"Wala po akong sinunog na tulay."
Ito ang paglilinaw ni Bugoy Drilon pagkatapos lumabas ang balitang banned siya sa Kapamilya network, kasama ng kapwa singer na si Daryl Ong.
Nalagay sa alanganin ang relasyon ni Bugoy sa kanyang home studio nang mabanggit ang pangalan niya sa inilabas na video ni Daryl tungkol sa pagkawala nito sa ABS-CBN.
"Actually, klinear naman na po ni Daryl sa video na nadamay lang ako.
"Ayaw ko na nga po sana pag-usapan ang isyu na 'to. Kasi, I'm at peace naman po sa puso ko," sabi ng 30-year-old singer sa zoom conference para sa bago niyang single, "Impossible Love," noong Huwebes, August 6.
"Actually, may MYX po ako na guesting," sabi pa ni Bugoy. "Nung nag-lockdown, in-invite na rin ako ng ASAP Natin 'To to guest."
THE LEAKED CONVERSATION
Sa unang pagkakataon, inilahad ni Bugoy kung paano nagsimula ang usapan nila sa airport na naging dahilan ng pag-ban umano kay Daryl ng ABS-CBN.
Nasa airport noon sina Bugoy at Daryl, kasama si Michael Pangilinan, habang hinihintay ang flight nila para sa isang provincial show.
Kasama rin daw sa kanilang umpukan ang isang babaeng dating nagtrabaho sa ABS-CBN at isang lalaking di nila kilala.
"Ganito po yun, gusto ko ilagay ninyo ang shoes niyo on my shoes," simula ni Bugoy.
"May kaibigan ka, nag-uusap kayo. Siyempre, hindi naman pwedeng hindi magsalita kasi you're part of the conversation.
"Ang sinabi ko lang po doon talaga, kasi that time, nagkakaroon sila ng sign petition, di po ba? Na one million signatures for that petition.
"Ang sabi sa akin ng isang RM [road manager]… hindi siya part ng Star Magic, pero nag-a-RM-RM siya sa isang artista po."
Ang tinutukoy ni Bugoy na "sign petition" ay ang pangangalap ng one million signatures para sa muling pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, na noon ay dinidinig sa Kongreso.
Sa simula raw ay sila muna ni Michael ang nag-uusap.
"Ang pinag-uusapan po talaga namin ni Michael, nagpapatulong ako sa kanya tungkol sa stocks. Kung paano mag-invest sa isang stock market.
"And then, doon na nag-banter si Ate Girl na, 'Bakit hindi ka mag-invest sa ABS kasi medyo down sila?'
"And then, doon na siya magsabi ng, 'Sa tingin mo ba mare-renew yung franchise ng ABS-CBN?
"And I said, 'I think, yes.' Kasi nakita ko sa Facebook, I think, kulang na lang sila ng 60,000 sa one million signatures. ‘I think, yes, mare-renew sila.’
"Yun lang ang kinontribute ko sa conversation.
“So, I can't say sa side ni Daryl kasi sinabi na po niya ang side niya."
Sa video ni Daryl na lumabas noong June 15, sinabi nitong kinontra niya si Bugoy dahil napag-alaman daw niyang 60,000 pa lang ang nakapirma sa petisyon.
Ang pagkakaintindi raw ni Daryl ay may deadline sa paglikom ng signatures. At tingin niya, hindi kakayanin ang one million signatures na tina-target sa petition.
Sabi pa ni Daryl, "Tapos, nagdadag ako ng comment, 'Naku, malabo na 'yan. mahirap na 'yan. Kalaban pa man din nila ang gobyerno. Si Presidente ba naman ang kalaban. So, malabo na 'yan.'"
Lingid daw sa kanilang kaalaman, ang lalaki palang kasama nila sa umpukan ay kaibigan ng isang "big boss ng ABS-CBN."
Ito raw ang nagparating ng mga sinabi ni Daryl.
FRIENDSHIP STILL INTACT
Kahit wala siyang sinabi laban sa ABS-CBN, hindi rin nakaligtas si Bugoy sa pamba-bash ng netizens
"I know in my heart, wala akong ginawa. Alam ko po yung gratitude, yung utang na loob ko sa mother network ko. Kasi, mother network ko po yun.
“Nagkataon lang po na may nag-open ng ganoong conversation. E, hindi naman po basta na hindi ko siya sasagutin.
"Kaya ayun, sinagot ko lang base sa sarili kong nakita na information, which is nasa Facebook yun. Yun yung sinabi ko sa kanya nung tinanong ako," paliwanag ng singer.
