Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ngayong Martes, May 5, ang agarang pagtigil sa lahat ng broadcast operations ng ABS-CBN.
Sa inilabas na Cease and Desist Order ng NTC laban sa ABS-CBN, sinabi ng komisyon na hindi na maaaring magsahimpapawid ang network, pati na ang mga TV at radio stations nito sa mga probinsiya.
Napaso ang 25-year-legislative franchise ng ABS-CBN Corporation kahapon, May 4, 2020.
Nakasaad sa order: "The National Telecommunications Communications (NTC) today issued a Cease and Desist Order against ABS-CBN due to the expiration of its congressional franchise."
Binigyan ng NTC ang ABS-CBN ng sampung araw upang magpaliwanag kung bakit hindi kailangang bawiin ng gobyerno ang kanilang mga frequencies.
Kabilang na rito ang Channel 2, ang 630 khz sa AM radio, at ang 101.9 khz sa FM.
Dagdag pa sa utos ng NTC: "Upon the expiration of RA 7966, ABS-CBN no longer has a valid and subsisting congressional franchise as required by Act No. 3846.
"The NTC Regional Offices shall implement the closure order in their respective areas of jurisdiction."
Ayon kay Edgardo Cabarios, Deputy Commissioner ng NTC, "immediately executory" daw ang nasabing order ng komisyon.
Pero ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaari raw itong iapela sa korte.
CALIDA WARNS NTC
Noong Linggo, May 3, ay binalaan ni Solicitor General Jose Calida ang NTC sa kakaharaping reklamo kapag binigyan nito ng provisional authority to operate ang ABS-CBN.
Si Calida ang tumatayong abugado ng Duterte administration.
Ayon kay Calida, walang batas sa ating Konstitusyon na nagsasabing maaring utusan ng Kongreso at Senado ang NTC na magbigay ng legislative franchise sa mga broadcast companies katulad ng ABS-CBN.
Maaari lamang makakuha ng provisional permits mula sa NTC ang mga broadcasting companies kung mayroon silang legal and valid franchise mula sa Kongreso.
Hiindi na raw maaaring mabigyan ng provisional authority ang ABS-CBN Corp. at ang affiliate nitong ABS Convergence Inc. dahil napaso na ang kanilang prangkisa kahapon, May 4.
Kinontra rin ni Calida ang mga sulat nina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Legislative Franchises Committee chair Congressman Franz Alvarez upang hikayating bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.
Gayundin ang resolusyon ang Senado na nag-uudyok sa NTC mag-isyu ng provisional authority sa istasyong pag-aari ng pamilya Lopez.
Ayon kay Calida, “sentiments of the legislature” lamang ang mga ito at hindi maaaring gamitin ng NTC.
DUTERTE ON ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL
Makailang beses nagbanta si Pangulong Duterte tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Noong April 27, 2017, o tatlong taon bago matapos ang prangkisa ng ABS-CBN, nagbanta si Pangulong Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng network dahil sa panggagantso diumano nito sa kanya.
Inulit ng Pangulo ang atraso sa kanya ng ABS-CBN sa isang speech noong May 19, 2017.
Sa kanya namang speech noong August 3, 2018, sinabi ni Duterte na hindi siya manghihimasok sa pagsusumite ng ABS-CBN ng application para sa panibagong broadcast franchise.
Pero sinabi rin niya, "But if I had my way, I will not give it back to you."
Noong December 3, 2019, nagbanta muli ang Pangulo na haharangin niya ang franchise renewal ng ABS-CBN nang sinabi nitong “I will see to it that you are out.”
Sa kanyang speech noong December 30, 2019, sinabi ni Duterte na mas makabubuti kung ibenta na lamang ng mga may-ari ang ABS-CBN.
This is a developing story.