“I’m feeling better na po.”
Ito ang paniniguro ni Zoey Taberna, 12, sa award-winning Kapuso broadcaster na si Jessica Soho.
Si Zoey ang panganay na anak ng batikang komentarista na si Anthony Taberna at ng negosyanteng si Rossel Taberna.
Noong Linggo, December 6, humarap ang pamilya Taberna para sa isang panayam sa programa ni Jessica sa GMA-7, ang Kapuso Mo, Jessica Soho, upang pag-usapan ang karamdaman ni Zoey na leukemia.

Si Zoey ay na-diagnose na may leukemia o cancer sa dugo noong December 2, 2019.
Nalaman lamang ito ng publiko sa ika-isang taon ni Zoey sa pakikipaglaban sa nasabing karamdaman.
Sa KMJS, kinumusta ni Jessica ang kalagayan ngayon ni Zoey.
Maiksing sagot nito, “I’m feeling better na po.”
Ano ang nagbigay ng lakas ng loob kay Zoey upang isapubliko ang kanyang kalagayan?
Sagot niya, “Naisip ko lang po na it’s been a year na dapat po hindi ko na po ikahiya na I’m bald po.
“Na dapat ipakita ko sa mga tao po na strong po ako, and kahit na mahirap po yung pinagdaanan ko po ay kaya ko pa din po.”

Sa parehong panayam, ikinuwento ni Rossel na kasabay ng COVID-19 pandemic sa bansa, halos isang buwan sila sa ospital kung saan naranasan ni Zoey ang pinakamahirap na yugto ng kanyang karamdaman.
Buto’t balat na raw ito at sobrang nangingitim na halos hindi na nila makilala.
Tanong ni Jessica kay Zoey: paano niya nalalampasan ang yugtong iyon ng kanyang buhay?
Pahayag ni Zoey, “Nung time po na yun, two weeks po akong hindi kumakain ng kahit ano po, puro drinks lang po and ice po. So, siyempre sobrang hungry po ako.
“Dini-distract ko na lang po palagi yung sarili ko saka lagi po ako nagpi-pray po para bigyan ako ng strength palagi ni God.”
“I APPRECIATE YOU ALL”
Sa kanyang Instagram, malaki ang pasasalamat ni Zoey sa lahat ng well-wishers at sa netizens na nagpaabot ng dasal upang siya ay kaagad gumaling.
Mensahe niya, “Hi everyone! I just wanted to say thank you to everybody sending me messages and prayers.
“I may have not responded to all of you, but please know that I appreciate you all. Thank you all for caring for me so much. Good Night po!”

Sa ngayon, may dalawang taon pang gugugulin si Zoey sa kanyang chemotherapy session upang tuluyan na siyang maging cancer-free.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
