A Timeline: ABS-CBN Corporation Franchise Renewal 

by Jet Hitosis
May 6, 2020
ABS-CBN went off the air at exactly 7:52 on the evening of May 5, 2020, a day after the expiration of its 25-year broadcast franchise on May 4.
PHOTO/S: Jerome Ascano

May 4, 2020.

Opisyal na nawalan ng bisa ang 25-taong legislative franchise ng ABS-CBN Corporation.

Labing-isang panukala para bigyan ang kumpanya ng panibagong prangkisa ang inihain sa Kamara sa nakalipas na isang taon.

Pero walang isa man sa 11 panukala ang natalakay sa 18th Congress para magtuluy-tuloy ang operasyon ng 66-anyos na network.

Kinabukasan, May 5, naglabas ng cease-and-desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa broadcasting giant.

Eksaktong 7:52 ng gabi nang araw ding iyon, namaalam sa ere ang ABS-CBN.

Tigil-operasyon na ang lahat ng television at radio stations na nasasaklawan ng napasong prangkisa.

Dahil dito, mawawalan ng trabaho ang mahigit 11,000 empleyado ng kumpanya.

THE ABS-CBN FRANCHISE

Sa nakalipas na 66 taon ng ABS-CBN, ito ang unang beses na nagkaproblema sa prangkisa ang pinakamalaki at pinakamatatag na media conglomerate sa bansa.

Sa harap ng malawakang tigil-operasyon, tinunton ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kasaysayan ng ABS-CBN—kabilang na ang mga hamon at tagumpay—na humubog sa tinatawag natin ngayong Kapamilya network.

Continue reading below ↓

1950s: MERGING ABS WITH CBN

June 1950. Sa bisa ng Republic Act (RA) No. 511, nabigyan ng temporary permit upang mag-operate ng TV station sa Pilipinas ang Bolinao Electronics Corporation (BEC).

Ang permit na ibinigay ng RA No. 511 “shall continue in force during the time that the Government has not established similar service,” o habang hindi pa nakakapagtayo ng iba pang TV station sa Pilipinas.

Ang BEC ay pag-aari ng American engineer at tinaguriang Father of Philippine Television na si James Lindenberg.

Taong 1953 nang naging Alto Broadcasting System (ABS) ang BEC.

Pinalitan ang pangalan ng BEC matapos itong bilhin ni Tony Quirino, kapatid ni Elpidio Quirino, ang Pangulo noon.

Ang Alto ay kumbinasyon ng dalawang unang letra ng mga pangalan ni Tony at ng asawa niyang si Aleli Quirino.

October 23, 1953 unang umere ang ABS. Ito ang naging kauna-unahang TV broadcast sa Pilipinas.

Napanood doon ang party sa bahay ni Tony Quirino sa San Juan City, ayon sa company history na mababasa sa abs-cbn.com.

Continue reading below ↓

Pagsapit ng 1957, ang ABS ay binili ni Eugenio "Don Eugenio" Lopez Sr., na nagmamay-ari rin ng Chronicle Broadcasting Network (CBN).

Kasunod nito, pinagsama ni Don Eugenio ang dalawang kumpanya at naging ABS-CBN.

1969: THE FIRST ABS-CBN FRANCHISE

June 1969 nang pagtibayin ng Kongreso ang RA 5730, na nag-amyenda sa RA 511.

Continue reading below ↓

Ang RA 5730 ay “An Act amending the title and certain sections of Republic Act numbered five hundred eleven.”

Sa pagkakataong ito, binigyan na ng broadcasting franchise ang bagong tatag na ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Ang prangkisa ay prebilehiyo na ibinibigay ng Kongreso sa mga broadcasting company para makapagsawa ng “certain type of telecommunications service.”

Ayon sa Presidential Decree 576-A (Regulating the Ownership and Operation of Radio and Television Stations), kailangang may regulasyon sa mga broadcasting firms dahil sa “limited number of frequencies available for broadcasting” ng bansa.

Sa parehong taon ng 1969, naisakatuparan ng ABS-CBN ang kauna-unahang color TV broadcast sa bansa.

Nakapag-live satellite telecast na rin ito mula sa Amerika.

1972: MARTIAL LAW SHUTS DOWN ABS-CBN

September 21, 1972 nang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar sa buong bansa.

Sa bisa ng martial law, inangkin ng gobyerno ang kontrol sa lahat ng media companies.

