“Joyful tears" ang iniyak ng artist-activist na si Mae “Juana Change” Paner nang magbahagi siya ng personal niyang karanasan sa aktor na si John Lloyd Cruz.
Binalikan ni Mae kung paano niya inimbitahan si John Lloyd upang makasama sa ikalawang version ng pagsasadula sa Pilipino ng The Great Dictator speech.
Ang The Great Dictator ay isang 1941 American film na obra ng British actor-filmmaker na si Charlie Chaplin at nagsilbing parody ng German dictator na si Adolf Hitler.
Halos 40 celebrities, artists, senators, filmmakers, at media practitioners ang nakibahagi sa video, na pinangunahan ni John Lloyd.
Isinalin ang The Great Dictator speech sa wikang Pilipino ni Rody Vera, isang writer, theater actor and director, TV and movie player, at activist.
Si Chuck Gutierrez naman ang nagsilbing director, habang si Mae ang producer.
Ang talumpati ang nakapagsuma sa sigaw ng mga Pilipinong nagpoprotesta sa Anti-Terrorism Bill—na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 3, 2020.
Inilathala rin ito noong July 3. Matapos ng 15 araw mula pagkalathala, o sa July 18, ito ay magiging batas.
Ang lumabas na video ng The Great Dictator speech noong July 6, 2020 ay pangalawang version na ng talumpati.
Ang unang version, na pinangunahan ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro, ay inilabas noong June 15, 2020.
Si John Lloyd ang unang makikitang nagi-speech sa second version ng video.
MAE’S INVITATION TO JOHN LLOYD
Sa Facebook post ni Mae noong hapon ng July 6, na pinamagatang “My Personal Encounter with John Lloyd Cruz,” nagkuwento ito kung paano niya inimbitahan si John Lloyd na maging bahagi ng talumpati.
Ayon kay Mae, “top of mind choice” niya talaga si John Lloyd na isama sa proyekto, subalit maraming tanong ang pumasok sa kanyang isip.
Sabi niya (published as is): “Top of mind choice ko si John Lloyd Cruz na sumama sa version 2 ng Chaplin video. Will this political project be worth his time? Matatakot ba siya? Kapal ko ba for dreaming this big? Ano ba ang peligrong pwede niyang kalagyan sa aking imbitasyon?”
Hindi naging hadlang ang mga katanungang ito para subukan ni Mae na tanungin si John Lloyd kung maaari siyang sumali sa talumpati.
Subalit si Mae na rin mismo ang nagsabing hindi naging madali ang pag-imbita sa pamosong aktor.
“Pero sabi ko nga, how will I know unless I try. And try I did! Hindi easy dahil naging maingat si JL. Ilang linggo ang binilang ko para makuha ang sagot niya.
“Alam kong hindi Ito madali. Lalo na sa isang John Lloyd Cruz. Panay ang inhale at exhale ko. Patience is a virtue.”
INVITING OTHER ACTORS
Ibinahagi rin ni Mae ang kanyang karanasan nang subukan niyang imbitahan ang iba pang celebrities para makibahagi sa video.
Karamihan sa kanila ay tumanggi, at nirespeto naman ni Mae ang kanilang desisyon.
Saad niya, “I remember asking actors before at nasabi na ata nila lahat ng excuse possible: kailangan ko muna magtanong sa manager ko, ayaw ng network, bawal sa mga endorsements ko ang pagsali sa politika, hindi kaya ng schedule ko, sinu-sino ba kasama dyan, gagawa din ako pero siguro sa next na lang ako, mahirap na dahil maraming umaasa sa akin bilang breadwinner ng pamilya, afraid ako sa resbak ng gobyerno, i’d rather be neutral, ayokong ma-identify dyan, at nakakatakot.
"At ang winner sa lahat yung: mag-aaksaya lang kayo ng panahon, wala rin namang mangyayari! Toink! Pero respeto pa rin sa lahat nang kanilang mga pagtanggi.”
Subalit iba raw si John Lloyd.
Nang akala niyang papayag na si John Lloyd na sumali sa video, may isang bagay raw itong hiningi—ang kopya ng Anti-Terror Bill.
Ani Mae, “Every text alert from JL kinakabahan ako sa totoo lang. At nung akala ko finally o-OO na siya, hiningi niya ang copy ng Anti-Terror Bill! Napa WOW ako.
“Pwede daw ba niyang basahin muna? Ayaw daw mag-open nung government website at mas makakatulong siya sa kampanya kung mauunawaan niya ang ugat nito.
