70-11-2-1!
Ito ang naging resulta ng botohan sa Kongreso ngayong Biyernes, July 10, tungkol sa ABS-CBN franchise.
Malaki ang lamang ng “Yes” votes sa “No” votes.
Ibig sabihin nito, tuluyan nang ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang renewal application ng Kapamilya network ng kanilang prangkisa.
Ang “Yes” vote ay pabor na HINDI BIGYAN ng bagong prangkisa ang istasyon.
Ang “No” vote ay pabor na BIGYAN ng bagong prangkisa ang istasyon.
Ibig sabihin din nito, hindi na maipapadala sa plenaryo ng Kongreso ang mga panukalang batas tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
At dito na rin nagtatapos ang pagdinig ng Kongreso sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa.
Bukod sa 46 na miyembro ng committee on legislative franchises, bumoto rin ang ex-officio members nito, kabilang ang Speaker, Deputy Speakers, Majority Leader, Minority Leader, at mga pinuno ng lahat ng komite.
Eighty-five (85) lahat ang present sa botohan ngayong araw.
Ayon kay Legislative Franchises Committee chair Congressman Franz Alvarez, 44 lamang ang kailangan upang maibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN.
Ayon sa technical working group (TWG), na pinamumunuan ni Deputy Speaker Congressman Pablo John Garcia, ang resolusyong inihain nila ay para i-disapprove ang aplikasyon ng ABS-CBN.
Ito ang pinagbotohan, at ito ay nakakuha, hindi lamang ng 44 votes, kundi 70.
THE VOTES
Seventy (70) ang kabuuang numerong bumoto ng YES pabor sa hindi na pagbibigay ng bagong prangkisa sa broadcast giant.
Eleven (11) lamang ang nakuhang NO votes pabor sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.
May dalawang (2) nag-inhibit at isang (1) nag-abstain.
THE MARATHON HEARINGS
Inabot ng halos dalawang buwan ang hearing sa Kongreso para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Nagsimula ito noong May 25, 2020, o 20 araw matapos magsara ang network noong May 5, 2020.
Napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong May 4, 2020.
Nag-apply ang istasyon ng renewal para sa kanilang prangkisa noong 2014 sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ngunit inatras nila ito.
Muli silang nag-apply nitong 17th Congress ngunit inuupuan lamang diumano ito ng komite.
Nitong 18th Congress, lumakas ang panawagan ng mga empleyado, talents, at kawani ng ABS-CBN na talakayin na ang kanilang aplikasyon dahil mapapaso na ang kanilang prangkisa.
At ngayong araw, July 10, "laid on the table" na daw ang franchise application ng network.
Ibig sabihin, "killed" na ito sa Kongreso.
Nang umupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, ilang beses niyang sinabing haharangin niya ang anumang panukalang magbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN.
Sa desisyon ng Kongreso na tuluyan nang ibasura ang franchise application ng pinakamalaking broadcast station sa bansa, natupad ang kagustuhan ng Pangulo.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)