Kabilang sa mga ipinasara ang ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Nag-take over sa network ang crony ni Marcos na si Roberto Benedicto.

Binigyan ng bagong pangalan ang ABS-CBN, at naging Banahaw Broadcasting Corporation o BBC.

Kalaunan, BBC din ang nag-operate sa dalawa pang TV stations ng ABS-CBN sa Cebu at Bacolod.

Bukod dito, maraming indibiduwal ang ilegal na pinagdadampot noong martial law. Kabilang sa mga inaresto noong 1972 si Eugenio “Geny” Lopez Jr., na noon ay presidente ng ABS-CBN. Kasama ring inaresto si Serge Osmeña III.

Si Geny Lopez ay anak ni Don Eugenio.

Si Serge ay anak naman ni Senator Sergio Osmeña, Jr., na matinding karibal sa pulitika ni Marcos.

Ayon sa isang artikulo ng New York Times, pinagbintangan sina Geny at Serge ng pagpaplano umanong ipapatay si Marcos.

Taong 1977 nang nakatakas sina Geny at Serge matapos ng limang taong pagkakapiit sa Fort Bonifacio.

Nagawa nilang makalabas ng bansa, at kapwa nag-self-exile sa Amerika sa sumunod na mga taon.

Continue reading below ↓

Naisapelikula ang pagtakas nina Geny at Serge sa Eskapo (1995), na pinagbidahan nina Christopher de Leon bilang Geny at Richard Gomez bilang Serge.

1986: THE RISE OF “THE STAR NETWORK”

Nangyari ang EDSA People Power Revolution noong February 25, 1986, at ito ang nagpatalsik sa puwesto kay Marcos.

Kasunod nito, sa ilalim ng liderato ni Pangulong Corazon Aquino, naibalik sa mga Lopez ang kontrol ng ABS-CBN.

Gayunman, September 16 ng parehong taon lang muling nakapag-broadcast ang network.

Pagkatapos nang halos 14 years, nagsimula uli sa wala ang network, at kinailangan nito ng ilang buwan para makabangon.

Pagsapit ng March 1987, nagkaroon ng rebranding ang ABS-CBN bilang "The Star Network."

Makalipas lang ng ilang buwan, muli itong namayagpag sa larangan ng pagbabalita at entertainment sa telebisyon.

1990s: ABS-CBN BEGINS TO DIVERSIFY

Sa pagsisimula ng bagong dekada, kinikilala nang pioneer sa satellite broadcasting ang ABS-CBN.

Nagsimula na rin ito ng international broadcast—ang kauna-unahan sa buong Asya.

Continue reading below ↓

Taong 1991, sumabak ang network sa talent management nang itatag nito ang The Talent Center, na ngayon ay Star Magic.

Nang mga panahong iyon, aktibo na rin ang public-service arm ng kumpanya, ang ABS-CBN Foundation, Inc., na binuksan noong 1989.

Sa dekadang ito rin inilunsad ang cable at satellite TV services ng kumpanya, ang Sky Cable (1990); ang film production outfit ng ABS-CBN na Star Cinema (1993); at ang global subscription network nitong The Filipino Channel o TFC (1994).

Binuksan din ang record label ng ABS-CBN na Star Records (1995), na Star Music na ngayon.

Taong 1996 naman nang inilunsad ang Sarimanok News Network, na ABS-CBN News Channel o ANC na ngayon.

1995: THE 25-YEAR FRANCHISE

March 30, 1995 nang pirmahan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang RA 7966 na nagbigay ng 25-year franchise sa ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Taong 2010 nang alisin ng kumpanya ang salitang “Broadcasting” sa corporate name nito.

Continue reading below ↓

Dala ito ng mga pagbabago sa teknolohiya sa larangan ng media, na hindi na lang limitado sa broadcasting.

Ang prangkisang ito ang nag-expire nitong Lunes, May 4, 2020.

2000s: LARGEST MEDIA CONGLOMERATE

Nagtuluy-tuloy ang pagpapalawak ng ABS-CBN Corporation sa mga serbisyo nito.

Inilunsad ng kumpanya ang sarili nitong international unit, ang ABS-CBN Global, noong 2002.

Nagbukas din ang network ng mga bagong channels—na pawang una sa Pilipinas.

Ang mga ito ay ang music video channel na Myx (2000), ang kumbinasyon ng radyo at telebisyon na DZMM Teleradyo (2007), at ang archive channel na Jeepney TV (2012).

