Celebs make compelling video to say anti-terror bill is a form of dictatorship  

by Rachelle Siazon
Jul 6, 2020
John Lloyd Cruz, Janine Gutierrez, and director Joel Lamangan join a multi-sector protest against Anti-Terrorism Law via a stirring rendition of Charlie Chaplin's The Great Dictator speech.
PHOTO/S: Voyage Studios Facebook

"Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop—mga taong namumuhi sa inyo—umaalipin sa inyo—hawak ang inyong leeg—nag-uutos sa inyo–kung anong dapat isipin at damhin!"

Ito ang mga madamdaming kataga ni Direk Joel Lamangan sa isang video na lumabas ngayong Lunes, July 6—tatlong araw matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng Anti-Terror Bill noong Biyernes, July 3.

Hango ang talumpati sa 1941 American film na The Great Dictator, ang obra ng British actor-filmmaker na si Charlie Chaplin at nagsilbing parody ng German dictator na si Adolf Hitler.

Ang sikat na The Great Dictator speech ang nakapagsuma ng sigaw ng mga Pilipinong nagpoprotesta sa naipasang Anti-Terror Law.

Nagsama-sama sa pagtatalumpati nito ang filmmakers, artists, media practictioners, senators, celebrities at mga kinatawan ng iba't ibang sektor ng lipunan.

Isinalin ang The Great Dictator speech sa wikang Filipino ni Rody Vera, isang writer, theater actor and director, TV and movie player, at activist.

Idinirek naman ni Chuck Gutierrez ang halos six-minute video na ipinost sa Voyage Studios Facebook.

Continue reading below ↓

Nangunguna si John Lloyd Cruz sa mga kilalang artistang kasali sa protesta.

Naglagay siya ng fake moustache, isang trademark ni Hitler, na siyang main character na ginampanan ni Charlie Chaplin sa 1941 American satirical film.

"Kinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador. Hindi iyan ang gusto ko. Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino," bungad ni John Lloyd sa parody kay Hitler.

Kasama rin ang Kapuso actress na si Janine Gutierrez na nagsabing: "Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas."

Tinalakay sa talumpati ang kahalagahan ng makataong prinsipyo at kabutihang loob.

Sambid ni Lotlot de Leon: "Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat."

Hinihikayat ng mga lumahok sa video na magkaisa ang lahat at ipaglaban na ang tunay na kapangyarihan ay nasa bawat Pilipino.

Ika nga sa Preamble sa Philippine Constitution, "the sovereign Filipino people."

Sa huling bahagi ng The Great Dictator speech, sabi ni Kapuso actress Jasmine Curtis Smith: "Mga kababayan, sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!"

Continue reading below ↓

Inulit ang katagang "magkaisa tayo!" ng Kapamilya actresses na sina Iza Calzado at Agot Isidro, at ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro.

Kasali rin sa protesta ang mag-asawang Carlos Siguion-Reyna at Bibeth Orteza.

Gayundin sina Senator Risa Hontiveros at Senator Francis "Kiko" Pangilinan.

Kasama rin ang Rappler CEO at executive editor in chief na si Maria Ressa.

Kalakip ng video ay ang hashtags na “#JunkTerrorLaw” at “#UnitedForDemocracy.”

THE GREAT DICTATOR SPEECH

Narito ang kabuuan ng The Great Dictator Speech, na isinalin sa wikang Filipino ni Rody Vera, at halaw sa Voyage Studios Facebook, (published as is):

Kinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador.

Hindi iyan ang gusto ko.

Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino. Gusto kong tulungan ang bawa’t isa, kung kailangan. Gusto nating tulungan ang isa’t isa, pagka’t ganoon ang tao. Gusto nating mabuhay sa ligaya ng bawa’t isa, hindi sa pagdurusa ng iba.

Ayaw nating kapootan o kamuhian ang sinuman at may lugar ang daigdig para sa lahat, at sagana ang butihing mundo at kaya nitong maglaan para sa lahat.

Continue reading below ↓

Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas.

Kasakiman ang naglason sa kaluluwa ng mga tao, binakuran nito ng poot ang daigdig, at pinagmartsa tayo patungo sa pagdurusa’t pagdanak ng dugo.

Napabilis natin ang lahat, pero ikinulong natin ang mga sarili
Ang makinaryang nagdulot ng kasaganaa’y iniwan tayong laging nagangailangan.

Sa karunungan natin, wala na tayong pinaniniwalaan.
Sa katalinuhan natin, tayo’y naging walang-awa’t malupit .
Labis tayong mag-isip, na halos nawala na ang ating damdamin.
Higit sa makinarya, kailangan nati’y pagkatao.

Higit sa katalinuhan, kailangan natin ng kagandahang-loob at kabutihan.
Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat.

Pinaglapit na tayo ng teknolohiya. Ang mga imbensyong iya’y nananawagan sa kabaitan ng tao.

Nananawagan para sa pangdaigdigang kapatiran para sa pagkakaisa nating lahat.

Ngayon, maaari akong marinig ng milyong tao sa buong daigdig – milyong lalaki, babae, kabataang nawalan ng pag-asa, mga biktima ng sistemang umuudyok sa ilang hayop na pahirapan at ikulong ang mga inosente.

Continue reading below ↓

Sa lahat ng nakikinig sa akin, sinasabi ko – huwag kayong mawalan ng pag-asa.

