May panibagong dagok sa pamilya ng mag-asawang Anthony at Rossel Taberna.
Nauna nang inanunsiyo nina Anthony at Rossel ang mabigat na pinagdadaanan ng kanilang panaganay na anak na si Zoey Taberna, na patuloy na nilalabanan ang sakit na leukemia.
Ngayon naman, malaking halaga ng pera ang nawala sa kanilang restaurant business matapos daw itong nakawin ng pinagkakatiwalaan nilang tao.
Kahapon, December 16, ibinahagi nina Anthony at Rossel sa kani-kanilang Instagram accounts ang masaklap na pangyayari.
Saad ni Anthony, “2020: 16 days ka na lang!!! Pinakamabigat na dinaanan namin sa taong ito ay ang karamdaman ni Zoey.
“Habang pinapasan namin ito ay pumutok ang Bulkang Taal at dumating ang pandemya na humampas nang husto sa Ka Tunying’s at sa mga umaasa rito.
“Nakakatindig naman kahit paano dahil sumusuweldo pa ako noon sa ABSCBN pero nadale naman nang hindi maaprubahan ang franchise sa Kongreso.
“Pero okay pa rin. Pagsubok lang yan. Ngiti pa rin. Nakatindig pa rin. Tapang-tapangan, lakas-lakasan.”
Lately lang daw nila nalamang unti-unting ninanakawan ng isang taong labis nilang pinagkakatiwalaan ang kanilang kumpanya.
At milyong piso raw ang natangay nito.
Lahad ni Anthony, “Pero di ko akalain na bago matapos ang 2020, may humahabol pa!
“Nadiskubre namin na ang taong aking pinagtiwalaan, ako pala ay matagal nang pinagnanakawan!
“Ang pera ng kumpanya, namadyik niya at naidirecho sa sarili niyang bank account.
“Hindi maliit na halaga, milyong piso na mula sa paghihirap ng mga empleyado ng Ka Tunying’s - tama po, habang nagtitiis sa hirap ng pagtatrabaho ang mga panadero, kusinero, serbidor at serbidora, driver, janitor at iba pa, siya naman pala ay nagpapakaligaya sa perang hindi naman sa kaniya.”
Ang masakit pa raw nito, kahit alam ng nasabing tao ang pagsubok sa pamilya niya dahil sa karamdaman ni Zoey, hindi pa rin daw ito naawa sa kanila at patuloy pa rin silang pinagnanakawan.
Dahil sa kanilang natuklasan, kakasuhan daw nila ang nasabing tao pati na ang mga kasabwat nito.
“At ang lalong masakit at karima-rimarim, noon mismong ikinuwento ko sa kaniya ang hirap ng kalooban at bulsa dahil sa aming pinagdadaanan gawa ng natuklasang karamdaman ni Zoey, wala pa ring puknat ang pagnanakaw niya sa pera ng kumpanya.
“Kakasuhan namin ang taong ito pero hindi ako papayag na di mananagot ang bangko at pati na ang kaniyang mga kasapakat.
“Naghahanap kami ngayon ng KATARUNGAN. Tulad ng unti-unting paggaling ni Zoey, tiwala rin kami na makakabawi at hindi babagsak ang kumpanya.
“Oo nga at nahihirapan kaming lahat ngayon sa Ka Tunying’s pero hindi kami basta susuko.
“Malakas ang loob namin dahil may mga taong tumatangkilik at nagmamahal sa amin at sa Ka Tunying’s.
“Hindi ko tatalikuran ang maraming umaasa rito na mga empleyado at kanilang pamilya.
“Pagsasama-samahin namin ang lakas namin at ang pagtangkilik ng publiko taglay ang inspirasyon ni Zoey sa amin.
“Higit sa lahat, sasandal ang aming tiwala sa Panginoong Diyos at manghahawak sa pangako na hindi Niya tayo pababayaan. “#labanKaTunyings #hindimalimagtiwala #masamaAngsumiraNgTiwala @katunyingsph @rosseltaberna”
View this post on Instagram
“DIFFICULTIES CAME IN ROW”
Sa kanyang panig, nagpapakapositibo pa rin daw si Rossel sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinahaharap ngayon.
“Because of the constant reminder of my husband, I have learned to see the good in every situation no matter how hard and painful it is.
“Subok na subok na namin yan lalo na sa taong ito. Difficulties came in a row. The most throbbing one involves our daughter, Zoey.
“Pero mahihiya ang pagsubok sa pamilya namin cos we never let it consume us.
“We never falter, instead we make use of it to make us even stronger. We give our full trust in Him and when we pray, we already claim that it will be given to us.”
Ayon pa kay Rossel, sobrang masakit ito para sa kanila at sa kanilang mga empleyado dahil ang perang pinaghirapan nila ay nilustay lamang ng iisang tao.
“During the time when Zoey bravely posted her shaved hair and shared her battle with the big C, another MAJOR hurdle came.
“We found out that our trusted Finance Head has been stealing huge amout of money from our dearest food business.
“Sobrang sakit na lahat ng pinaghihirapan ng bawat miyembro ng Ka Tunying’s family ay nilulustay lamang ng isang taong nasilaw sa pera at mga materyal na bagay.”
Masakit man daw ang pinagdadaanan nila dahil sa sakit ni Zoey, naibsan naman daw ito dahil sa mga dasal at mensaheng ipinaabot sa kanila ng mga tao.
“Pero sobrang bait talaga ng Ama. Noong mga panahong yon at hanggang sa ngayon, bumuhos ang mga mensahe at panalangin ng LAHAT para sa aming anak na si Zoey.
“Naibsan ang panghihina at kawalan namin ng pagasa sapagkat nakita namin kung gaano kadami ang nagmamahal at nagmamalasakit sa amin. The situation reminded us of how BLESSED we are.”
Kahit na sa panibagong pagsubok, hindi raw sila susuko dahil nagsimula naman sila sa kanilang negosyo sa maliit na halaga.
Hindi rin daw sila papayag mawalan ng hanapbuhay ang kanilang mga tauhan.
“Panibagong pagsubok. Para kaming nagsisimula ulit BUT WE WILL NEVER GIVE UP.
“Mula sa panaderya sa maliit na probinsiya hanggang sa mapadpad kami sa Maynila sa pagsali sa mga bazaars at unti- unti makapundar ng cafe turned full- service restaurant today, mahirap man pero d kami papayag na mawalan ng trabaho ang isang daang kapamilya naming umaasa sa amin.
“This stumbling block fuels us even more to work harder not only for our selves but for all the good people who’s been with us from day one.
“Para sa inyo ito mga Ka- Ka Tunying’s. Forever and ever. Pamilya at malasakit tayo.”
Sa huli, nagpasalamat si Rossel sa mga taong tumatangkilik pa rin sa kanilang restaurant.
“Maraming salamat sa mga taong patuloy na tumatangkilik sa amin. Kayo po at ang aming mga kapamilya ang aming inspirasyon para itaguyod ang aming nasimulan at mas lalong pagbutihin pa!
“#KTweLEAPasone2021 #teamstrong #familiataberna #katunyings”
View this post on Instagram
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
