Nakisali na rin ang GMA News broadcaster na si Arnold Clavio sa netizens na gumawa ng memes tungkol sa viral "classroom" quote ng Kapamilya actress na si Kim Chiu.
Sa kanyang Instagram post kahapon, May 14, nagpa-survey si Arnold sa kanyang followers.
Pinapili ng Unang Hirit host at Saksi anchor “kung sino ang pinaka-malinaw” sa pagitan ni Kim at ng dating GMA News reporter na si Michael Fajatin.
Kalakip nito ang magkahiwalay na videos nina Kim at Michael, na naging viral sa magkaibang panahon dahil sa naging masalimuot na mensahe ng dalawa.
Nilinaw ni Arnold na ang intensiyon niya sa pagpu-post ng videos ay "para sumaya ang mga naka-lockdown."
Pinasalamatan pa nga niya si Michael, na pumayag daw i-post ni Arnold ang video nito.
As of 1:30 P.M. ngayong May 15, Biyernes, mayroon nang mahigit 22,300 views ang post ni Arnold.
MICHAEL FAJATIN’S “DISPERSAL” REPORT
Mga 13 taon na ang nakaraan, noong June 8, 2007, nagkaroon ng live report si Michael sa Saksi ng GMA-7, kung saan isa sa mga anchors si Arnold.
Sa nasabing report, nagkabuhul-buhol ang pananalita ng reporter sa intro spiels nito.
Matapos siyang ipakilala ni Arnold para sa kanyang ulat, dito na nasaksihan ang tila labu-labong intro ni Michael.
Sabi niya sa kanyang report: “Igan, pasado alas otso nang tahimik na mag-disperse ang mga rallyista sa San Sebastian… ngunit matapos ang ilang negosasyon… ito’y matapos na nag-disperse sila… pagkatapos nito, a, hindi na sila nag-away... nag-away kasi sila sa simula… pagkatapos nito’y nagkaroon sila ng pag-aaway sa simula.”
Bagamat hindi pa gaanong uso ang social media noong 2007, pinagpasa-pasahan pa rin ang video clip ni Michael, at lumalabas pa rin ito hanggang ngayon.
Hindi naman naging kabawasan ito kay Michael.
Ngayong wala na siya sa GMA News and Public Affairs, siya ay tumatayong news director ng UNTV News and Rescue.
KIM CHIU’S “LAW OF CLASSROOM”
Nito na lang Mayo 8, 2020 nangyari ang video ni Kim, na kuha sa Laban Kapamilya online protest ng ABS-CBN stars.
Kabilang si Kim sa mga nagsalita kaugnay ng pagpapasara noong Mayo 5 ng National Telecommunications (NTC) sa ABS-CBN.
Sa pahayag ni Kim, sinubukan niyang ihalintulad ang pagpapasara sa kanyang mother network sa batas sa loob ng classroom.
Pahayag ni Kim: “Sa classroom, may batas. Bawal lumabas.
"O, bawal lumabas, pero pag sinabi, pag nag-comply ka na bawal lumabas.
"Pero may ginawa ka sa pinagbabawal nila, inayos mo yung law ng classroom niyo at sinubmit mo ulit, ay, puwede na pala ikaw lumabas."
Agad nag-viral ang video ni Kim, dahil na rin sa may pangalan ang magandang aktres sa showbiz.
Kasunod nito, humingi ng dispensa si Kim at inaming kahit daw siya ay hindi na naintindihan ang kanyang sinabi.
Sa kabila ng pagpapakumbaba ni Kim at paghingi pa ng paumanhin, hindi pa rin tinatantanan ng bashers ang aktres.
Ginawan ng memes at quote cards ang kanyang video, at kung anu-ano pang katatawanan.
Pero meron din namang ginawang palabiro lang at hindi masakit ang dating.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
