Nabatikos ang police-model-actor na si Neil Perez nang depensahan niya ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kontrobersiya sa pagpatay ng kabaro niyang si Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay nito.
Si Neil—Police Staff Sergeant Mariano Perez Flormata Jr. ang tunay na pangalan—ay operatiba ng PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP).
Kasalukuyan siyang nakatalaga sa police station sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 3 sa Parañaque City.
Minsan nang nagbigay-karangalan sa bansa si Neil, 35, hindi bilang isang pulis, kundi bilang male beauty pageant contestant.
Taong 2014 nang nasungkit ni Neil ang titulo bilang Mister International sa pageant na ginanap sa South Korea.
Siya ang kauna-unahang Pilipinong Mister International titlist, at kilala sa taguring “Guwapulis.”
THE KILLER COP
Samantala, si Nuezca, 46, ang pulis-Parañaque na pumatay sa mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, sa kainitan ng kanilang pagtatalo tungkol sa improvised na paputok na “boga.”
Off duty si Nuezca nang nangyari ang krimen nitong Linggo ng hapon, December 20, sa labas ng bahay ng mga biktima sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac.
Malapitang binaril ni Nuezca sa ulo ang mag-inang Sonya at Anthony sa harap ng nag-iiyakan at nagmamakaawang kamag-anak ng mga ito.
Nakuhanan ng video ang buong insidente at nag-viral ito nitong Lunes ng umaga, December 21.
Kasunod nito, nagpahayag ng matinding galit ang publiko sa walang awang pamamaslang ni Nuezca sa mag-inang walang kalaban-laban.
Marami ang kumondena sa anila’y napakarami nang insidente ng krimen, partikular ng pagpatay, na kinasasangkutan ng mga pulis.
NEIL DEFENDS PNP
Sa kainitan ng isyu nitong Lunes, nag-post si Neil sa Instagram ng art card ng silhouette ng isang pulis na nakatayo nang tuwid.
Nakasulat sa art card: “Hindi kaming lahat ang pumatay sa kanya. -Uniporme at tsapa.”
Tanging 13 male cop emojis ang caption ni Neil sa post niyang ito.

Sa post na ito ni Neil, malinaw na pinapaalalahanan niya ang kanyang 138,000 followers na huwag husgahan ang buong puwersa ng PNP sa naging pagkakamali ng kabaro nilang si Nuezca.
Pero sa halip na pang-unawa sa matitinong pulis ang natanggap, inulan ng pambabatikos si Neil.
Isang Instagram follower ni Neil ang sinabihan siya ng “nakakapang diri” at “disgusting.”
Inuna pa raw kasi ni Neil ang dumepensa kaysa mag-“pasintabi sa mga kinatay ng kabaro mo.”
Isang crying face emoji lang ang isinagot dito ni Neil.

NETIZENS SAY NEIL’S POST IS “INSENSITIVE,” “HUGAS-KAMAY”
Maraming netizens din ang nagsabing “insensitive” ang post na iyon ni Neil, lalo na para sa pamilya Gregorio.
Anila, malinaw raw na hindi tanggap ni Neil na umiiral talaga ang “police brutality” sa hanay ng pulisya sa bansa.






Binatikos din ng netizens ang pagdepensa ni Neil sa mga kapwa niya pulis.
Sa halip na mag-“hugas-kamay” para ipagtanggol ang kanyang mga katrabaho, sana raw ay ginamit ni Neil ang kanyang "influence" at "platform" para kondenahin ang nagkasala sa kanilang hanay.








“WHAT IF…”
Ngayong Martes, December 22, mistulang bumawi si Neil sa kanyang mga Instagram followers.
Sa kanyang Instagram Stories, nag-post si Neil ng art card.
Tampok doon ang caricature ng mag-inang Sonya at Anthony Gregorio, at si Nuezca kasama ang anak nitong babae.
Pirmado ng “ShaiXArt” ang art card, kung saan makikitang pawang nakangiti ang mag-inang Gregorio at mag-amang Nuezca.
Sa art card, magkasundong nagkakamay sina Anthony at Nuezca.
May dalawang all capital words sa art card: “WHAT IF…”

Ipinahihiwatig ng art card na ipinost ni Neil na mas maayos sana ang kinahinatnan ng kumprontasyon nina Anthony at Nuezca kung mahinahon silang nagkausap at nagkasundo sa bandang huli.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