Bago nangyari ang online shopping, ang home TV shopping ay na-introduce sa ABS-CBN bilang O Shopping (2013).

Nang sumunod na taon, 2014, binuksan naman ang all-sports features channel na ABS-CBN Sports + Action.

Sa pamamagitan ng telecommunications arm ng kumpanya na ABS-CBN Convergence, Inc. (2011), inilunsad ang ABS-CBN Mobile (2013) at ang digital TV service ng network na ABS-CBN TV Plus (2015).

Continue reading below ↓

Taong 2016 nang sinimulang ialok sa ABS-CBN TV Plus ang pay-per-view na Kapamilya Box Office o KBO Channel.

November 2018 naman nang nagsilbing online streaming app ng kumpanya ang iWant, na dating iWant TV (2010).

SEPTEMBER 11, 2014: FRANCHISE RENEWAL BILL

Inihain ni Isabela 4th District Representative Giorgidi Aggabao ang House Bill (HB) 4997 sa 16th Congress.

Ito ang unang panukala na humiling ng panibagong prangkisa para sa ABS-CBN.

Gayunman, ayon sa report ng Manila Times, binawi umano ng ABS-CBN ang aplikasyon ng panukala dahil sa “time constraints.”

Pinili raw ng network na sa 17th Congress na lang mag-reapply para sa bagong prangkisa, ayon pa rin sa report.

NOVEMBER 10, 2016: ANOTHER TRY FOR FRANCHISE RENEWAL

Mahigit tatlong taon bago pa mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN sa 2020, inihain ni Nueva Ecija Representative Micaela Violago ang HB 4349 sa 17th Congress.

Gaya ng inihain ni Aggabao, ang panukala ay para sa panibagong 25-taong broadcasting franchise ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

MARCH 30, 2017: PRESIDENT DUTERTE LASHES OUT AT ABS-CBN, INQUIRER

Sa oath-taking ceremonies ng mga bagong opisyal ng gobyerno na ginawa sa Malacañang noong March 30, 2017, pinagmumura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang broadsheet na Philippine Daily Inquirer at ang ABS-CBN network.

Reklamo ng Presidente, hindi raw patas ang pagbabalita ng dalawang media organizations tungkol sa kanya.

Tinawag din niyang “oligarchs and elites” ang mga may-ari ng dalawang kumpanya: ang mga Prieto sa Inquirer, at ang mga Lopez sa ABS-CBN.

Quoted ang Presidente ng media reports: “But someday – hindi ko tinatakot – but someday, yung karma, dadating 'yan.”

APRIL 27, 2017: DUTERTE THREATENS TO BLOCK ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL

Sa ambush interview ng Malacañang press noong April 27, 2017, nagbanta si Pangulong Duterte na haharangin nito ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Hindi raw kasi ipinalabas ng network ang kanyang presidential campaign ads noong 2016, kahit pa bayad na ang mga ito.

Continue reading below ↓

Nagbanta rin siyang maghahain ng pormal na reklamo sa Kamara kaugnay ng tinawag niyang panggagantso sa kanya ng network.

Nang mga panahong ito, hindi pa natatalakay ng House Committee on Legislative Franchises ang panukalang batas ni Violago.

MAY 19, 2017: DUTERTE says he will FILE MULTIPLE ESTAFA CHARGES AGAINST ABS-CBN

May 19, 2017, sa isang event sa Davao City, muling pinaulanan ng mura ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Partikular na minura ng Presidente si ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III dahil pa rin sa hindi paglabas ng kanyang campaign ads noong 2016.

Si Gabby ay anak ni Geny Lopez Jr.

Sa pagkakataong ito, nagbanta ang Pangulo na maghahain siya ng multiple syndicated estafa charges laban sa network.

Hindi rin daw kasi isinauli ng kumpanya ang mahigit PHP2 million na ibinayad niya para sa kanyang political ads na hindi umere.

AUGUST 3, 2018: PRESIDENT REPEATS THREAT AGAINST FRANCHISE RENEWAL

Sa pagbubukas ng isang drug rehabilitation facility sa Bukidnon noong August 3, 2018, sa ikalawang pagkakataon ay nagbanta si Pangulong Duterte na pipigilan niya ang pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.

JULY 1, 2019: PENDING FRANCHISE BILL LAPSES

Tuluyan nang nag-lapse ang House Bill 4349 ni Congresswoman Violago nang mag-adjourn ang 17th Congress noong July 1, 2019.

