Dinepensahan ni Rita Avila, 52, ang mga kapwa artistang naghahayag ng opinyon tungkol sa mga kaganapan sa lipunan.
Nitong mga nakaraang linggo ay pinutakti ng bashers sina Angel Locsin, Jennylyn Mercado, Kim Chiu, Sunshine Dizon, Jake Cuenca, K Brosas, at Regine Velasquez.
Ito ay matapos silang mag-post ng opinyon sa mga isyu kagaya ng ABS-CBN shutdown, Anti-Terrorism Act, PhilHealth fund fraud, at iba pa.
Sa kanyang Instagram account ngayong hapon ng Huwebes, August 6, naglabas ng saloobin si Rita sa pambabatikos sa mga artistang kagaya niya na pumupuna sa gobyerno.
Ayon sa aktres, tao rin ang mga artista at may sariling opinyon.
Sa screenshot na ibinahagi ni Rita, nakasaad dito (published as is): “Bakit ba issue na nagsasalita ang artista ng opinion sa mga nangyayari?
“Tao din naman sila na nagkataon lang ay pag-aartista ang trabaho.
“Doctor, Teacher, Janitor, Secretary, Businessman, Sari-sari store owner, tindera sa palengke, etc etc ay mga may opinion din.
“Kung ano ang pagkatao ay walang kinalaman ang trabaho.
“Kung ang pagkatao ay maganda, malinaw ang mata sa katotohanan, may tunay na pagmamahal sa bansa- boss man sha o nanglilimos ay un pa din ang magiging opinion nya dahil sa pagkatao nya.”
Sa caption, sinabi ng aktres na tila wala na ang panahon na kahit iba-iba ang opinyon ay mayroon pa ring respeto.
“Ngayon, kalaban ka kaagad pag iba ka sa kanila."
Saad pa ni Rita, “I am almost always careful of my words when I post but nothing can make them understand.
“Yung 'sana mabulag nga kayo' na sinabi ko, it was a kind of language used by many leaders now, a language that turns out as a joke or emotional burst.”
“REGULAR RECIPIENTS OF JOKES”
Sa bawat opinyon niya, may mga pumapabor, pero lagi rin daw may kumukontra.
Ito ay ang mga DDS o Duterte Diehard Supporters, ang solidong hukbo ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi niya, “Many agreed with me but the dds got mad as usual.
“Paano pa kaya tayo who are the regular recipients of the jokes and emotional bursts?”
Kadalasang sagot ng mga DDS sa mga pumupuna sa gobyerno ay ito: Sa halip na magreklamo ay tumulong na lang.
Pero rason ni Rita, kanino ba dapat “mag-reklamo” ang mamamayan kundi sa kasalukuyang gobyerno? Alangan naman daw na sa dating administrasyon.
Aniya, “They claim na puro 'reklamo' ang mga tao against the govt. Eh kaninong gobyerno ba tayo dapat magsalita ng saloobin—sa gobyerno ni Emilio Aguinaldo?”
Aminado si Rita na hinangaan niya si noo’y Davao Mayor Duterte sa kampanyahan sa pagpapangulo noong 2016.
Nagpapasalamat din daw siya kapag may nagawang mabuti si Duterte ngayong Pangulo na ito ng bansa.
Sabi ni Rita, “DDS, noon I was charmed by the Pres during the campaign.
“Now, I simply say thank u pag may maayos syang nagawa.
“In one of my posts, I humbly asked for his empathy.”
Ang tinutukoy ni Rita ay ang hiling niya sa Pangulo na bigyan ng isa pang pagkakataon ang ABS-CBN na muling makapag-broadcast.
Ito ay matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network ng kanilang panibagong prangkisa noong July 10, 2020.
Maging ang asawa niyang direktor na si FM Reyes ay tagasuporta rin daw ni Pangulong Duterte.
Ani Rita, “My husband is pro. Kaaway nya mga kapatid nya. I have friends na pro, but we never fought.”
“I-ANGAT NYO MGA SARILI NYO”
Paalala pa ni Rita sa mga followers niya, “Think before leaving comments.
“Again, d magandang combination ang bulag, tanga, masama ugali. TRIPLE WHAMMIES. Hindi kayo yan. Ayaw nyo yan. (Dapat lang d ba?)
“I-angat nyo ang mga sarili nyo. Naniniwala akong kaya nyo bigyan ng dangal ang sarili nyo.
“PILIPINO TAYO. KAYA PA.
“#actors #artista #government #opinion #job #voice #heart #professionals #bluecollarjobs”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
