Mismong malalapit na kaibigan ni Bea Alonzo ang kinikilig para sa kanya at kay John Lloyd Cruz.
Hindi lang fans nina Bea, 32, at John Lloyd, 36, ang hindi maka-get over sa palitan ng Instagram comments ng magka-love team kamakailan.
Kinikilig din para sa kanila ang engaged couple at parehong malapit na kaibigan ni Bea na sina Angel Locsin at Neil Arce.
Sa katunayan, magkasunod na tinudyo nina Angel at Neil si Bea kay John Lloyd sa latest Instagram post ni Bea nitong Lunes ng gabi, April 20.
Ibinahagi ni Bea ang post ni Angel, 34, tungkol sa collaboration ng organization ni Bea sa hospital tent campaign ni Angel.
Si Bea ay co-founder ng I Am Hope, na aktibong tumutulong sa mga frontliners at mahihirap na pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Pagpapatayo naman ng mga isolation tents sa mga ospital ang target ng #UniTentWeStandPH campaign nina Angel at Neil.
ANGEL-BEA HUMANITARIAN COLLAB
Makikita sa video post na sa Bataan General Hospital and Medical Center nagtayo ng tents ang grupo ni Angel.
Nangangailangan din ng mga personal protective equipment (PPE) sa nabanggit na ospital kaya nagpatulong si Angel kay Bea.
Nag-donate ang I Am Hope ng 40 PPE suits, 1,000 surgical masks, at 1,000 face shields sa ospital.
Caption ni Bea: “So proud of this selfless person. Idol kita [raising hands emoji] @therealangellocsin .”
Nagpasalamat si Bea kay Angel, na tinawag niyang “DARNA in the time of COVID.”
Sumikat si Angel sa pagbibida sa Darna action-drama series ng GMA-7 noong 2005.
Saad pa sa post ni Bea: “Thank you for your big heart, and for remembering and giving @iamhope_org the opportunity to be part of the Bataan collaboration.
“YOU are the DARNA in the time of COVID.
“God bless you.”
NEIL INDIRECTLY TEASES BEA
Unang nagkomento si Neil sa post na ito ni Bea.
Sinegundahan ni Neil ang papuri ni Bea sa kanyang fiancée.
“Proud din ako sa selfless person Na yan,” comment ni Neil, na ang tinutukoy ay si Angel.
Kinikilig na reply ni Bea: “Yiiiiiiieeeeeeeehhhh [four heart eyes emojis]”

May tono ng panunukso ang sagot ni Neil kay Bea.
“muntikan din ako mag reply sa isang post mo ng yiuiiiueeeeeeehhhh [four heart eyes emojis]”
Tatlong tears of joy emojis ang reply ni Bea kay Neil.

Isang fan nina Bea at John Lloyd ang sumingit, at hiniling kay Neil na linawin kung anong post ang tinutukoy nito.
Sabad ng fan: “kuya Neil anong isang post ni bea ang icocomment mo sana ng yiehhhh hehehehe”

Hindi sinagot ni Neil ang tanong ng fan.
ANGEL: “ONE MORE CHANCE NA, MAY SECOND CHANCE PA!”
Pero mas naging obvious ang tuksuhan nang si Angel na ang magkomento.
Mistulang ginatungan ni Angel ang panunukso ni Neil kay Bea.
Comment ni Angel sa post ni Bea: “Mas idol kita! [heart emoji]
“One more chance na, may second chance pa! [face with tears of joy emoji]
“Maraming salamat, B [hugging face emoji] love you”
Ang One More Chance (2007) at A Second Chance (2015) ang dalawang blockbuster movies na pinagtambalan nina Bea at John Lloyd.
Hindi naman pinansin ni Bea ang panunukso ni Angel, at simpleng “labyu!” lang ang reply niya sa kaibigang aktres.

Nagkasama sina Bea at Angel sa 2013 blockbuster film na Four Sisters And A Wedding.
BEA-JOHN LLOYD EXCHANGE OF COMMENTS
April 13 nang magkapalitan ng mensahe sa Instagram sina Bea at John Lloyd.
Inasar ni Bea si John Lloyd sa pag-like ng aktor sa kanyang lumang post, at tinanong kung bakit ito nagba-browse sa Instagram ng aktres.
Ang palusot ni John Lloyd, napindot lang daw niya ang naturang post.
Pero pabirong nagtanong si Bea kung may na-miss ba ang aktor.
Tumanggi si John Lloyd na sagutin ang tanong, pero patuloy siyang inasar ni Bea.
Sa huli, sinabi ni John Lloyd na ipagpatuloy na lang sa direct messaging ang kanilang usapan.
A CHANCE FOR JOHN LLOYD AND BEA
Labis namang kinilig ang mga fans ng mahigit isang dekada nang love team ng dalawa.
Matagal nang hinihiling ng fans na sana ay mauwi na sa totohanan ang relasyon nina Bea at John Lloyd.
Pareho silang single ngayon.
July 2019 nang makipaghiwalay si Bea kay Gerald Anderson.
Tumagal ng tatlong taon ang kanilang relasyon.
Si Ellen Adarna naman ang huling naging girlfriend ni John Lloyd.
Mahigit dalawang taong naging magkarelasyon sina John Lloyd at Ellen, at nagkaroon sila ng anak, si Elias Modesto.
