Malungkot pero masaya.
Ganito raw ang nararamdaman ni Regine Velasquez sa pagbi-venture ng ABS-CBN sa digital platform matapos mabigong makakuha ng franchise renewal noong Hulyo 10.
Noong Sabado, August 1, inilunsad ng TV network ang Kapamilya Online Live, kung saan mapapanood ang entertainment programs ng istasyon.
Kabilang dito ang It’s Showtime, ASAP Natin ‘To, mga teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano, Love Thy Woman, A Soldier’s Heart, replays ng ibang mga teleserye, gayundin ang Kapamilya movies.
Ayon sa Asia’s Songbird, nabuhayan siya ng pag-asa sa hakbang na ito ng kanilang home network.
“I’m so excited, although medyo nalulungkot ako pa rin.
"Kasi siyempre, medyo madami tayong kasamahan sa trabaho na nawalan ng trabaho... kasamahan sa ABS na kailangang i-dissolve yung mga department nila.
"It’s really heartbreaking," sabi ni Regine sa Facebook Live ng asawang si Ogie Alcasid nitong Linggo, August 2.
Kung tutuusin ay bago pa lang si Regine sa bakuran ng ABS-CBN. Lumipat siya sa Kapamilya network noong October 2018, matapos ng dalawang dekada sa GMA Network.
Pero labis daw siyang apektado sa nangyayari ngayon sa ABS-CBN.
Saad niya, “Ako, e, magtu-two years pa lang dun, pero sobrang affected talaga ako, hindi ko alam kung bakit.
“Sobrang affected ako kasi nakilala ko na po yung mga taong nandun, naging comfortable na ako sa mga taong nakakatrabaho ko. Kaya sobra akong na-affect talaga.”
Ayon pa sa Asia's Songbird, hindi pa rin sila nakakabawi sa sinapit ng ABS-CBN.
“Pero I just want to say that I feel very hopeful because of this online thing... digital…
“Kasi, anyway, parang this is the future. Yung asawa ko yung nagsabi sa akin na dito na talaga tayo papunta. Digital na talaga tayo.
"And I’m actually very hopeful. I feel very hopeful and I'm so excited.”
STARTING OVER AGAIN
Nabanggit din ni Regine na kamakailan ay nagpalitan sila ng mensahe ni ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes tungkol sa paglipat ng network sa digital.
Lahad niya, “Tita Cory texted me and she said that, ‘We are online, we are continuing with this. Hindi tayo susuko talaga, as much as we can na makapagsilbi tayo sa mga Kapamilya natin. We will continue.’
“So now, I’m excited, bagamat kumonti po yung numbers namin, kumonti kami. Maraming na-dissolve.
"It’s like starting over again. That’s how I felt when she texted me.”
Noong nakaraang buwan, sinimulan na ng ABS-CBN ang pagre-retrench ng kanilang mga manggagawa.
Ito raw ang sagot ni Regine kay Vidanes, “I said, ‘Yeah, it’s like starting over.'
"And I remember during the ‘80s, and I was there. Parang kasama nila akong nag-uumpisa.
"So, parang full circle na talaga ako.
“Nag-uumpisa ulit kami… tayong lahat, so sana po samahan niyo kami,” pakiusap ng 50-anyos na singer.
Isa sa mga pinakaunang proyekto ni Regine ay ang ABS-CBN musical-variety show na Tin Pan Alley noong late '80s, kasama sina Janno Gibbs at Bing Loyzaga.
REGINE ASSERTS BEING PROUD KAPAMILYA
Sabi pa ng maluha-luhang si Regine, “Totoo pala ‘yon, when God closes a door, He opens a window.
“Sabi ko kay Tita Cory, ‘Pero yung window na ino-open ni God, mas malaki pa sa window.”
Ipinagmamalaki raw ni Regine na hindi sumuko ang pamunuan ng ABS-CBN bagamat pinagkaitan sila ng prangkisa.
“ABS can, like, produce so many things. And personally, I’m very happy that they are continuing their journey.
“Kasi, hindi dapat talaga dito matapos ang lahat kung gusto mong maglingkod sa mga kababayan natin.
“You push through kahit ano pa ang mangyari, and I’m so proud of our bosses. Grabe yung resilience nila.
"Natututo ako sa… kasi nakikita ko yung character nila, nakikilala ko sila, mas lalo pa.
“Napa-proud ako na I’m part of this company, I’m proud that it’s starting over again, and I’m part of it.
"And I’m proud to be a Kapamilya.”
Ang Kapamilya Online Live ay napapanood ABS-CBN Entertainment YouTube at Facebook accounts, na higit 50 million ang pinagsamang subscribers.
Bukod dito, matutunghayan pa rin ang ABS-CBN programs sa inilunsad nitong Kapamilya Channel.
Napapanood ang Kapamilya Channel sa cable TV, gaya ng Sky Cable, Cablelink, G Sat, at karamihan sa cable operators na miyembro ng Philippine Cable Television Association (PCTA) nationwide.
Ang ABS-CBN News naman ay mapapanood din sa accounts nito sa YouTube at Facebook, na may pinagsamang 28 million subscribers.
Dagdag pa rito, nag-venture na rin ang ABS-CBS sa paggawa ng digital content, sa pamamagitan ng online streaming app na iWant.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