Sa pagbubukas ng 18th Congress ng July 24, kaagad na ni-refile ni Violago ang parehong panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Sa bagong 18th Congress, naging HB 676 ang bilang nito.

AUGUST-SEPTEMBER 2019: MORE FRANCHISE RENEWAL BILLS FILED

Sunud-sunod ang paghain sa Kamara ng mga panukalang magkakaloob ng panibagong legislative franchise sa ABS-CBN.

Kabilang sa mga ito ang House Bill 3521 ni House Deputy Speaker Rose Marie Arenas ng Pangasinan, na na-file noong August 13, 2019; at ang HB 3713 ni Parañaque City Representative Joy Myra Tambunting noong August 14, 2019.

Isinumite rin sa Kamara ang HB 3947 ni Laguna Representative Sol Aragones (August 27, 2019), at ang HB 4305 ni Batangas Representative Vilma Santos-Recto (September 9, 2019).

August 28, 2019 naman nang ihain nina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senator Leila de Lima ang kaisa-isang franchise renewal bill sa Senado.

Ito ang Senate Bill No. 981.

OCTOBER 29, 2019: HOUSE SPEAKER ANNOUNCES DELIBERATION FOR FRANCHISE BILLS

October 29, 2019, inihayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magsasagawa na ang Kamara ng deliberasyon sa franchise renewal bills ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Pero hindi nagtakda ng petsa ang House leader.

Noong mga panahong ito, limang panukala na para sa prangkisa ng broadcasting giant ang nakabimbin sa Mababang Kapulungan, habang isa naman sa Senado.

DECEMBER 3, 2019: DUTERTE REITERATES HIS THREAT A THIRD TIME

Noong December 3, 2019, sa ikatlong pagkakataon, hayagang sinabi ni Pangulong Duterte na mabibigo ang ABS-CBN sa inaasam nitong panibagong prangkisa.

Ayon sa media reports ay sinabi ng Presidente na hindi niya ito pahihintulutan.

“If you expect that [the franchise] will be renewed, I’m sorry. I will see to it that you’re out,” sabi ng Pangulo.

DECEMBER 4, 2019: CAYETANO SAYS HOUSE WILL DELIBERATe IN 2020

Isang araw matapos ang ikatlong pagbabanta ng Presidente laban sa ABS-CBN, sinabi ni Cayetano noong December 4 na hindi na tatalakayin ng Kamara ang franchise renewal bills ng ABS-CBN hanggang sa matapos ang 2019.

Aniya, may “more than enough time” para busisiin at ipasa ang mga panukala sa susunod na taong 2020.

Continue reading below ↓

DECEMBER 30, 2019: JUST SELL ABS-CBN

Sa speech ni Pangulong Duterte sa Cotabato noong December 30, 2019, binanggit nito na dahil walang kasiguruhan ma-renew ang legislative franchise ng ABS-CBN, mas makabubuting ipagbili na lang ang network.

Ayon sa quote ng media reports sa Presidente: “Itong ABS, mag-expire ang contract ninyo.

“Magrenew kayo, ewan ko lang kung may mangyari diyan. Kung ako sa inyo, ipagbili n'yo na iyan.”

JANUARY 2, 2020: A PROMISE TO DELIBERATE ON FRANCHISE RENEWAL BILLS

January 2, 2020, tiniyak ni House Committee on Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez na tatalakayin ng kanyang komite ang mga nakabimbing panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Si Alvarez ay kongresista mula sa Palawan.

Sa mga panahong ito, may tatlo pang ABS-CBN franchise renewal House bills ang nadagdag.

Naghain ng bagong panukala ang isang grupo ng mga kongresista: sina Aurelio Gonzales Jr. ng Pampanga, Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, at Doy Leachon ng Oriental Mindoro.

Continue reading below ↓

Naghain din ng kaparehong panukala ang representatives ng Muntinlupa City, si Rufus Rodriguez, at ng Occidental Mindoro, si Josephine Sato.

JANUARY-FEBRUARY 2020: SOLONS FILE ONE RESOLUTION, TWO MORE BILLS

Pagsapit ng January 20, 2020, 11 kongresista ang naghain naman ng House Resolution 639.

Hiniling ng resolusyon sa House Committee on Legislative Franchises “to report without further delay, for plenary action, a consolidated version” ng walong nakabimbing franchise renewal bills ng ABS-CBN.

