Hindi buntis kundi constipated lang si Alex Gonzaga.
Ganito sinagot ng 32-year-old TV host-vlogger ang isang netizen na inakalang buntis siya.
Nagkomento ang netizen sa latest vlog ni Alex, kung saan sama-sama sa Noche Buena ang pamilya Gonzaga nitong December 24.
In-upload ni Alex ang vlog nitong Lunes, December 28, kasabay ang teaser post nito sa Instagram.
Sa comments section ng Instagram post ni Alex, all capital letters ang bungad ng komento ng netizen nang sabihing “BUNTIS!!!” daw ang Lunch Out Loud TV host.
Ang pinagbasehan ng netizen ay ang pose ni Alex at ng fiancé na si Lipa City, Batangas Councilor Alex Morada sa family picture ng mga Gonzaga.
Pinansin ng netizen ang “hawak ni Mikee sa tyan ni Alex,” na sinabi nitong “halatang-halata na.”
Magkatabi sina Alex at Mikee sa litrato, kasama ang mag-asawang Toni Gonzaga at Direk Paul Soriano, ang anak nilang si Seve, at ang mga magulang nina Toni at Alex na sina Bonoy at Pinty Gonzaga.
Sa picture, nakayakap si Alex sa balikat ni Mikee, habang sa beywang naman ni Alex nakayapos ang konsehal.
Sa tapat ng puson ni Alex naghawak-kamay ang magkasintahan.
Suot ni Alex ang isang maluwag na white maxi dress.
(L-R) Mikee, Alex, Bonoy, Pinty, Toni, Direk Paul, and Seve
“DI BA PUWEDENG PUPU LANG?”
Sa reply ni Alex sa netizen sinabi niyang “pupu” raw ang nasa loob ng kanyang tiyan.
Sinamantala rin ni Alex ang pagkakataong iyon upang banggitin ang isang supplement brand na ineendorso niya.
Sagot ni Alex: “diba pwedeng pupu lang? Since day 1 constipated nako ayaw makisama ng tyan ko kaya nagglutalipo na.”

Sa kabila ng reply na ito ni Alex, nagkomento pa rin ang ilan niyang Instagram followers tungkol sa suspetsang nagdadalantao siya.






NOT THE FIRST TIME
Hindi ito ang unang beses na kinailangang aminin ni Alex na constipated siya matapos mapagkamalang buntis.
Nitong December 15, sa isang tweet ay ikinuwento ni Alex na “cinocongratulate” daw siya ng ibang tao “dahil akala buntis ka.”
Iyon ang unang pagkakataong inamin ni Alex na dumaranas siya ng constipation, o hirap sa regular na pagdumi.
Tweet ni Alex: “Kapag cinocongratulate ka na ng katrabaho mo dahil akala nila buntis ka...
“Ghorl kelangan ko na talaga pumoops!
“Dalang ta* po hindi dalang tao... [rolling in the floor laughing]”
ALEX AND MIKEE’S WEDDING PLANS
December 2019 nang ma-engage sina Alex at Mikee matapos ang tatlong taon ng pagiging magkasintahan.
Noong October, ibinunyag ni Alex na nakatakda sana silang ikasal ni Mikee ng buwang iyon.
Pero kinailangan nilang ipagpaliban ang kasal matapos siyang dapuan ng COVID-19, gayundin ang kanyang mga magulang.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.