May sagot si Jennylyn Mercado sa mga bumabatikos sa kanya dahil sa paghahayag niya ng opinyon sa mga nangyayari sa ating bansa.
Ngayong Lunes, August 3, tatlong magkakasunod na posts ang ibinahagi ng 33-year-old Kapuso star sa Twitter.
Sabi niya sa unang tweet, dapat daw alalahananin ng ibang tao ang salitang respeto kahit magkakaiba ng opinyon.
Mensahe ni Jennylyn, “Naguguluhan na ako. Bakit parang nakalimutan ng ibang tao irespeto ang iba kahit iba ang opinyon nila?
“Hindi ba yun ang isa sa mga unang tinuturo ng ating mga magulang?”
Sa kanyang pangalawang tweet, sinabi ng Descendants of the Sun star na lahat ng mamamayan ay may karapatang maghayag ng saloobin.
Hindi raw ito nangangailangan ng kuwalipikasyon at hindi namimili ng estado sa buhay.
Tanong ni Jennylyn: “May qualification ba dapat bago ka magkaron ng karapatan na magkomento sa mga isyung panlipunan?
“Hindi ba sapat na mamamayan ka ng Pilipinas at nagbabayad ka ng buwis?
“Bakit kung kelan Pandemya na lahat tayo ay apektado saka ang iba ay pilit na pinatatahimik?”
Pangatlong tweet ng actress-singer: “The moment you hinder someone from speaking their mind is the moment you failed to respect the rights of your Fellow Filipino...”
IS THIS JENNYLYN’S ANSWER TO ARNELL’S POST?
Isa ang comedian-TV host na si Arnell Ignacio sa mga pumuna kay Jennylyn sa paghahayag nito ng opinyon na may kinalaman sa pulitika.
Sa kanyang Facebook post noong Linggo, August 2, nagbigay ng unsolicited advice si Arnell sa Kapuso actress.
Sabi ni Arnell sa kanyang post: "Payo lang, wag niyo na pasukin ang hindi ninyo linya.
“You have very successful.careers dahil mahusay kayo sa linyang pag aartista.
“Do not ever think the power of popularity will instantly translate into mastery of the political jungle.
"Wawasakin ninyo mga careers ninyo.”
Kalakip ng post ni Arnell ang link ng artikulo tungkol sa pagpu-post ni Jennylyn sa Twitter ng larawan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na tila natutulog noong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 30.
.”Ngunit sa aktuwal na Twitter post ni Jennylyn ay makikitang pinagtabi-tabi niya ang litrato nina Roque, Senator Franklin Drilon, at siya mismo na nasa aktong natutulog.
Caption ni Jennylyn: "Choose your player.."
Isa si Jennylyn sa mga artistang pinupuntirya ngayon ng mga Diehard Duterte Supporters (DDS) dahil sa paghahayag nito ng opinyon na hindi pabor sa pamahalaan.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
