PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Elizabeth Oropesa weighs in on fellow-DDS Arnell Ignacio saying celebrity critics are "mahina ang ulo"

Does Elizabeth Oropesa agree with Arnell Ignacio's opinion?
by Melba R. Llanera
Published Nov 14, 2020
Elizabeth Oropesa on celebrities criticizing government: "Kaya napagsasabihan na bobo ang ibang mga artista kasi totoo naman. Bobo kasi ang bilis magsalita nang hindi iniisip, bitaw lang nang bitaw. Yun ang masasabi ko." However, the avowed Duterte supporter doesn't say why a pro-government celeb who's quick to defend Duterte is not being called out as bobo as well.

Hindi maiwasang hingan ng reaksiyon si Elizabeth Oropesa tungkol sa pasaring ni Arnell Ignacio na "mahina ang ulo" ng mga artistang pumupuna sa pamahalaan.

Si Elizabeth at Arnell ay kapwa DDS o Diehard Duterte Supporters.

Nagsanga-sanga ang isyu nang maiugnay ang pasaring ni Arnell kay Angelica Panganiban.

Noong kasagsagan ng pananalasa ni Super Typhoon Rolly, Nobyembre 1, nag-tweet si Angelica:

"Ano ng plano? Tulog na lang? Kilos kilos naman para sa sinumpaan para sa bayan at mga pilipino..."

Hindi man direktang pinangalanan ng Kapamilya actress kung sino ang pinatutungkulan nito, agad nag-react ang mga DDS na si Pangulong Rodrigo Duterte ang pinaparinggan ni Angelica.

Kasagsagan iyon ng pagkuwestiyon ng maraming netizens sa hindi pagsipot ng Pangulo sa press briefing para sa aksyon ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo.

Kumakalat noon ang hashtag na #AsanAngPangulo.

Noong araw ding iyon, nag-post si Arnell sa Facebook ng statement na kailangan lamang tumutok sa government-owned TV and radio stations para malaman kung "ANO ANG PLANO" ng gobyerno kaugnay ng bagyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kinabukasan, November 2, sinabi ni Arnell ang mga katagang ito: "Noon ang artista kadalasan ang tingin e mahina ang ulo... na stereoyped kung baga.

"Nakaka sama nga ng loob noon...pero ngayon ang hirap na ipagtanggol.

"Ang daming prueba eh. me yabang pa nga sa katangahan e."

Bilang masugid na tagasuporta ng Pangulo, kailangan daw ipagtanggol ni Arnell ang Presidente kaugnay ng pasaring ni Angelica.

HOT STORIES

ELIZABETH ON ARNELL'S "MAHINA ANG ULO" TAG

Hanggang sa nakapanayam ng entertainment media si Elizabeth, na matagal nang tinatawag na Oropesa o Oro o La Oro.

Ano ang masasabi niya sa pasaring ng kapwa DDS na si Arnell na "mahina ang ulo" ng mga kapwa nila artistang nagbibigay ng opinyon sa pamamalakad ng gobyerno?

Sagot ng veteran actress: "Iyan ay napakahirap tulayin ang isyung iyan, kasi artista ako.

"Hindi lahat ng artista ay bobo.

"Maraming artista ang nagsasalita na hindi naman bobo, kaya lang hindi mahilig mag-research, at gusto lamang ay parang makisali, mga kuda na hindi dapat."

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Ibinigay na halimbawa ni Elizabeth ang panahon na siya ay aktibo sa pagsuporta sa yumaong diktador at Pangulong Ferdinand Marcos.

"Kasi kung ako, kahit nung panahon ko, maka-Marcos ako, e. Magra-rally ako, pero hindi ako maninira ng iba.

"Ipagtatanggol ko ang akin, pero di ko sisirain ang iba. Ganun yung style ko."

May dalawampu't isang taong umupo si Marcos bilang Pangulo ng Pilipinas, mula December 30, 1965 hanggang February 25, 1986.

Sa huli'y napatalsik siya sa puwesto ng isang mapayapang People Power, o Edsa Revolution na tinatawag, noong 1986.

Patuloy ng veteran actress, "Ito namang edad ko, ang dami ko nang alam, di ako pumapapel.

"Napansin niyo? Wala akong sinasabi na kahit na ano kasi babalik naman sa iyo.

"'Tapos kung mayroon pa ring bagay na sinabi mo na hindi naman tama at hindi mo naman ni-research, dyuskupo, nakakahiya, hindi ba?"

ELIZABETH OROPESA: "ISIPIN NIYO MUNA KUNG ANO ANG SASABIHIN NIYO"

Sa huli, sumang-ayon din si Elizabeth sa opinyon ni Arnell na may stereotype na "bobo" sa mga artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Dire-diretsong lahad ng Marcos at Duterte supporter: "Kaya napagsasabihan na bobo ang ibang mga artista kasi totoo naman.

"Bobo, kasi ang bilis magsalita nang hindi iniisip, bitaw lang nang bitaw. Yun ang masasabi ko.

"Ang pangaral ko sa kanila, kahit hindi niyo ako hinihingan ng opinyon tungkol diyan, sana kahit sinong artista, lalo na yung mga bata sa akin, isipin niyo muna kung ano ang sasabihin niyo. Mag-research.

"Kung ayaw niyo yung isang politician or isang partido, okay lang yun.

"Pero bago ka magbitaw ng salita against that partido or politician, make sure na tama ang sinasabi mo at mayroon kang valid proof. Yun lang."

Ayon kay Elizabeth lahat ng tao ay may karapatan namang maghayag ng nararamdaman.

Pero bilang artista, dapat daw maging doble-ingat sa bibitawang salita.

