Pinaliwanagan ni Catriona Gray ang isang self-proclaimed fan niya na kumastigo sa pagpunta ng beauty titlist sa Colombia sa gitna ng pandemic at ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa Colombia ang ikaapat na Pinay Miss Universe bilang isa sa mga official judges ng Miss Universe Colombia 2020, na gaganapin sa Lunes, November 16.
Bukod sa pageant, nasa Colombia rin si Catriona, 26, para pangunahan ang isang proyekto ng Smile Train.
Si Catriona ang Global Ambassador ng Smile Train, isang international charity organization na nagbibigay ng libreng operasyon sa mga batang may cleft lip palate.
FAN QUESTIONS CATRIONA’S TRAVEL
Ilang oras bago lumapag sa Colombia ngayong Huwebes, November 12, ibinahagi ni Catriona sa Instagram ang isa niyang litrato mula sa isang Colombian-inspired photo shoot.
Miyerkules, November 11, nang i-post niya iyon.
Sa caption, nagpahayag ng excitement ang beauty queen sa nalalapit na pagpunta niya sa Colombia.
Mensahe ni Catriona: “Buenos Diaz [Colombian flag, heart emojis] Not long to go!!”

Nagkomento sa post na ito ni Catriona ang isang babaeng netizen na nagpakilalang longtime “fan” ng Miss Universe 2018 winner.
Tanong ng netizen, bakit daw nasa Colombia si Catriona, gayung dapat ay nasa “own province” ito para tumulong sa mga sinalanta ng bagyong Ulysses?
Ang tinutukoy ng netizen na probinsiya ni Catriona ay ang Albay, kung saan nagmula ang ina ng beauty queen na si Normita Magnayon Gray.
Isa ang Albay sa mga lalawigan sa Bicol Region na unang sinalanta ng Ulysses nitong Lunes, November 9.
Pero bago pa man napinsala ng Ulysses ang Albay, magkasunod na sinalanta ng mga bagyong Rolly at Quinta ang lalawigan.
Sabi pa ng netizen, siya raw “have always been a fan” ni Catriona pero bakit daw nagawa pang magbiyahe ng beauty titlist palabas ng bansa kahit na may pandemya.
“What example does taking this job send to everyone?” tanong uli ng fan kay Catriona.
“I’VE BEEN DOING MY PART”
Buong galang na nagpaliwanag si Catriona sa nagpakilalang longtime fan niya.
Ayon kay Catriona, natanggap niya ang imbitasyon para mag-judge sa Miss Universe Colombia pageant ilang buwan na ang nakalipas.
Tiniyak naman ni Catriona na kahit wala siya sa bansa sa ngayon, nakikipag-ugnayan daw siya sa Philippine National Red Cross (PNRC), na umaayuda sa mga binagyo.
Si Catriona ay ambassadress ng PNRC.
Paglilinaw ni ni Catriona (published as is): “this invitation was extended months ago and even though I’m away, I’ve been doing my part in working with @philredcross since the day of the typhoon to provide aid and relief to the affected areas.”
Kalakip ng komentong iyon ni Catriona ang isang red heart emoji at pasasalamat sa “concern” ng fan.

FAN WANTS “TO HOLD EVEN BEAUTY QUEENS ACCOUNTABLE”
Nagsipagkomento sa fan ang mga Instagram followers ni Catriona.
Inaway nila ang fan sa panghuhusga umano nito sa ginagawang pagtulong ni Catriona sa mga sinalanta ng bagyo.
Muling nag-comment ang fan para kay Catriona.
Hindi nito pinansin ang mga negatibong komento mula sa iba pang Instagram followers ng beauty titlist.
Tinag at pinasalamatan ng fan si Catriona sa “response” nito.
Paliwanag ng fan, hindi raw nito intensiyon “to hate on your efforts and clearly we don’t see what we each do off of social media.”
Pero giit ng fan, kailangan daw “to hold even beauty queens accountable” sa pagpapakita ng halimbawa sa pagbibiyahe sa gitna ng pandemya.
Ang publiko raw kasi “can see this as their go ahead to travel,” katuwiran pa ng fan.
Hiling ng fan, sana raw ay makatanggap siya mula kay Catriona ng “another response in this discussion.”

Pero hindi na nag-reply pa si Catriona sa babaeng fan.
LATEST ULYSSES UPDATE
Batay sa Severe Weather Bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas 5:00 ng hapon ngayong Huwebes, namataan ang sentro ng Ulysses sa Iba, Zambales dakong 4:00 ng hapon.
Inaasahang patuloy itong magpapaulan nang malakas sa mga lalawigan sa Cordillera; sa silangang bahagi ng Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Aurora, Cavite; at sa kanlurang bahagi ng Batangas at Occidental Mindoro bago mag-Biyernes ng umaga, November 13.
Tinatayang nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Ulysses Biyernes ng hapon, ayon sa PAGASA.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.