“Kandarapa ako sa pag send at re-send. At wait na naman ako. Inhale. Exhale. Patience is a virtue.”
“Whew! Sinamahan ko rin ito ng dasal sa Baclaran tutal madalas akong mag volunteer nuon doon.”
JOHN LLOYD’S VIDEO BRINGS MAE TO TEARS
Pagkatapos ng isang linggo ng pagte-text ni Mae kay John Lloyd, nagsend na ito sa kanya ng video.
Tumulo raw ang luha ni Mae matapos niyang mapanuod ang sinend ni John Lloyd.
“After about a week of gentle reminders, he sent me what you now see on the video. Tumulo luha ko! Hindi dahil matagal akong naghintay at finally nasa kamay ko na ang video ng isang John Lloyd Cruz kundi dahil ang ganda ng pagkadeliver ni John Lloyd!
“Aktor na tumawid mula sa pelikulang kadalasan ay pang entertain tungo sa katotohanang pinagdaraanan ng ating lipunan.”
Sa video ay makikita na naglagay si John Lloyd ng fake moustache, isang trademark ni Hitler, na siyang main character na ginampanan ni Charlie Chaplin sa 1941 satirical film.
Nang lumabas ang video ilang oras bago ang Facebook post ni Mae, nagtext daw siya kay John Lloyd upang alamin kung ano ang naramdaman nito nang mapanuod ang kabuuan ng talumpati.
Ibinahagi rin ni Mae kung ano ang naging sagot ng aktor.
“Kanina, nung lumabas na ang video, kinamusta ko ang kanyang pakiramdam pagkatapos makita ang kabuuan. Ito ang sagot niya sa akin:
“‘Naramdaman ko na ang tunay na halaga ng paglaban ay nasa mismong akto nang paglaban at wala sa pagwawagi. Pinirmahan na ni presidente ang bill. Pero hindi ko naramdamang natalo ako.’
“Lumalim pang lalo ang respeto at pagmamahal ko kay JOHN LLOYD CRUZ! At muli, wet na wet ang cheeks ko ng joyful tears!
“Salamat! Salamat! Salamat!
“Artista ng bayan, ngayon ay lumaLOVEan!
“#JunkTerrorLaw
“#united4democracy”
THE ANTI-TERROR LAW
Noong panukala pa lang ang Anti-Terror Bill ay marami nang umalma dahil sa paspasang pag-apruba rito ng Kongreso noong Hunyo.
Nauna nang naaprubahan ang Anti-Terrorism Bill sa Senado noong Pebrero.
Magkasunod na pinirmahan nina Senate President Vicente "Tito" Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano ang pinag-isang bill ng Senado at Kongreso noong Hunyo 8.
Aamiyendahan ng Anti-Terrorism Law ang Human Security Act of 2007, na makapagpapatupad ng mas istriktong polisiya kontra terorismo.
Sa tingin ng mga kritiko ng bill, pinaspasan ang pagsasabatas nito sa panahong nakatuon ang pansin ng taumbayan sa COVID-19, na isyu ng national health at national unemployment, at sa nangyaring ABS-CBN shutdown, na isyu ng press freedom.
Kahapon, July 10, dineny ng Lower House ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Nangangamba ang mga kontra sa Anti-Terrorism Bill na magagamit ang tinatawag nilang kuwestiyonableng mga probisiyon sa pagsikil sa malayang pag-iisip, ekspresyon, panunulat, at aksiyon.
Ito ay legal na pamamaraan nang pagpapatahimik at pagpaparusa sa mga kritiko ng gobyerno, sabi ng mga kritiko.
Ayon kay Antonio Carpio, dating Associate Justice ng Supreme Court, kapag nariyan na ang Anti-Terrorism Law, nariyan na rin ang martial law.
Quoted niya si Senate President Vicente Sotto III na nagmamalaking nagsabi sa media, "Hindi na kailangan ng martial law kapag napasa namin itong anti-terror bill.”
Komento ni Atty. Carpio, "I agree with Senator Sotto that under the Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA2020), martial law will be superfluous."
Ibig sabihin, martial law na sa bansa, pero hindi na kailangan pang ideklara.
Maraming ibang artistang nanawagan na ibasura ang Anti-Terrorism Bill, kabilang sina Janine Gutierrez, Nadine Lustre, Enchong Dee, Solenn Heussaff, Isabelle Daza, at Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
