Natatawang inalala ni Rabiya Mateo ang naranasang mishap noong preliminary competition ng Miss Universe Philippine 2020 nitong nakaraang buwan.
Tungkol ito sa kanyang swimsuit.
Ang kandidata ng Iloilo ang itinanghal na Best in Swimsuit, pero ang hindi alam ng marami ay nagkaaberya pala dahil namantsahan ang kanyang sinuot.
Sa kabila raw ng nakaka-stress na sitwasyon, sinikap niyang huwag mataranta, kahit ilang minuto na lamang ay magsisimula na ang program proper ng prelims, na ginanap sa Baguio City noong October 23, 2020.
Kadalasan, sa prelims matutukoy kung sino ang papasok bilang finalists pagdating ng grand coronation.
“Kasi during the preliminary, yung ginawa namin, naglagay kami ng body oil para makintab, para maganda siya sa screen,” pagbabalik-tanaw ng beauty queen.
“E, what happened, nung sinuot ko yung swimwear ko, it was color yellow, and nadumihan siya.”
Dali-dali raw nilabhan ni Rabiya ang kanyang swimsuit dahil malapit nang pag-umpisa ang preliminary competition.
“So, yung ginawa namin, nag-rush kami sa C.R. parang thirty minutes before mag-start yung show.
"Before namin labhan talaga, ang dumi-dumi ng harap at saka ng likod," kuwento ni Rabiya.
“And then yung roommate ko, tinulungan niya akong labhan yung swimwear ko, and sabay namin siyang bino-blower.”
Bagamat natataranta, pinakalma raw ni Rabiya ang sarili.
“Pero nung moment na iyon, parang inaano ko talaga to keep my nerves calm, kasi maya-maya lalabas na ako, e."
Nagbunga naman ang pananatiling kalmado ni Rabiya sa gitna ng pressure.
“Yun nga, blessing because kasi during the preliminary, I got the Best Swimwear award," nakangiti niyang sabi.

“So, para lang siyang pagkakataon na sinusubok ni God yung character mo.”
Ibinahagi ni Rabiya ang karanasang ito sa episode ng ABS-CBN daytime talk show na Magandang Buhay, Miyerkules, November 11, 2020.
FRIENDS ARE BLESSINGS
Naikuwento rin ni Rabiya na hulog ng langit para sa kanya ang mga kapwa niya kandidatang naging malapit na mga kaibigan.
Bagamat nasa kompetisyon sila, tinulungan siya sa mga pinagdaanang hirap sa loob ng walong buwang itinagal ng pageant.
Ito raw ay sina Miss Iloilo Province Kim Chi Crizaldo, Miss General Santos Mariel Joyce Pascua, at Miss Ilocos Sur Adelma Krissel Benicta.
“Naalala ko nasa Baguio kami noon at nasira yung phone ko. Yung nagkukuha ng photo para sa OOTD [outfit of the day]."
Hinihikayat kasi ang mga kandidata na regular na mag-post ng kanilang OOTD para magkaroon ng social-media presence.
Ani Rabiya, “Kasi siyempre, kailangan mo ding pasalamatan yung mga designers na tumulong.
“And yung mga fans parang pini-pressure ka nila, you need to post every single day para, at least, updated kami."
Pero sa kasagsagan ng pageant, bumigay ang phone ni Rabiya, kaya nakihiram na lang daw ng cell phone si Rabiya kay Miss General Santos.
“So siya talaga yung tagakuha ng photo gamit ang cellphone niya kasi maganda yung cellphone niya.”
Sa post ni Rabie Ian Pogoy, trainer at kaibigan ni Rabiya, pinatotohanan nito ang tungkol sa pagkasira ng cell phone ni Rabiya.
Sabi ni Rabie, bukod sa pagkasira ng phone ay nahihiya pa raw si Rabiya dahil low-quality ang kanyang mobile phone.
Samantala, sinabi ni Rabiya na bagamat pare-pareho silang mga kandidata, masaya siyang nakahanap ng mga tunay na kaibigan among her fellow candidates.
“Hindi mo naman kailangan ng napakaraming taong sumusuporta sa iyo, e.
"Basta yung mga totoong taong nandiyan at naniniwala sa iyo, kaya mo nang ilaban yung buhay, e,” sabi ng pambato ng Pilipinas sa susunod na Miss Universe 2020 pageant.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