"Huwag basta-basta, kasi artista ka. Lahat naman tayo may karapatan. Pero dahil artista ka, nama-magnify masyado lahat.

"Kaya nga mag-ingat ka sa sasabihin mo. Yung sinampal mo na isa, tatlumpung sampal ang aabutin mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"May social media na ngayon, e, di tulad noong araw."

Hindi naman ipinaliwanag ni Elizabeth kung bakit, sa mga artistang nagbibigay ng opinyon, ang binabansagan lamang nila ni Arnell na bobo ay ang mga kumokontra sa gobyerno.

ON NETIZENS LOOKING FOR PRESIDENT DUTERTE

Tinanong din ang beteranang aktres sa puna ng maraming tila kulang ng aksyon si Duterte sa panahon ng Bagyong Rolly.

Lalo pa't nakuwestiyon nga ang pagiging absent ng 75-year-old President sa press briefing para sa nasabing bagyo.

Pagtatanggol ni Oropesa sa Presidente, "Kung Presidente ako at ganun ang edad ko, mag-iingat din muna ako.

"Papatingnan ko sa ibang mga tao kung sino ang pwedeng pumunta na muna.

"Pero dumating siya sa amin. Dumating siya, siya ang nauna kaysa sa bise niya."

Ang tinutukoy ni Elizabeth ay ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Albay noong November 2.

Ang sinasabi namang "bise" ay si Vice President Leni Robredo, na mabilis puntiryahin ng mga DDS.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Taga-Guinobatan, Albay, si Oropesa.

Sabay-kambiyo ng aktres, "Pero pagdating kasi sa mga bagay na ganyan, maski maka-Duterte ako, di lahat ng ginagawa niya ay sang-ayon ako.

"Ako po ay nasa gitna, kung sino ang makakatulong, kung sino sa tingin ko ay tama, dun po ako."

Nga lang, tila walang okasyong pinuna ni Oropesa si Duterte.

DAIGDIG KO'Y IKAW

Nakapanayam si Elizabeth ng piling entertainment reporters sa mediacon ng Net25 romantic drama series na Ang Daigdig Ko'y Ikaw, sa Iglesia Ni Cristo Museum sa Quezon City, noong Nobyembre 10.

Tampok sina Ynna Asistio at Geoff Eigenmann, mapapanood ito simula Nobyembre 25.

Pahayag ni Elizabeth tungkol sa teleserye: "This is a very, very beautiful teleserye. My part is short but sweet.

"The experience is wonderful talaga, gustung-gusto ko.

"Kasi feeling ko, para akong isang overseas Filipino worker na isolated talaga, di puwedeng lumabas, di pwedeng dalawin unless may swab.

"Alam ko na ngayon kung ano ang pakiramdam ng OFW.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Ang pamilya mo pala, yun ang kasama mo. Ang second family mo ay yung mga katrabaho mo.

"Ganun pala yun, ngayon ko lang na-realize.

"Lahat ng kilos nila, lahat ng kilos mo, palaging nagkakaalaman na. Difficult, but very nice."

Masaya rin si Elizabeth na ngayon ay aktibo na ang ibang mga istasyon, tulad ng Net25 at TV5, sa paggawa ng teleserye.

Noong Oktubre ay sunud-sunod na naglunsad ang TV 5 ng iba't ibang entertainment shows.

Aniya, "Aba'y nakakatuwa. Actually, gusto ko mas maraming channels.

"Mas maganda kasi mas malaki ang oportunidad para sa mas maraming artista.

"Lalo na dun sa mga maliliit, di bale na ang mga malalaki, ang lalaki ng suweldo.

"Yung mga maliliit, kawawa naman. Pati mga extra, mga supporting cast members, yun ang gusto kong magkatrabaho.

"Wala akong di gustong network, lahat gusto ko."

ON PRODUCING A 2020 MMFF ENTRY

Bumalik uli sa pagpo-prodyus si La Oro sa pelikulang ECQ Diary (Bawal Ang Lumabas).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ipinasa raw niya iyon bilang finished film para sa 2020 Metro Manila Film Festival, na hanggang November 30 ang deadline para sa submission.

"Pinasok namin sa filmfest for December. Harinawang makalusot, pero sinubmit na namin.

"Kung di man makalusot, may awa ang Diyos. Mabibiyayaan din tayo dahil nakatulong dun sa mga maliliit.

"Kaya ko lang naman prinodyus yun, para magkaroon ng trabaho yung ibang mga kaibigan ko na wala na talagang mapagkunan."

Prodyuser si Elizabeth ng ECQ Diary sa ilalim ng film company ni Arlyn dela Cruz na Blank Pages Productions.

"Nag-produce ako kahit maliit. Maliit na production lang. Ako yung producer talaga. Ginamit ko yung Blank Page ni Direk Arlyn para madali na.

"Bale actress din ako dito, kami ni Daria Ramirez."

Ano ang naging challenge sa pagpoprodyus ng pelikula?

Sagot ni Elizabeth, "Kinunan ito nung ECQ. Dun mo mari-realize ang tunay na ugali ng isang tao.

"Kahit na kamag-anak mo, close sa iyo, pag nagkasama kayo ng 24 hours na di kayo pwedeng lumabas, dun lalabas lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"It's very challenging kasi kailangan kong makuha ang atensiyon ng mga tao kahit dalawang artista lang kami."

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Elizabeth Oropesa on celebrities criticizing government: "Kaya napagsasabihan na bobo ang ibang mga artista kasi totoo naman. Bobo kasi ang bilis magsalita nang hindi iniisip, bitaw lang nang bitaw. Yun ang masasabi ko." However, the avowed Duterte supporter doesn't say why a pro-government celeb who's quick to defend Duterte is not being called out as bobo as well.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results