Ang resolution ay inakda nina Albay Representative Edcel Lagman, Quezon City Representative Jose Christopher Belmonte, Capiz Representative Emmanuel Billones, ACT-Teachers Party-list Representative France Castro, Gabriela Representative Arlene Brosas, at Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite.

Nakasuporta rin sa resolusyon ang mga nauna nang naghain ng franchise renewal bills na sina Violago, Tambunting, at Pimentel.

February 3, 2020 nang i-file ng Makabayan solons ang pangsampung franchise renewal bill.

Ang mga kongresistang nag-sponsor ay sina Brosas, Castro, Cullamat, Gaite, Zarate, at Sarah Jane Elago ng Kabataan Party-list.

Continue reading below ↓

Makalipas ang dalawang araw, February 5, inihain ang ika-11 panukala para sa prangkisa ng ABS-CBN, na ang may-akda ay si Baguio City Congressman Mark Go.

FEBRUARY 10, 2020: QUO WARRANTO PETITION

Umaga ng February 10, naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition sa Korte Suprema upang kanselahin ang mapapaso nang prangkisa ng ABS-CBN.

Pinangunahan ni Solicitor General Jose Calida ang pagkuwestiyon sa prangkisa ng Kapamilya network.

Continue reading below ↓

Hiling ng reklamo ng OSG—na tumatayong abogado ng gobyerno—na bawian ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation at ang telecommunications arm nito na ABS-CBN Convergence Inc.

Ang ABS-CBN Convergence Inc. ang nangangasiwa sa digital TV service ng kumpanya, ang ABS-CBN TV Plus.

Giit ng OSG, nag-aalok ang TV Plus ng pay-per-view sa KBO Channel nito nang walang permiso mula sa NTC.

Inakusahan pa ng OSG ang network ng “allowing foreign investors to take part in the ownership of Philippine mass media entity.”

Bukod pa ito sa pag-iisyu umano ng network ng “Philippine Deposit Receipts (PDRs) through ABS-CBN Holdings Corporation to foreigners.”

Ayon pa sa OSG, sangkot ang ABS-CBN Convergence sa “corporate layering scheme in order to transfer in franchise without the necessary Congressional approval.”

Sa isang official statement, mariing itinanggi ng ABS-CBN ang mga alegasyon ng OSG, at nanindigang walang nilalabag na batas ang network.

FEBRUARY 11, 2020: SC ORDERS ABS-CBN TO ANSWER QUO WARRANTO

Kinabukasan, February 11, inatasan ng Supreme Court (SC) ang ABS-CBN na sagutin ang quo warranto petition ng OSG sa loob ng 10 araw.

Continue reading below ↓

FEBRUARY 17, 2020: SENATE PANEL SETS FRANCHISE RENEWAL HEARING

Itinakda ng Senado para February 27 ang pagtalakay sa nag-iisang ABS-CBN franchise renewal bill sa Mataas na Kapulungan.

Ito ang Senate Bill No. 981 nina Senators Recto at de Lima.

Ang pagdinig ay gagawin ng Senate Committee on Public Services ni Senator Grace Poe.

Sa parehong araw ng February 17, inihain ni Senator Drilon ang Senate Joint Resolution No. 11.

Target nitong himukin ang Kamara na lumikha ng counterpart resolution na magpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa December 31, 2022.

Nang araw ding iyon, inihain ni Cebu City Representative Raul del Mar ang House Joint Resolution No. 28, na mag-e-extend naman sa franchise hanggang June 2022.

FEBRUARY 18, 2020: OSG PLEAS FOR A GAG ORDER

Kinabukasan, February 18, hiniling ng OSG sa Supreme Court na magpalabas ng gag order kaugnay ng inihain nitong quo warranto petition.

Inakusahan ni Solicitor General Calida ang network ng paglulunsad ng “propaganda in a clear attempt to elicit public sympathy, sway public opinion, and, ultimately, to influence the resolution of the case.”

Continue reading below ↓

Inatasan naman ng Supreme Court ang ABS-CBN na magkomento sa gag order plea ng OSG sa loob ng limang araw.

FEBRUARY 19, 2020: SENATE PANEL SETS HEARING TO AN EARLIER DATE

Nang sumunod na araw, inanunsiyo ni Senator Poe na sa halip na February 27, isasagawa na ng Senado ang franchise renewal hearing nang mas maaga.

