Mga rescued dogs sa Bulacan ang makikinabang sa food supplies ng pumanaw na pet poodle ni Gabbi Garcia na si Sunshine.
November 29 nang personal na nagtungo ang 22-year-old Kapuso actress sa shelter ng animal rescue group na PAWSsion Project sa City of San Jose del Monte sa Bulacan.
Kasama ni Gabbi ang kanyang pamilya at ang boyfriend niyang aktor na si Khalil Ramos.
Ibinigay nila sa rescued animals ng PAWSsion project ang mga pagkain at iba pang supplies na naiwan ni Sunshine.
November 18 nang pumanaw si Sunshine, ang pet dog ng pamilya ni Gabbi sa nakalipas na 13 taon.

“I’m sure she’s smiling up there knowing that other dogs can enjoy her treats,” sulat ni Gabbi sa kanyang Instagram post kinabukasan, November 30.
“PAYING IF FORWARD” TO SUNSHINE
Sa nabanggit na post, ibinahagi ni Gabbi ang mga litrato nila ni Khalil at ng kanyang pamilya nang bumisita sila sa animal shelter.
Bitbit ng grupo ni Gabbi ang saku-sako ng dog food at cat food nang salubungin sila ng mga rescued dogs doon.

Kuwento ni Gabbi: “Last Sunday, my family and I went to @pawssionproject to donate the supplies that Sunshine left.
“This is our way of paying it forward because Shine filled us with so much love.”
Nakadama raw ng labis na kasiyahan ang pamilya ng young actress nang makita ang mga rescued dogs na kinukupkop ng PAWSsion Project.
“Seeing all the dogs in the shelter made our hearts so happy.
“Hands down to @pawssionproject for your dedication and pure love for the doggos [heart emoji].”
DOGS RESCUED FROM BEING EUTHANIZED
Ang animal shelter na dinayo ng pamilya ni Gabbi ang lugar kung saan kinukupkop ngayon ang mga asong na-rescue ng PAWSsion Project mula sa city pound ng San Jose del Monte nitong October 21.
Nakatakda sanang i-euthanize, o isailalim sa mercy killing, ang nasa 100 aso sa city pound noong October.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, nanawagan ang PAWSsion Project sa publiko na mag-ampon o mag-sponsor ng rescued dog para mailigtas ang buhay ng mga ito.
Nakiisa sa panawagang ito ang isa pang Kapuso actress, ang animal rights advocate na si Carla Abellana.
Sa katunayan, sa kanyang comment sa post ni Gabbi, nagpasalamat si Carla sa young actress sa ibinigay nitong donasyon sa animal shelter.

Para naman sa pinakamamahal niyang si Sunshine, may pakiusap si Gabbi sa kanyang 6.8 million Instagram followers: “hug your furbabies for me [smiling face with three hearts emoji] cherish each and every moment with them.”

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