Ang pagdurusang laganap ngayon ay dulot ng kasakiman – kapaitan ng ilang takót sa pag-unlad ng sangkatauhan.

Ang kapootan nila’y lilipas din, at papanaw ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao’y babalik sa mga tao.

Sa kabila ng kamatayan ng marami, hindi maglalaho ang kalayaan.

Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop – mga taong namumuhi sa inyo – umaalipin sa inyo – hawak ang inyong leeg – nag-uutos sa inyo – kung anong dapat isipin at damhin!

Silang nagsasanay sa inyo – nagpapakain sa inyo – turing sa inyo’y mga masunuring tupa, ay gagamitin lamang kayong bala sa kanyon.

Huwag kayong bumigay sa mga tiwaling ito – mga taong makina ang utak at puso. Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga hayop! Kayo’y mga tao!

Ang pag-ibig ng sangkatauhan ay nasa puso niyo! Hindi kayo sadyang mapoot. Silang walang nagmahal ang sadyang ganoon - silang hindi minahal at mga tiwali.

Continue reading below ↓

Mga kababayan! Huwag niyong ipaglaban ang pagkaalipin Ipaglaban niyo ang kalayaan!

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihan – Kapangyarihang lumikha ng kaligayahan!

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang buhay.

Sa ngalan ng demokrasya – gamitin natin ang kapangyarihang iyan – magkaisa tayo.

Ipaglaban natin ang isang bagong daigdig – isang mundong mapitagan na magbibigay ng pagkakataong magtrabaho ang mga tao – na magbibigay ng kinabukasan sa kabataan, at kasiguruhan sa nakatatanda.

Nangako rin ng ganito ang mga gago na nangamkam ng kapangyarihan.
Pero mga sinungaling sila! Hindi nila tinupad ang pangakong iyan at hindi tutuparin kailanman!

Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili habang inaalipin nila ang taumbayan!

Ngayon, ipaglaban natin at tuparin ang pangakong iyan!

Lumaban tayo’t palayain ang daigdig – iwaksi ang kasakiman, ang poot, at kawalan ng pag-unawa.

Ipaglaban natin ang isang daigdig na nakasandig sa katuwiran, kung saan ang siyensya at pag-unlad ay tuon sa kaligayahan ng mga tao.

Continue reading below ↓

Mga kababayan,
Sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!

HOT STORIES

THE ANTI-TERROR LAW

Noong panukala pa lang ang Anti-Terror Law ay marami na ang umalma dahil sa paspasang pag-apruba rito ng Kongreso noong Hunyo.

Una na itong naaprubahan sa Senado noon pang Pebrero.

Magkasunod na pinirmahan nina Senate President Vicente "Tito" Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano ang pinag-isang bill ng Senado at Kongreso noong Hunyo 8.

Aamyendahan ng Anti-Terrorism Law ang Human Security Act of 2007, upang magpatupad ng mas istriktong mga polisiya kontra terorismo.

Pinaspasan ang pagsasabatas rito sa panahong nakatuon ang pansin ng taumbayan sa COVID-19, na isyu ng national health, at sa ABS-CBN shutdown, na isyu ng press freedom.

Nangangamba ang mga kontra sa Anti-Terrorism Law na magamit ang mga umano'y kuwestiyonableng probisyon rito sa pagsikil sa karapatang pantao at malayang pamamahayag.

Kabilang sa mga artistang nanawagan noon na ibasura ang Anti-Terrorism Bill sina Janine, Agot, Nadine Lustre, Enchong Dee, Solenn Heussaff, Isabelle Daza, at Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Continue reading below ↓

WHY SENATOR KIKO VOTED NO TO ANTI-TERROR BILL

Noon pa lang February 26, ipinaliwanag ni Senator Kiko Pangilinan sa kanyang sulat sa Senado kung bakit "No" ang boto niya sa naturang panukala.

Bukas si Senator Kiko sa pagsasabing maaaring maabuso ang warrantless-arrest provision para sa mga pinaghihinalaang terorista.

Kinuwestiyon din niya ang pagtanggal ng multa sa enforcers na basta na lang magdiditena ng hindi naman pala terorista.

"Certain questions now come to mind: Can the law be used against democratic opposition leaders? Can opposition political parties be outlawed and tagged as terrorist organizations?

"Some may say this is farfetched and most certainly some will say this is not the intent of the law," saad ni Senator Kiko sa kanyang sulat sa Senado.

Pero giit niya, hindi maiwasang mapag-isip siya dahil ganun daw ang nangyari kina
Senators Lorenzo Tañada, Jose Diokno, Jovito Salonga, at Ninoy Aquino noong panahon ng diktadurya ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos.

Continue reading below ↓

Sabi pa ni Senator Kiko, base pa rin sa kanyang eksplanasyon kung bakit hindi siya pabor sa Anti-Terror Bill:

"In closing, ang batas, dapat proteksyon ng mamamayan. Proteksyon sa mga pagmamalabis at maling paggamit nito. Kaya kapag nagkamali sa pagpapatupad nito, dapat may managot, para hindi na maulit, para hindi na abusuhin ang batas, para hindi na pagmalabisan ang karaniwang tao."

RELATED STORIES

(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
John Lloyd Cruz, Janine Gutierrez, and director Joel Lamangan join a multi-sector protest against Anti-Terrorism Law via a stirring rendition of Charlie Chaplin's The Great Dictator speech.
PHOTO/S: Voyage Studios Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results