Hindi ba naapektuhan ang pagkakaibigan nila ni Daryl dahil sa isyu?
May lumabas kasi sa social media na sumama raw ang loob niya kay Daryl sa pagbanggit sa pangalan niya. At, diumano, agad siyang nakipag-usap sa ehekutibo ng ABS-CBN para magpaliwanag.
"We're okay po," sambit ni Bugoy. "Yes po, going strong pa rin ang friendship bamin.
“Because at the end of the day po, we are trying to entertain the people.
“And at the end of the day, yung music po. Yun po ang motto ko, e, like, I want to share my music.”
In fact, binati raw siya ni Daryl sa kanyang bagong single na "Impossible Love."
Kuwento ni Bugoy, "Sila ni Michael, ipinost nila yung kanta ko. They helped me promote my song.
“And Michael even sent me food. Even Daryl, he messaged me and congratulated me, 'Bro, I'm so happy for you. Na ang tunog mo talaga iba. So, ituloy mo lang 'yan.'
“He gave me words of encouragement. So, nakakatuwa yun," kuwento ni Bugoy.
ABS-CBN FRANCHISE
Ikinalulungkot daw ni Bugoy ang pagbasura ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.
“I feel sad po because, at the end of the day, bali-baligtarin man po natin ang mga pangyayari, ABS-CBN helped me kung anuman meron ako. And I'm forever grateful po sa kanila.
"Kasi, hindi ko naman maa-achieve ang ganitong sitwasyon ko, ganitong status ko, because sila naman po talaga ang tumulong sa akin," pahayag niya.
Inaalala rin daw ni Bugoy ang mga empleyado sa ABS-CBN na nakatrabaho niya.
"Actually, I'm sad po sa mga nakatrabaho ko sa ABS-CBN. Na, there's a point na hindi ko na sila makita. They don't have work.
“So I'm sad and symphathize po sa kanila.
“And, ang laki po ng utang na loob ko sa ABS-CBN for giving me this opportunity to share my talent."
Si Bugoy ay produkto ng singing reality competition ng ABS-CBN, ang Pinoy Dream Academy Season 2, noong 2008.
May ilan daw siyang nakakausap na mga empleyado ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho.
"Kinu-comfort ko po sila. Alam ko yung sitwasyon. Alam ko yung nararamdaman nila.
“So, I give them comfort, like, everything is gonna be okay.
“Kinukumusta ko sila isa-isa. Sabi ko sa kanila, we have to fight kasi hindi pa naman tapos ang laban."
Speaking of fighting, wala naman daw kumausap sa kanya para sumama sa mga isinasagawang pagkilos para ipakita ang pagtutol sa pagde-deny ng franchise sa ABSCBN.
"But I support them naman po. I think the best support na mabibigay ko is prayer. Prayers po talaga. You have to let God do the thing," sabi ni Bugoy.
Inisip daw niya kung ano ang magiging kalagayan ng mga mawalan ng trabaho sa ABS-CBN.
"I'm sad kasi naisip ko yung nangyari sa akin before na nawalan ako ng trabaho.
“Sabi ko, 'Panginoon, saan po ako pupulutin?' Pero naging positive pa rin ako na magiging okey ang lahat. There's a lot of ways.
“Even though they didn't get the permit for another franchise, they found a way kung paano pa rin sila makakatulong sa pagbibigay-saya sa kanilang audience.
“So, nakakatuwa naman na di naman natigil ang pagbibigay ng tulong at saya sa mga tao ang ABS-CBN. There's a way pa rin para makatulong."
“IMPOSSIBLE LOVE”
During the quarantine period, musika lang daw ang pinagkakaabalahan ni Bugoy.
Kaya nga natutukan niyang pagandahin ang kanyang bagong single na "Impossible Love," na maririnig na sa iba't ibang digital platforms.
"Kung saan talaga ang puso mo, work on it. You have to manifest...share it.
“Kaya gumagawa po ako ng kanta. Doon po ako nagsu-survive sa pang-araw-araw ko, it's all music.
“But at the same time, about business po, try to invest," payo ni Bugoy.
Ang "Impossible Love" ay tungkol daw sa long-distance relationship, differences, and conflict.
"Nabuo po yung song since start ng lockdown.
“Tinawagan ko yung friend ko sa U.S., 'Bro, let's compose a song.' I have an idea about long-distance na nangyayari sa atin.
“Kaya po 'Impossible Love' kasi sa sitwasyon natin na layu-layo," saad ni Bugoy.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
