Hindi nagpatinag si Heart Evangelista kahit maya't maya ay may mga bumabatikos sa kanyang pamumuhay ngayong quarantine period.
Ang latest ay ang agaw-pansin na pagkain niya ng pancit canton habang nakasuot ng magarbong designer outfit at shades.
Kuha ang litrato habang nakaupo siya sa sala ng kanyang bahay.
Pabirong caption ni Heart, "Sometimes I workout, and sometimes I do this..."
NETIZENS' REACTIONS
Sa comments section, dalawang netizens ang kumuwestiyon sa pagiging magarbo ni Heart kahit nasa loob lang ng bahay.
Sabi ng isa, paraan daw iyon ni Heart para pagtakpan ang umano'y kawalan ng talent at personality ng Kapuso actress.
"The beautiful clothes make up for the talent, and personality.
"I just wonder, is she interesting without these expensive pieces
"I bet she knows that already that's why she dresses like that even in quarantine."
Hindi inatrasan ni Heart ang kanyang kritiko.
Sabi ni Heart, "lol glad you feel good about yourself now."
Tinawag naman si Heart na "oa" o overacting ng isa pa niyang kritiko.
Sabi nito, "sobrang oa mo nasa bahay ka lang ganyan itsura mo."
Noon pa man ay aminado si Heart na "maarte" siya.
Wala naman daw masama sa pagiging maarte basta't wala siyang natatapakang ibang tao.
Sagot niya sa netizen, "super!!"
Dinagdagan pa niya ito ng sangkatutak na emojis na stars, trumpets, wine toast, at popcorn.
ENTERTAINING POSTS
Nakagawian na ni Heart ang pagsusuot ng designer outfits habang gumagawa ng simpleng gawain sa bahay.
Lalo na mula nang mag-viral ang kunwari'y pamimili niya sa grocery nang kuntodo designer items ang kanyang suot noong December 2018.
Maraming netizens ang naaliw at ang iba pa nga ay gumawa ng spoof sa pagiging fashionista tulad ni Heart.
Nilinaw naman noon ng Kapuso actress na ang totoo ay ginamit niya para sa isang event noong araw na iyon ang suot niyang designer outfit.
At sa kanyang latest post, marami ring netizens ang natuwa sa post ni Heart na kumakain siya ng pancit canton.

