka hindi kami makaalis na kapag nag-lockdown. Paano ang bahay naman namin?
“Bale bukas kami magde-decide and weigh things kung uuwi kami ng Zambales till matapos ang quarantine.
“May mga need kami tapusin. Kasi si Gelo needs to be home, nasa medical field siya, e. Sa Centuria Medical sa Makati, supervisor siya ng hospital," banggit ni Aiko tungkol sa kapatid na si Angelo.
HELP EACH OTHER
Bilang bahagi ng industriya, ano sa tingin ni Aiko ang epekto ng COVID-19 scare sa showbiz?
“Medyo malaki ang epekto kasi mawawalan ng work ang karamihan pansamantala. Nakakaawa ang mga crew people, yung mga maliliit na manggagawa sa showbiz kasi sila ang mas higit nangangailangan ng work.”
Mensahe naman ni Aiko sa publiko, “Ang test of faith natin, huwag bibitaw, kasi mas need natin magdasal!
“And we, as Filipinos, dapat tayong magtulungan and abide sa regulations.
“Pray instead of bashing. This too shall pass and ang resilience ng mga Pinoy hindi matatawaran kaya malalagpasan din natin ang crisis na ito basta kapit lang sa Diyos.
“And pinaka-important is not to panic.”