Bongga ang surpresa ng Filipino-American singer ng The Black Eyed Peas na si apl.de.ap sa kaibigang aktres na si KC Concepcion.
Isang espesyal na video message mula sa sikat na Colombian singer na si Shakira.
Si KC, 35, ang actress-TV host-vlogger na anak ng Megastar na si Sharon Cuneta at ng aktor na si Gabby Concepcion.
Si apl.de.ap, 45—Allan Pineda Lindo sa tunay na buhay—ay ang tubong-Pampanga na rapper-record producer na miyembro ng Grammy-winning hip hop group na Black Eyed Peas.
Si Shakira, 43, ang tinaguriang Queen of Latin Music, na nagpasikat sa mga kantang “Hips Don’t Lie,” “Whenever, Wherever,” “Underneath Your Clothes,” at “Waka Waka (This Time for Africa).”
Ngayong 2020, nakipag-collaborate si Shakira sa Black Eyed Peas para sa awiting “Girl Like Me.”
Nakapaloob ang “Girl Like Me” sa bagong album ng Black Eyed Peas na Translation.
Mahihinuhang ginagawa ni Shakira at ng Black Eyed Peas ang “Girl Like Me” nang humingi si apl.de.ap ng video message sa Colombian singer para kay KC.
SHAKIRA THANKS, CONGRATULATES KC
Ngayong Sabado, September 19, proud na ipinost ni KC sa Instagram ang video message ng iniidolong Latina superstar.
Kapansin-pansing hindi binanggit ni Shakira ang pangalan ni apl.de.ap sa video, pero tinukoy niya ito bilang “little birdie.”
Sinabi ni Shakira na isang “little birdie” ang nagbalita sa kanya na paborito ni KC ang musika ng Colombian singer, kaya nagpasalamat ang huli.
Binati rin ni Shakira si KC sa bagong YouTube cooking series ng aktres na Kitchen Collabs, kung saan nakikipagpalitan ng recipes si KC sa iba pang celebrities habang sabay silang nagluluto online.
Mensahe ni Shakira kay KC: “Hey, KC! A little birdie told me that you like my music. Thank you so much.
“I wanted to say hi and congratulations on your new show, your new cooking show.
“I hope it goes really well and I wish you the best of luck,” sabi ni Shakira, kasunod ang malutong na flying kiss para kay KC.
KC GOES FANGIRLING
Sa caption ni KC, nagpasalamat din siya sa suporta ni Shakira sa kanyang “newfound quarantine passion.”
Tinawag ni KC si Shakira na kanyang “fitspiration, immortal powerhouse woman.”
Sulat ni KC sa caption: “Thank you for supporting my newfound quarantine passion, my fitspiration, immortal powerhouse woman, @shakira!”
Nag-fangirling din si KC nang sabihing napahanga siya sa 2020 Super Bowl halftime performance ni Shakira noong February 3, 2020.
Nag-trending ang nabanggit na halftime show performance ni Shakira kasama ang isa pang Latina superstar na si Jennifer Lopez.
Dagdag ni KC, excited na raw siyang mapakinggan ang collab ni Shakira at ng Black Eyed Peas na “Girl Like Me.”
Sulat ni KC sa caption (published as is): “Omg her Super Bowl performance was [hundred percent symbol, smiling face with three hearts emojis] and can’t wait for her new single Girl Like Me to drop alongside my @bep bros.”
Sa huli, special mention nin KC ang shoutout niya para sa “good friend” na si apl.de.ap: “S/O to my good friend @apldeap for this surprise.”
KC AND APL.DE.AP
Wala pa ring linaw hanggang ngayon kung ano ang status ng ugnayan nina KC at apl.de.ap.
Taong 2011 nang aminin ni apl.de.ap sa publiko na crush niya si KC.
Nang taon ding iyon ay nagkita sila sa unang pagkakataon nang magbakasyon si apl.de.ap sa Pilipinas.
Nabanggit naman ni KC sa mga interview na niyaya siyang lumabas ng Fil-Am rapper.
Taong 2013 nang umamin si apl.de.ap sa isang panayam na niligawan niya si KC.
Bukod sa nakabase sa Amerika ang singer, tumitigil si apl.de-ap sa pakikipag-ugnayan kay KC tuwing may nobyo ang aktres.
October 2019 nang nag-post si KC sa Instagram tungkol sa pagkikita nila ni apl.de.ap sa isang exclusive club sa Amerika.
December ng parehong taon, nanood si KC ng closing ceremony ng South East Asian Games (SEA Games) sa Capas, Tarlac, kung saan isa sa performers si apl.de.ap.

June 2020, marami ang kinilig nang panoorin ni apl.de.ap ang cookout session ni KC sa Instagram Live.
Dalawang beses pang nag-comment si apl.de.ap, na ang huli ay nangako siyang magpapadala ng tenderizer kay KC. Nabanggit kasi ng aktres na wala siyang magamit na tenderizer sa kanyang condo.
Sa question-and-answer session ni KC sa kanyang Instagram followers nitong September 9, sinabi ng aktres na single siya sa ngayon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.