Ipinagtanggol ni Luis Manzano ang singer na si Janine Berdin laban sa bashers.
Naging tampulan ng batikos si Janine, 18, kasunod ng kanyang beauty transformation noong nakaraang buwan.
Nakilala si Janine bilang grand champion ng singing contest na “Tawag ng Tanghalan” Season 2 sa ABS-CBN noontime show na It’s Showtime.
Hindi itinanggi ni Janine na may ipina-enhance siya sa kanyang sarili.
Noong October 31, Sabado, celebrity guest si Janine sa ABS-CBN singing game show na I Can See Your Voice, kung saan host si Luis.
Bago ipakilala si Janine, nabanggit ni Luis ang tungkol sa talamak na bashing sa social media.
Sabi ng host-actor: “Kaakibat na 'yan. Parang walang araw na pagbasa ng social media [na] walang nagsasabi ng hindi maganda.”
Hirit pa ni Luis, malaki ang pagkakaiba ng nagkokomento at namba-bash.
Nasambit ni Luis ang tungkol sa pag-viral ni Janine nang ipost ang kanyang “beautiful transformation.”
“Maraming bashers pero maganda rin, she took the high road, at matapang niyang hinarap ang lahat ng yan,” sabi ni Luis.
“And for that, saludo tayo sa kanya.”

Unang tanong ni Luis kay Janine: ano ang nadiskubre niya sa sarili ngayong may pandemic?
Sagot ng dalaga, “Siguro, I foud my way sa path ng self-love.”
At sa puntong iyon ibinigay ni Luis ang kanyang mensahe sa mga kritiko ni Janine.
Pahayag niya, “Eto lang 'yan, sa lahat ng bumabatikos sa bagong pangyayari sa buhay ni Janine…
“Wala kayong pakialam sa happiness niya, kung hindi naman kayo naaagrabyado, di ba?
“Yun lang 'yon.”
Si Luis ay may reputasyong pumapatol sa kanyang bashers sa social media.
Para kay Luis, ang pagsagot sa mga basher ang paraan niya para ilagay ang mga ito sa kanilang lugar.
JANINE AND HER TRANSFORMATION
October 5, naging trending topic sa Twitter si Janine dahil sa kanyang “transformation.”
Hati ang netizens sa malaking pagbabago ng hitsura ng dalaga, at nagsulputan ang alegasyong nagparetoke raw siya.
Hiningan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag si Janine tungkol sa reaksiyon ng netizens.
Mensahe ni Janine, hindi dapat matakot sa pagbabago lalo na kung makabubuti ito.
"Especially when you feel like you’re stuck in a dark place, you shouldn’t just sit there and wait for your surroundings to change for you,” mensahe ng singer sa PEP.ph.
“And that if you love yourself, it doesn’t mean you won’t do anything to improve yourself.”
Inamin naman ni Janine ang pagpapaayos niya ng ilong nang mag-guest siya sa online show ni Vice Ganda na Gabing Gabi na Vice noong October 11.
Diretsong tinanong ni Vice si Janine kung may ipinaayos ito sa kanyang sarili.
Sagot ni Janine, “A, yung biggest insecurity ko talaga is yung nose ko. So, yun po yung pina-enhance ko. Yung nose ko lang po.”
Inilahad din ni Janine kung bakit siya nagdesisyong magpaayos.
Sabi niya, “Yun po talaga yung hinanap ko dati. Kasi kung parang naano po ako, parang nasa-sad po ako lagi kahit alam kong sobrang blessed po ako.
“Parang sa sarili ko po nanggaling yung ako mismo yung source of sadness ko. Parang hindi po ako masaya sa sarili ko dati.
Wala raw siyang pagsisisi sa kanyang naging desisyon. Sa katunayan, masaya ang disposisyon niya ngayon sa buhay.
“Parang ngayon, sobrang saya ko po talaga. Sobrang nararamdaman ko na yung saya ko.
“Ang dami pong nagsasabi na parang nararamdaman din nila yung saya ko. So, ayan, happy.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