Itinakda ito ng February 24.

Ang pagdinig ay pangungunahan ng komite ni Poe, ang Senate Committee on Public Services.

FEBRUARY 24, 2020: SENATE TACKLES FRANCHISE RENEWAL

Sa Senate hearing, sinabi ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na ang Kongreso ang dapat mag-atas sa NTC na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN upang maiwasan ang pagtigil ng operasyon.

Batay sa “considerations of equity,” o kailangang patas ang usapin, sinabi ng Justice Secretary na marami nang networks sa bansa ang pinayagang mag-operate kahit napaso na ang prangkisa ng mga ito.

Ang mahalaga, ayon kay Guevarra, ay naihain na sa Kongreso ang panukala para sa panibagong prangkisa bago ito tuluyang nag-expire.

Continue reading below ↓

Sa sinabing ito ng DOJ Chief, nanawagan si NTC Commissioner Atty. Gamaliel Cordoba sa Kongreso na magpasa ng joint resolution.

Dumalo rin si Cordoba sa pagdinig ng Senado.

Tiniyak ng commissioner na bukas ang NTC na payagang makapag-operate ang ABS-CBN.

Quote ni Cordoba: “We can, we can let ABS-CBN continue to broadcast. Based on equity ay puwede naman po."

CLEARED BY BIR, SEC

Imbitado rin sa Senate hearing ang mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC).

Dumalo ang dalawang ahensiya ng gobyerno upang bigyang-linaw ang tax issues na ikinakabit sa ABS-CBN, at ang usapin sa Philippine Deposit Receipts (PDRs) na binanggit sa quo warranto petition.

Ayon kay Simplicio Cabantac Jr., head ng Large Tax Payers Audit Division 3 ng BIR, ang ABS-CBN ay “regularly filing and paying their taxes for the past number of years.”

Sinabi naman ni SEC Commissioner Ephyro Luis Amatong na ang komisyon ay “not aware of any violation or any ongoing complaint or investigation involving ABS-CBN” kaugnay ng PDRs.

Continue reading below ↓

ABS-CBN TOP EXEC APOLOGIZES TO DUTERTE

Sa parehong pagdinig sa Senado, inamin ni ABS-CBN President and Chief Executive Officer (CEO) Carlo Katigbak na hindi nailabas ng network ang campaign ads ni Pangulong Duterte noong 2016 na may halagang PHP7 million.

Paliwanag ni Katigbak, may limitasyon ang pagtanggap ng network ng local ads, na may polisiyang first-come-first-served basis.

Continue reading below ↓

Late na raw nakapag-place ng local ads si Pangulong Duterte, kaya hindi naiere ang lahat ng binayaran nito.

Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Katigbak sa Presidente.

FEBRUARY 26, 2020: DUTERTE ACCEPTS ABS-CBN PRESIDENT’S APOLOGY

Makalipas ang dalawang araw, February 26, tinanggap ni Pangulong Duterte ang apology ni ABS-CBN President-CEO Katigbak.

May suggestion din ang Presidente tungkol sa PHP2.6 million na ibinayad niya sa campaign ads na hindi umere, na pilit na isinasauli ng network.

“Ibigay na lang nila sa any charitable institution of their choice,” anang Pangulo.

Continue reading below ↓

HOUSE ASKS NTC TO ISSUE PROVISIONAL AUTHORITY

Sa parehong araw, February 26, pormal na lumiham sa NTC sina House Speaker Cayetano at Congressman Alvarez, chairman ng House Committee on Legislative Franchises.

Hinimok nila ang NTC na maglabas ng provisional authority para sa ABS-CBN.

Ito ay batay sa napagkasunduan ng mga senador at ni NTC Commissioner Cordoba sa Senate hearing tungkol sa franchise renewal.

MARCH 4, 2020: SENATE ADOPTS RESOLUTION FOR PROVISIONAL AUTHORITY

Noong March 4, nagpasa ang Senado ng resolusyon “expressing the sense of the Senate” na payagang magpatuloy ang broadcast operation ng ABS-CBN pagkatapos ng May 4.

Magiging basehan ng NTC ang Senate resolution na ito, pati na ang liham mula sa House leaders, upang magpalabas ng provisional authority na kinakailangan ng ABS-CBN.

Ang resolusyon ay pirmado nina Senators Recto, Poe, Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, Lito Lapid, at Manny Pacquiao.

