Ano ang special announcement ng longtime couple na sina Luis Manzano at Jessy Mendiola sa Sabado, December 12?
Ito ang nag-iisang tanong ng Instagram followers nina Luis, 39, at Jessy, 28, matapos silang maintriga sa maikling video post ng magkasintahan nitong Huwebes ng gabi, December 10.
Sabay na ipinost nina Luis at Jessy sa kani-kanilang Instagram ang teaser video, kung saan mababasa ang “12.12.20” na iginuhit sa white sand.
Nabura ng mahinang alon ang nakaguhit sa buhangin, at dahan-dahang lumitaw ang puti at italicized numbers na “12.12.20” sa video.
Kapansin-pansin ding halos pareho ang caption ng magkasintahan sa kanilang identical posts.
Caption ni Luis: “#TheHowhows [red heart emoji]”

Caption ni Jessy: “This Saturday [red heart emoji] #thehowhows”

“Howhow” ang term of endearment nina Luis at Jessy, na apat na taon nang magkasintahan.
VILMA USES EMOJIS TO REACT TO BOTH POSTS
Kani-kanya ng hula ang fans nina Luis at Jessy sa kung ano ang ipinahihiwatig ng nakakaintrigang teaser video, na sabay na ipinost ng dalawa.
May mga nanghulang posible raw bahagi ang posts ng promo para sa iniendorsong pizza restaurant ni Luis.


Ang iba naman, iniugnay ang December 12 sa teaser video sa malawakang sale ng mga online shopping websites sa parehong petsa.



Pero karamihan ay nagkomento na ang teaser video ay tungkol daw sa pinakahihintay na engagement nina Luis at Jessy.



Lalo namang na-excite ang Instagram followers ng magkasintahan nang mismong ang ina ni Luis, ang actress-politician na si Batangas 6th District Representative Vilma Santos, ang magkomento sa teaser video ng dalawa.
Kung nakakaintriga ang teaser video, mas nakakaintriga ang comment ng Star for All Seasons.
Wala kasing ginamit na letra o salita ang multi-awarded actress.
Ang comment ni Vilma ay binubuo lang ng tatlong emojis—thumbs up, praying hands, at red heart emojis—at napakaraming punctuation marks.
Ang mistulang coded na mensaheng ito ni Vilma ay parehong makikita sa comments section ng teaser video posts nina Luis at Jessy.


RECENT ENGAGEMENT RUMOR
Noong nakaraang linggo, umugong ang balitang posibleng engaged na sina Luis at Jessy.
Ito ay dahil sa nakitang diamond ring na suot ni Jessy sa isang Instagram Story ng aktres.
Makalipas ang ilang araw, kumalat naman ang litrato ni Jessy habang nagsusukat ng wedding gown.
Nagpaliwanag si Jessy tungkol sa picture niyang nakasuot ng wedding gown.
Aniya, 2019 pa kinuhanan ang litrato, na bahagi ng isa sa mga eksena ng pelikula niyang Stranded.
Noong nakaraang taon din ipinalabas ang Stranded, kung saan nakatambal ni Jessy ang aktor na si Arjo Atayde.
Samantala, bagamat hindi direktang sinagot ni Jessy ang tungkol sa diamond ring na suot niya, ibinunyag niya—noong nakaraang linggo rin—na brand ambassadress siya ng isang diamond jewelry store.

Hindi naman kataka-taka sakaling makumpirmang engaged na nga ang magkasintahan.
Sa nakalipas na mga taon, ilang beses nang binanggit ni Luis na walang dudang nasa plano nila ni Jessy ang magpakasal.
Sa kasalukuyan, nasa Amanpulo pa rin ang magkasintahan.
Sa nabanggit na romantic island sa Palawan kasi nagdiwang ng 28th birthday si Jessy nitong December 3.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
