Pinasok ng baha ang bahay ni Yassi Pressman sa Rizal sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Sa pamamagitan ng mga litratong ipinost sa Instagram, kinumpirma ng 25-year-old Filipino-British actress-dancer na isa siya sa mga naapektuhan ng matinding pagbahang idinulot ng Ulysses.
Kabilang ang Metro Manila sa maraming rehiyon sa Luzon na grabeng sinalanta ng Ulysses simula Lunes, November 9, hanggang Huwebes, November 12.
Linggo, November 15, nang ipinost ni Yassi ang dalawang litratong kuha sa labas ng kanilang bahay.
Hindi tinukoy ng FPJ’s Ang Probinsyano leading lady kung saan sa Rizal ang lokasyon ng kanyang bahay.
Ang Marikina City at mga bayan sa kalapit nitong probinsiya ng Rizal ang nalubog sa baha makaraang umapaw ang Marikina River nitong Huwebes ng umaga.
Nasa Batangas si Yassi nang manalasa ang Ulysses sa Metro Manila.
YASSI THANKS THOSE WHO HELPED “SAVE WHAT WE COULD”
Kuha ang pictures mula sa itaas na bahagi ng bahay, kung saan matatanaw ang malawak na bakuran sa ibaba.
Pero mistulang dagat ng maputik na tubig ang buong bakuran ng pamilya ni Yassi dahil sa baha.
Makikita sa picture ang dalawang kasama sa bahay ni Yassi habang sakay sa rubber boat sa paglilibot sa binahang bakuran.


“This is what my Home in Rizal looked like a few days ago,” bungad sa caption ni Yassi.
“Here in Batangas, we are continuously praying for everyone who is still recovering for Typhoon Ulysses.”
Isa-isang pinasalamatan ni Yassi ang mga kasama niya sa bahay sa pagsasalba ng mga gamit nila sa bahay—katuwang ang ilan nilang kapitbahay—mula sa baha.
Sabi ni Yassi: “Thank you to my staff for doing all they can to save what we could.
“Thank you Yaya Lai, Ate Joy, Kuya Joel at Jerome at mga boys at mga kapit bahay na nagtulong-tulong.
"Sobrang Salamat. [heart emoji]”
HELP FOR TYPHOON VICTIMS
Nagbigay rin ng mensahe si Yassi sa iba pang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Ulysses: “Sana po magpakatatag pa po tayo at patuloy na magdasal para sa mga kababayan po natin.”
Hinikayat din ni Yassi ang kanyang 8.5 million Instagram followers na mag-abot ng tulong sa mga binagyo “sa kahit anong paraan na makakaya natin.”
Humirit pa ng paalala si Yassi: “Mag-ingat po sana ang lahat. Malaking yakap. [praying hands emoji]”
Base sa update ng Office of Civil Defense (OCD), mahigit 60 katao na ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Aabot naman sa lampas PHP1.5 billion ang pinsala ng bagyo sa mga kalsada, tulay, at mga pananim.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