MARCH 10: HOUSE HOLDS FIRST ABS-CBN FRANCHISE HEARING

March 10, 2020, o isang araw bago ang Lenten break ng Kongreso ng March 11, idinaos ng House Committee on Legislative Franchises ang kauna-unahan franchise renewal hearing sa Kamara.

Continue reading below ↓

Sa pangunguna ng committee chairman na si Congressman Alvarez, itinakda ang mga ground rules sa gagawing mga pagdinig.

Gayunman, hindi nagtakda ng petsa ang Kamara ng susunod na proceeding.

Sa May 4 na kasi ang susunod na sesyon ng mga kongresista.

MAY 3: SOLGEN WARNS NTC VS PROVISIONAL AUTHORITY

Noong May 3, 2020, isang araw bago mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN, nagbabala ang OSG sa NTC.

Continue reading below ↓

Posible raw makasuhan ng graft ang mga opisyal ng NTC kung itutuloy nito ang pagbibigay ng provisional authority sa network, base sa utos ng Kamara at Senado.

MAY 4: DOJ CHIEF CONTRADICTS SOLICITOR GENERAL

Kinabukasan, May 4, kinontra ni Justice Secretary Guevarra ang babala ni Calida.

Nanindigan ang DOJ Chief na pupuwede pa ring mag-operate ang ABS-CBN habang hindi pa nadedesisyunan ng Kongreso ang franchise renewal nito.

Muling iginiit ng kalihim ang opinyon niya batay sa mga nakalipas na sitwasyon, kung saan pinayagang umere ang ilang network na may expired franchise.

MAY 5: NTC SHUTS DOWN ABS-CBN’S TV AND RADIO STATIONS

Mag-aalas singko ng hapon ng May 5, sa halip na ibigay ang ipinangakong provisional authority, cease-and-desist order ang inabot ng NTC sa ABS-CBN.

Dismayado ang ilang mambabatas na pinangakuan ng NTC na papayagang magpatuloy ang operasyon ng network.

Ganito rin ang sentimyento ng ABS-CBN.

Binigyang diin ng ABS-CBN na nakumpirma sa Senate hearing na karapat-dapat ang network mabigyan ng provisional permit.

Continue reading below ↓

Gayunman, tumalima pa rin ang media company sa utos ng NTC.

Eksaktong 7:52 ng gabi ng May 5, 2020, nagtigil-operasyon ang lahat ng TV at radio stations ng ABS-CBN.

WHERE TO ACCESS ABS-CBN CONTENT?

Ang ABS-CBN ang pinakamalaking free-to-air TV broadcast station sa Pilipinas.

Bukod sa flagship na Channel 2, mayroon itong 41 pang TV stations.

Continue reading below ↓

Mayroong 23 radio stations din ang network, kabilang ang DZMM sa AM band at MOR 101.9 sa FM.

Tigil-operasyon ang lahat ng ito.

Gayunman, maraming iba pang platforms ang ABS-CBN na mapaglalabasan pa rin ng news, entertainment, at sports contents nito.

Patuloy na maghahatid ang network ng balita at impormasyon online sa pamamagitan ng website nitong news.abs-cbn.com.

Magbo-broadcast pa rin ang ABS-CBN News Channel.

Hindi saklaw ng cease-and-desist order ang mga cable news channel, tulad ng ANC.

Regular din ang news update sa mga social media accounts ng ABS-CBN sa Facebook, Twitter, at Instagram.

Sa larangan ng entertainment at sports, nariyan pa rin ang website ng network na abs-cbn.com, gayundin ang YouTube channel at mga social media accounts ng ABS-CBN.

Ayon sa ABS-CBN, mapapanood din sa video streaming service app nilang iWant ang marami sa popular shows ng network.

Kabilang sa mga ito ang FPJ's Ang Probinsyano, Maalaala Mo Kaya, TV Patrol, at Bandila.

Continue reading below ↓

Tuluy-tuloy rin ang operasyon ng film-production arm ng network, ang Star Cinema, at ang recording label nitong Star Music.

Ang mga nabanggit ay hindi saklaw ng wala-na-ngayong-bisang broadcasting franchise ng ABS-CBN.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
ABS-CBN went off the air at exactly 7:52 on the evening of May 5, 2020, a day after the expiration of its 25-year broadcast franchise on May 4.
PHOTO/S: Jerome Ascano
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results