“NAPAKASAKIT NG GINAWA NINYO SA MGA PILIPINO!!!”
Nagpupuyos ang damdamin ni Coco Martin kasunod ng pag-sign off ng kanyang home network, ang ABS-CBN, ngayong Martes ng gabi, May 5, 2020.
Sa pamamagitan ng Instagram, inilabas ng Kapamilya actor ang kanyang hinanakit laban sa “mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN.”
Si Coco, 38, ang pangunahing bida sa top-rating at longest-running primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano, na lumalabas sa Kapamilya network.
Saktong ika-7:52 ngayong gabi, nag-sign off ang leading TV network sa bansa alinsunod sa cease-and-desist order (CDO) ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ipinatigil ng komisyon ang airing ng buong network, kasama ang iba pa nitong TV and radio stations sa probinsiya.
Nag-expire ang 25-year-legislative franchise ng ABS-CBN Corporation nitong May 4, Lunes.
COCO: “ANG DAPAT SA INYO AY USAPANG SANGGANO…”
Bakas ang galit at hinagpis ni Coco sa kanyang mga post.
Gaya ng maraming artista sa ABS-CBN, ikinagagalit ni Coco na iniutos ng NTC na itigil ang operasyon ng TV network sa gitna ng kinakaharap na health crisis ng bansa.
At gaya ng kapwa niya mga artista, ang simpatiya ni Coco ay nasa libu-libong empleyado ng network sa panahong kailangan ng mga ito ng trabaho.
“Tutal wala naman kasiguraduhan kung buhay pa ako pagkatapos ng pandemic na ito. Tama lang na masabi ko ang mga saloobin ko,” panimula niya.
Kasunod nito, nagpakawala ng maaanghang na salita si Coco.
"Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag na panatag na ang kalooban niyo.
"NTC sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan!!!"
Bukod sa NTC, malaki ang ginampanan ni Solicitor General Jose Calida ng Office of the Solicitor General (OSG) para maisakatuparan ang pagpapahinto sa operasyon ng ABS-CBN Corporation.
Si Calida ang nagsumite ng quo warranto petition sa Supreme Court, noong February 2020, dahil sa ilang paglabag umano sa operasyon ng network.
Si Calida rin ang nag-warning sa NTC na kakasuhan ito ng iba't-ibang charges kapag binigyan nito ng provisional authority to operate ang ABS-CBN.
Kapag merong provisional authority to operate mula sa NTC, maaring ipagpatuloy ng network ang kanyang operasyon, kahit nakabinbin pa sa Kongreso ang franchise renewal nito.
Diretsahang sinabi nii Coco na hindi ito ang panahon para manahimik laban “sa mga taong katulad ninyo na patuloy na nang-aabuso."
Dadag niya, “Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya!”
Hamon pa ni Coco: “Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?
“Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!
“Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!”
Direktang patama pa rin ni Coco: “Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!
“TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!”
coco: "NAKAKAPAGOD NANG MANAHIMIK..."
Humingi ng paumanhin si Coco kung hindi niya mapigilan ang “sobrang galit” na nararamdaman.
“Nakakapagod nang manahimik at magpigil kung ang mga nasa paligid mo naman ay mga walang-pusong tao.”
Lahad pa ni Coco, hindi lamang ang libu-libong empleyado ng network ang mawawalan, kundi pati na rin ang mga pamilya nilang umaasa sa kanila.
“Talaga bang nagawa niyong unahin ang pagpapasara ng isang istasyon na bumubuhay sa napakaraming Pilipino?”
Ito raw sana ang panahon na dapat ay nagtutulong-tulong ang lahat, gaya ng ginagawa ng ABS-CBN.
“Hindi ko alam kung anong klaseng mga tao kayo at kung anong klaseng konsensiya ang mayroon kayo para maisip niyong ipasara ang ABS-CBN sa gitna ng daan at libong mga taong nagkakasakit at namamatay dahil sa epidemyang ito.
“Wala man akong gaanong kaalaman sa batas at maaring mas marunong kayo sa akin, pero sana naisip niyo man lang ang sitwasyon ng ating bansa!
"Sana sa wakas ay makatulog kayo nang mahimbing at maipagmalaki niyo ang nagawa ninyo!
“Sana ipagkapuri kayo ng pamilya ninyo sa tagumpay ninyong gutumin at yurakan ang mga buhay ng ilang libong pamilya!”
Ngayong gabi ay naglabas din ng official statement ang Malacañang hinggil sa isyu.
Dito ay nagpasalamat ang Malacañang sa serbisyo ng ABS-CBN sa bayan at sa mga Pilipino.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
